Siguro

164 10 3
                                    

Mas masaya siguro kung nasa tabi kita,
Habang hawak ang kamay at nakatitig sa'yong mata,
Dahil ngayo'y nagtatago sa isang tabi,
At pinagmamasdan ka na may inggit.

Ang tingin na 'yan ay minsang akin,
Bago pa siya dumating at nakabangga-
Isang araw kagaya ng ngayon,
Habang ako ang kasama't naglalakad.

Hawak mo noo'y libro at malawak na ngiti,
Katatapos lamang ng klase, tayo'y pauwi;
Matagal-tagal ring naghintay sa labas ng iyong silid,
At sa pag-ibig mong mailap pa sa bahaghari.

Pilit na inaagaw ang iyong hawak,
Sa aking itinatangi, kamay ay nilahad,
Subalit hindi ka matinag, ayaw paawat,
Hanggang sa may mahagip na isang balikat.

Narinig ang paunmanhin sa mga boses na may ritmo,
Bago ako makayuko ay napulot niya na ang mga libro,
At hindi namalayan, pati na ang iyong puso-
Na milyong beses kong kinatok bago makapasok.

Noong nagkatitigan kayo, hindi ko namalayan-
Ang mga kulisap na sa paligid ay nagliliparan,
Akala'y isa lamang sandali na malilimutan,
Subalit sa aking likod ay may nabuong unawaan.

Noong tinapat na hindi na ako ang mahal-
Walang salita ang lumabas sa bibig,
Walang nagawa kung hindi magparaya,
At masaktan ng tahimik sa isang gilid.

Ngayon ay ala-ala ang pinanghahawakan,
Dahil ang iyong kamay ay nakagapos na sa iba,
Tititigan ka na lamang na may luha-
Habang iniisip na siguro mas masaya-
Mas masaya siguro kung nasa tabi kita.



069
Siguro
07/07/20
Azclar

Tutulo, Tutula, TitilaOn viuen les histories. Descobreix ara