“Umalis ka na, Mildred. Hindi pa han—“

“Ma,” Putol ko kay mama habang niluluwangan ang awang ng pinto. Tumingin ako kay Tita Mildred gamit ang walang emosyong mukha. Naiiyak na naman ako pero hindi ko hahayaang makita niya ang mata kong iiyak. Tama na iyong nakikita niya ang mga mata kong namumula at namamaga dahil sa pag-iyak. Mahal na mahal ko ang anak niya pero hindi iyon sapat para sa kanya dahil sa katayuan ko sa buhay. Matapobre siya.

“Ano hong kailangan niyo, Mrs. Villegas?” Madiin kong tanong. Naglakad ako palapit sa kinatatayuan nila ni mama.

“Grace, okay ka na?” Tanong ni mama. Tumango ako bilang sagot, ang mga mata ko ay naka-tuon kay Tita Mildred. “Iwan ko muna kayo. Bibili ako ng makakain.” Paalam ni mama bago lumabas ng bahay.

Tinignan ako ni Tita Mildred mula ulo hanggang paa. Napangisi ako sa mata niyang mapanuri at mapagmataas. Nakasuot lang ako ng maluwang na tshirt at maiksing shorts. Nakatsinelas ako at hindi pa naghihilamos. Kagigising ko lang, alam niya ‘yon kaya dapat wa’g siyang umasa na mag-aayos ako ng sarili ko para lang sa pakikipag-usap sa kanya. She’s not even worth the respect. Kahit sabihin pang nanay siya ng taong mahal ko, hindi nararapat sa kanya ang salitang respeto dahil unang-una, wala siya no’n para sa ibang tao – para sa tulad kong mahirap.

“Grace, look. We can talk outsid—“

“May trabaho pa po ako mamayang alas diyes.” Putol ko at umupo sa maliit na sofa. Iginiya ko ang aking kamay sa sofa na kaharap ng akin. “Upo ho kayo.”

Nakita ko ang pag-aalinlangan sa mga mata niya habang nakatingin sa maliit na sofa namin. Maliit lang talaga iyon at mababa pa. Naka-heels siya kaya kapag uupo siya doon ay mawawalan siya ng poise.

Huminga muna siya ng malalim bago umupo do’n na para bang ang hirap gawin ng bagay na iyon. Napailing ako. Mayaman talaga. Iniisip ko na sana hindi nalang mayaman si Paul para kasama ko pa siya ngayon – para naging mahaba pa ang panahon na nakasama ko siya. Pinigilan kong mapangisi nang makita ko ang itsura niyang hindi komportable. She sighed again as if composing herself.

“I want to say sorry,” She started, looking at me. Pinagsalikop niya ang kanyang kamay at ipinatong iyon sa kanyang kandungan. Malungkot ang kanyang mata at nakikita ko ang sinseridad pero wala akong pakialam. “Para sa ikabubuti iyon ni Paul kaya ko iyon ginawa. Kahit na sinong ina ay gagaw—“

“Mawalang-galang na po, Mrs Villegas, but what if the table will turn? Kayo ang mahirap at ako ang mayaman. Papalayuin kita sa anak ko dahil mahirap ka. Anong mararamdaman mo?” Putol ko. Nanginginig ang aking labi. Hindi ko mawari ang dapat kong maramdaman. Ang galit ba o ang sakit na nararamdaman ko sa aking dibdib. Iyong kirot na gumuguhit sa aking puso ay masyadong nang-iiwan ng marka. Ang sakit sakit.

Bumaba ang tingin niya sa kanyang kamay na parang itinatago niya ang pagsisisi sa kanyang mukha. Yumugyog ang kanyang balikat at nagsimula siyang humagulhol. Napaiyak din ako. Ang pinaka-ayaw ko sa lahat ay nakakakita ako ng inang umiiyak. Kaya hangga’t maari, ayaw kong umiiyak si mama dahil triple no’n ang dating sa akin. Ganu’n din ngayon ang nararamdaman ko kay Tita Mildred, nanay siya ni Paul kaya naman nararamdaman ko din ang bigat sa aking dibdib dahil umiiyak siya.

“Nagalit sa akin si Paul dahil sa ginawa ko sa’yo, Grace. Pumunta ako dito para humingi ng tawa—“

Napatayo ako sa aking upuan dahil umusbong ulit ang panibugho sa aking dibdib. “Huli na po, Tita! Wala na siya! Dahil sa inyo, hindi ko siya nakita bago umalis!” Hagulhol ko at tumakbo paalis ng bahay. Hindi ako nagpaalam sa kanya. Para saan pa? Mag-iiyakan lang kami do’n. Ayoko siyang kasamang umiyak dahil mas nararamdaman ko ang sakit.

Hindi ko pinansin ang mamahaling sasakyan – na hindi ko alam ang pangalan – na naka-parada sa harap ng bahay namin. Iyon ang sasakyan ni Tita Mildred. Naroon ang kanyang driver na napatingin sa akin. Tumingin siya sa likod ko at napa-igtadi ako nang hawakan niya ang braso ko ng mahigpit kaya napatigil ako sa pag-takbo. Tangina! Gusto ko ng umalis sa lugar na ‘to.

“Anong ginawa mo kay Madam?” Tanong niya na para bang may ginawa nga akong masama sa kanyang amo. Lalong nagngitngit ang kalooban ko.

Sinipa ko ang tuhod niya at agad niya akong nabitawan. Napaupo siya. “Nasa loob ang amo mo! Pinatay ko!” Gigil kong sigaw at tumakbo ulit. Hindi ko ininda ang mga taong tumingin sa gawi ko dahil sa malakas kong pag-sigaw.

Iyong sakit na nararamdaman ko sa aking dibdib ay kailangan kong ilabas. Galit na galit ako. Nasasaktan ako.

“Grace!” Napatigil ako sa pag-takbo nang marinig ko ang boses ni mama. Humarap ako sa kanya. Hawak niya sa kanyang kamay ang supot ng pandesal. “Sa’n ka pupunta?” Naglalakad siya palapit sa akin. Napaluha ulit ako dahil sa nakikita kong pag-aalala sa mga mata ni mama.

Napahikbi ako. “M-ma, babalik po ako m-mamaya. K-kailangan kong lumayo sa b-babaeng iyon...”

Kumislap ang mga mata ni mama dahil sa namumuong luha. “B-balik ka, ‘nak, ha? Magluluto ako ng paborito mong kare-kare. L-lalagyan ko ng asukal ang bagoong...” Nung nakalapit si mama ay agad niya akong niyakap. Napahikbi akong muli dahil sa init ng pagmamahal ni mama na dumaloy sa aking puso. “... ‘di ba gusto mo iyon? B-balik ka, Grace, ha? Sasarapan ko iyon.” Patuloy ni mama at naramdaman kong yumugyog ang balikat niya, senyales na umiiyak na naman siya.

Humiwalay kaagad ako at tumakbong muli. Ayokong makita si mama na umiiyak dahil madadagdagan na naman ang sakit sa aking dibdib. Sapat na muna iyong sakit na dulot ni Paul. Iyong galit ko kay Tita Mildred. Kung idadagdag ko pa iyong sakit dahil sa pag-iyak ni mama, baka mamatay na ako. Pakiramdam ko ay durog na durog ako.

Hindi ko kaya. Hindi ko pa kayang hindi masaktan dahil sa nangyari. Oo, sinasabi ko sa aking sarili na tatanggapin ko pero hindi ko alam kung kailan. Hindi ko alam kung kailan mawawala iyong sakit sa puso ko. Takbo lang ako ng takbo. Gusto kong mapagod na lang at mawala ang sakit. Gusto kong mamanhid sa lahat ng bagay.

Iyong mga ala-alang pilit na nasasagi sa isip ko kasama si Paul ay tinataboy ko. Iyong mga ngiting binigay sa akin ni Paul. Iyong mga halik niya. Iyong mga salita niya. Iyong mga ginagawa niya sa akin para maipakita kung gaano niya ako kamahal ay namimis ko. I love everything about him kaya naman ang sakit-sakit lalong isipin na wala na siya. Ni hindi ko man lang siya nakita nung umalis siya. At dahil iyon sa matapobre niyang ina.

Tumigil ako sa pag-takbo nang maramdaman ko ang pag-kapos ng aking hininga. Naglakad ako ng mabagal. Lumalabo ang paningin ko dahil sa luha. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko dahil sa pag-habol ko ng aking hininga. Hindi ko pinansin ang mga taong nagbubulungan sa paligid ko. Hindi ko ininda ang mga mata nilang tumitingin sa akin. Nawalan na ako ng pakialam.

Ang tunog ng mga sasakyan lang ang tanging klaro sa aking pandinig. Tumawid ako sa may pedestrian lane ngunit napatigil din nang bumigay ang tuhod ko. Napapikit ako nang bumagsak ako sa semento.  Naramdaman ko agad ang hapdi sa aking siko. Hindi ko alam kung anong nangyari. Basta ko na lang naramdaman ang panlalambot ng aking tuhod.

Madami akong naririnig na sigawan ng mga tao at busina ng sasakyan. Unti-unting humihina ang aking pandinig. Nabibingi ako. Bukod sa panginginig ng aking katawan ay wala na akong maramdaman. Ito na ba ang hinihiling kong maging manhid na lang sa lahat?

Sinakop na ako ng dilim bago ko pa man maramdaman ang matitigas na brasong bumuhat sa akin.

His Broken-hearted GirlWhere stories live. Discover now