Unang Pag-ibig

3.5K 48 2
                                    

Iniisip ko na baka-
Baka hindi tama ang guminhawa,
Pagka't may laging mali sa bawat saya-
Na para bang ang kasunod ay hindi ko makakaya.

Dati'y tinatawag ko silang hangal-
Silang mga nabaliw dahil sa pagmamahal,
Hindi ko batid kung bakit kailangan nilang tumangis,
Kung maaari namang tumakas at maging makasarili?

Hindi ko maunawaan ang panuto ng pag-ibig,
Kailangan palang kalimutan ang pag-iisip?
Nasabi ko sa sarili na ito ang huling papangarapin,
Ngunit isang hakbang at sa bitag mo'y nahuli.

Ikaw at ikaw at ikaw at ikaw--
Ang sanhi at kinain ang aking mga salita,
Ikaw ang unang lumabag sa aking batas,
At ikaw ang tumibag sa aking gusaling bakal.

Hindi naging marupok kailanman,
At hindi nagpakita ng ano mang kahinaan,
Subalit pagdating sa'yo ay parang yelo at may ulan,
Pagdating sa'yo, ako ay bulak sa gaan.

At nasabi ko, ang sarap magpaubaya;
Ang sarap bumigay nang walang inaalala;
Ang sarap magkamali at umilit-ulit;
Ang sarap sundin parati ang damdamin.

Ikaw at ikaw at ikaw at ikaw-
Ang panatag sa mundong nag-iiba,
At ikaw at ikaw at ikaw rin pala,
Ang panganib na laging nagbabanta.

Ako'y nalunod sa isipin, 'di nagtagal-
Kung paano maging higit upang maging sapat?
Paano ba tumayo at manatili sa itaas-
Upang hindi mo maisip kailanman ang kumalas?

At magtiwala ka, ginawa ko ang lahat-
Pero nangyari parin ang aking kinakatakutan,
Pakiramdam ko ay wala nang natira,
Pakiramdam ko'y wala na akong magagawa.

Ikaw ang aking unang pag-ibig at unang hagikhik,
Ikaw ang aking unang pag-ibig at unang sakit.



027
Unang Pag-ibig
04/09/22
Azclar

Tutulo, Tutula, TitilaWhere stories live. Discover now