Bahagi

173 11 0
                                    

Nitong mga nakaraang araw, iniisip kita,
Gayong ating pagsasamahan ay nagdaan na;
Napapatanong, nalilito, nahihiwagaan;
Marahil ay dahil madalas nakikita ang iyong pangalan.

Hindi ko alam kung bakit binabalikan pa-
Usapang malalalim, mga lakad sa kalsada;
Hindi ako ang tipo na sasabihin ang lahat,
Subalit nagpasailalim sa iyong salamangka.

Ang mahinahon mong boses na walang kasing rahan-
Na sa tuwing bumubulong, mga balahibo nagtataasan;
Gusto ko ang mga mumunting haplos na dumaplis sa balat,
At ang mga hawak na may kasamang pag-iingat.

Sa tuwing guguluhin mo ang aking buhok,
Nagkukunwari na lamang na naiinis;
Sa tuwing aayusin, napapahagikhik-
Mangha sa maliliit na detalyeng napansin.

Hindi ko pa naramdaman ang maintindihan,
Ngunit pagdating sa'yo, walang alinlangan;
Hindi pa nangahas kagaya ng gusto kitang maunawaan;
Ikaw ay isang palaisipang ninais kong mabigyan ng kasagutan.

Sa tuwing tititigan ko ang iyong mukha-
Walang kasing amo pero balot sa hiwaga-
Ang mga matang nangungusap sa dilim na hindi pinapahalata--
Kumakawala parin at nais ko na lamang pawiin.

Madalas napapapikit ng mariin,
Nag-aatubili sa isang tabi, naiiling;
Pinipilit pigilan ang sariling tangayin;
Nanlalamig, namamanhid, naninimdim.

Noong ako'y nasaktan at sa iyo'y napa-lapit,
Nilunok ang kahihiyan at kahit-
Ilang buwan na ang nagdaan magmula nang ika'y lumayo,
Luha ko parin sa iyong damit na naging panyo.

Ang iyong mga payo at biro-
Na hindi nasunod at tinawanan lamang.
Ganon paman, napanatag ang loob;
Naroon ka bilang pananggalang.

Siguro nga ay gusto kita.
Sa tagal ng panahon ay ngayon lamang nadama.
Hindi tayo nag-umpisa para makaramdam ng kakaiba,
At hindi rin magtatapos sa magkatulad na dahilan.

Siguro nga ang katangian mo ang hangad ng pagkatao ko;
Subalit hindi ang natatanging makakabuo.
Wala akong maaaring gawin para sa ating dalawa,
At kahit mayroon, wala paring mag-iiba.

Alam kong tapat ka sa binitawang salita.
Tanda ko pa ang minsang sinabi na hindi ka tutulad sa 'kanya',
Hatid nito sa akin ay magkahalong lumbay at saya,
Ipinagmamalaki ko ang taong iyong nahulma.

Kaya hanggang sa pagkahumaling na lamang.
Ito na siguro ang una at huling tula na sa iyo'y ilalaan,
Bilang palatandaan ng pagdaig sa nararamdaman,
At pag-atras sa linyang muntik ko nang maapakan.

Kung sakaling mabasa mo ito;
Nais kong alalahanin mo ang sandaling binasa ko sa iyo ang isang libro.
Hindi mo kailangan ng isang daang hakbang upang maging masaya,
Kagaya nang nagawa mong humalakhak sa nagkabuhol kong dila.

Nadudurog ang puso ko sa mga nakabitin na ala-ala--
Ang kahapon kung saan kailangan nating dumistansya.
Hindi mo man sabihin, maliwanag na sa akin;
Patawad sa mga panahong ako'y naging sakim.

Sapat nang sa iyong mundo ay napadaan;
Hindi man nanatili sa iyong tabi, subalit namamasdan.
Ang mayroon sa atin ay hindi pangkaraniwan;
Gayonman, tatawagin ko itong 'totoong pagkakaibigan'.

Nitong mga nakaraang araw, iniisip kita,
Gayong ating pagsasamahan ay nagdaan na.
Ngayon ay batid ko na ang dahilan...
Ganap na bahagi kana ng aking katauhan.



066
Pong
02/23/20
Azclar

Tutulo, Tutula, TitilaUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum