Unang Pagsuko

732 24 0
                                    

Sisimulan na naman ang panibagong araw-
Na para bang kahapon maayos pa ang lahat,
Nabulag ng galit mga pusong marupok,
Dito na ba ito magtatapos?

Nagbabagang puot hindi matupok,
Lamig sa sistema ay nanunuot;
Nagbago ka na, aking sinta,
Natututo nang pakawalan, ating pagmamahalan.

Sa wakas, sumuko na,
Pagod nang tuparin sumpaan nating dalawa,
Ngunit tila kay bilis naman-
Para sa puso kong hindi nasasapatan.

Nagsawa ka na ba?
Sawa na sa ugali kong 'di maintindihan?
O marahil nagpaparaya ka,
Upang bigyan ako ng buhay na walang pagkukulang?

Gusto kang hilahin pabalik sa akin,
Mga espasyo dito sa puso ko, para sa'yo,
Ngayon ay nakalutang sa kawalan,
Dahil ikaw lamang ang makakabuo sa mga kulang.

Gustong kang yakapin ng mahigpit,
Subalit ginusto mo na ang nangyari,
Wala nang magagawa yaring pagtatangis,
Namanhid na rin sa sakit.

Parang ayaw ko na kahit gusto ko pa,
Diwa ko'y hindi makapili alin sa dalawa:
Galit na nahahaluan ng pagmamahal,
Sarili ko ba o tayong dalawa?

Ikaw lang-
Ikaw ang nais piliin higit sa sarili,
Subalit hindi ang sarili mo ang iyong pinili,
Kung hindi ako rin-
Ako na mistulang walang damdamin.

Ngayo'y pipiliting iraos ang panibagong araw,
Araw na napakahirap abutin ng takip-silim,
Magtatagal kaya itong nag-aalab sa damdamin,
O tatakbo pabalik upang ika'y yapusin?



045
Unang Pagsuko
05/18/19
Azclar

Tutulo, Tutula, TitilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon