Mundo

162 12 3
                                    

Habang tinatanaw ang mga luntiang dahon,
Naiisip kong tila ang daya ng panahon,
Ngayon ang kinabukasan ng kahapon,
At walang tayo sa wakas ng nasimulang kwento.

Habang tinatanaw ang asul na kalangitan,
Naiisip ko ang panandaliang pagmamahalan,
Kasabay ng takot sa salitang hangganan,
At ang agwat ng kasinungalingan sa katotohanan.

Habang dinadama ang simoy ng hangin,
Binabawi ko ang mga dalangin,
Simula noong ika'y mawala sa akin,
Nawalan na ng pananampalataya sa mga hiling.

Habang pinapakinggan ang mga huni ng ibon,
Tila tumitigil ang pagpintig ng aking puso,
Sabay nating pinakawalan ang mga pangako,
At patuloy ang awit kahit ang lahat ay napako.

Mahal, tila naglalaho ang mundong iyong ginawa,
At tila hindi ko na nararamdaman ang halaga-
Nitong buhay ko sa daigdig na nagugunaw,
At ngayon tinatanaw ko ang paglubog ng araw.

Ito ang mundong naging tahanan ko,
Na ngayon ay nagiging abo sa paningin ko,
Hindi ko naayos ang mga kamalian,
Hanggang sa gumuho ang lahat ng tuluyan.

Itinatangis ko ang naganap sa ating dalawa,
At sa uulitin, ako na naman ang munting nawawala,
Naglalakad ng walang pahingahan,
At naglalakbay ng walang patunguhan.



082
Mundo
01/15/23
Azclar

Tutulo, Tutula, TitilaWhere stories live. Discover now