1. Matitigas

19.3K 355 18
                                    


“Grace, anak. May bisita ka!”

Kanina pa ako naririndi sa boses ni mama. Gusto kong ipikit pa ang aking mata dahil ang bigat-bigat pa nito. Kagabi pa ako iyak ng iyak dahil sa nalaman kong balita na wala na ang boyfriend ko – na iniwan na niya ako. Kaya ko namang tanggapin iyon pero hindi naman agad-agad. Ang sakit-sakit para sa akin na iwan niya ako. Lalo na’t mahal na mahal ko siya.

“Ma naman, e!” Daing ko pa. Kinuha ko ang unan sa ulunan ako at ipinantakip sa mukha ko. Hindi ko pa kayang imulat ang mga mata ko. Gusto kong magpahinga. Magpahinga sa pag-iyak at sa pagdadalamhati.

“Gumising ka na! Kanina pa naghihintay si Mildred sa ‘yo!”

Pinilit kong imulat ang mga mata ko dahil sa sinabing iyon ni mama. Nagising ang kaluluwa ko. Nagising pati ang sakit sa dibdib ko. Napalunok ako dahil andoon na naman iyong bumibikig sa lalamunan ko.

Si Mildred Villegas!

Inalis ko ang unan sa aking mukha at nakita ko agad si mama na naka-upo sa edge ng kama ko. Naka-titig siya sa aking mukha na parang sinusukat kung gaano pa din akong nasasaktan. Nakatingin siya sa akin gamit ang naaawang mga mata. Umirap ako sa kawalan.

“Ano pong ginagawa niya dito?” Malamig kong tanong.

“Malalaman mo ang sagot sa tanong mo kung haharapin mo siya ngayon din. Kani–“

Pinutol ko ang pananalita ni mama. “Wala akong pakialam, ma. H-hin...” Hindi ko naituloy ang sasabihin ko dahil bumukal na naman ang luha sa aking mata. Bumangon ako mula sa pagkakahiga at ibinaluktot ang mga paa ko. Niyakap ko ang mga tuhod ko at ibinaon ko ang aking mukha. Narinig ko ang pag-‘tss’ ni mama bago ko naramdaman ang mga braso niyang niyakap ako.

“H-hindi ko n-nakita. . . si Paul bago siya u-umalis, ma! D-dahil iyon sa kanya!” Sigaw ko. Ang sakit-sakit ng dibdib ko dahil sa ala-alang iyon. Dahil sa pinamukha sa akin ng Mildred na iyon na wala akong kwenta. Na hindi ako bagay sa anak niya.

Hinahagod ni mama ang likod ko para matigil ako sa pag-iyak. Hindi siya nagsasalita. Ito ang ayaw ko kapag nagigising ako. Bumabalik iyong sakit ng nangyari. Iyong sakit kapag naaalala ko iyong sinapit ko sa lalaking mahal na mahal ko. Iyong katotohanan na umalis siya. Iyong katotohanan na hindi ko siya nakita dahil sa mommy niya.

Hindi ko alam kung ga’no katagal hinagod ni mama ang likod ko pero kumalma ako dahil do’n. Tumigil ako sa paghagulhol.

“Harapin mo siya, ‘nak. Pakinggan mo kung ano ang sasabihin niya. Alam kong may rason siya kung bakit niya ginawa iyon.” Ani mama bago ko naramdaman ang kanyang labi sa aking ulo. Tumayo siya. “Maligo ka na. Papaalisin ko si Mildred at sasabihin ko sa kanya na tatawagan mo siya kung kailan ka handang makipag-usap sa kanya.”

Pagka-labas ni mama sa kwarto ko ay bumangon din ako. Sumilip ako sa maliit na awang ng pintuan ko at nakita ko nga si Tita Mildred do’n. Naka-suot siya ng puting dress at itim na pumps. May nakasabit na mamahaling alahas sa kanyang leeg. Iyong hikaw sa kanyang tenga ay kumikinang. Sumisigaw ng  karangyaan ang kanyang damit at alahas. Habang si mama naman ay naka-palda ng mahaba at lumang tshirt, tsinelas naman ang sapin niya sa paa. Walang-wala ang ayos at tindig ni mama kumpara kay Tita Mildred. Hindi siya bagay sa sala naming masikip at may maliit na sofa. Tumulong muli ang luha ko dahil sa realisasyong tama siya. Hindi ako nararapat para kay Paul. Pero ang importante naman ay iyong pagmamahalan namin, ‘di ba? I am so sick of romance novels and stories like this. Iyong hindi tanggap ang isang babae o lalaki dahil sa katayuan nito sa buhay.

“Tatawagan ka na lang niya kapag maayos na siya.” Narinig kong sambit ni Mama kay Tita Mildred.

“Kailangan ko siyang makausap, Ana. Please,” Batid ko sa boses niya ang pakiusap. Hindi ko alam kung bakit kailangan niya akong makausap. Iniisip ko pa lang na kausapin siya ay nagagalit na ako. Nanggigigil na ako sa galit.

His Broken-hearted GirlWhere stories live. Discover now