Daungan

170 10 0
                                    

Kaya ayaw ko sa tanawing ganito kaganda,
Dahil inggit lamang ang aking napapala-
Kung paanong ang mga bagay ay nasa tamang ayos,
At tila alam nila kung ano ang papel sa mundo.

Ang alon na umaabante't umaatras,
Ang buhangin na malayang nagpapatangay,
Ang buwan na madalas sumisilip,
At ang mga bituin na pakislap-kislap.

Alam nilang lahat kung para saan sila,
At alam nila ang dapat na ginagawa,
Hindi lumilihis, hindi nagkakamali,
Hindi napapagod, hindi tumitigil.

Tama lang ang lahat,
At ako lang ang hindi,
Sa lahat yata ng nilikha,
Ako lang ang mali.

Ang tanging nagpapaalala-
Na hindi perpekto ang mundo,
At ang kaisa-isang palatandaan-
Na hindi lahat naaayon sa gusto.

Marahil ay isinumpa ang daigdig,
Dahil naghangad ito ng labis-labis,
At marahil ang saysay ng aking buhay-
Ay upang ipakita araw-araw kung paano mamatay.

Kaya ayaw ko sa mga tanawing maganda-
Dahil alinlangan ang katotohanan ng lahat,
Kaya ayaw ko sa mga lugar na ganito-
Dahil hindi naman ako nabibilang dito.



098
Daungan
03/26/23
Azclar

Tutulo, Tutula, TitilaWhere stories live. Discover now