Paano Hahabulin ang Hindi Akin?

40.5K 615 223
                                    

At nasilayan na naman kita taglay ang nakaukit na lumbay sa iyong mga mata,
Isang palaisipang sa isip ko'y hindi mabura-bura,
Dala ang mabibigat na hakbang habang papalapit sa aking kinaroroonan,
Nais kong baybayin ang pinakamalalim na parte ng iyong katauhan.

Siya ba-
Siya ba ang dahilan sa mga kilos mong ganyan?
Mga kilos na hindi ko maintindihan?
Siya ba-
Siya ba ang dahilan kung bakit ka nahihirapan?

Gusto kitang gamutin,
Salubungin ka't sabihing ang lahat ay maaayos rin,
Ang ipadama sa'yo ang init ng aking masidhing pagtingin,
At ikaw ay balutin-
Sa kapanatagang gagaling ka sa aking piling.

At sinulyapan mo ako;

Sumulyap saglit at binalot ako ng lamig,
Mabilis na pagpintig ng puso'y pinapatay ako sa sakit.

Bakit-
Bakit kailangang ang pag-ibig ay maging madaya?
Bakit-
Bakit kung sino pa 'yong taong gusto mo, hindi pinapahintulot ng tadhana?

At nilampasan mo ako;

Tila hangin-
Nariyan subalit hindi abot ng iyong paningin,
Tila ako'y dilim-
Ayaw mong suungin,
Tila-
Tila ika'y papawirin-
Matatanaw subalit hindi kayang abutin,
Tila kahit anong gawin-
Kanya ka lang, hindi magiging akin.

Hindi pa pala-
Hindi ko pa kayang mawala ka,
Kaya-
Kaya tinawag pa kita-
Habang pinagmamasdan ang mga balikat mong nabibigatan na,
Tinawag pa kita,
Umaasa,
Baka sakali-
Baka sakaling lumingon ka.

Pero hindi,
Hanggang doon nalang talaga;
Ang atensyon mo'y labis na mahalaga,
Kumpara sa tulad kong isa lamang tagahanga.
Sobrang halaga-
Na hindi matutumbasan kahit ilang pagmamahal pa ang aking ipadama.

Dahil siya-
Siya lang ang maaaring maging dahilan sa mga kilos mong kakaiba,
Siya-
Siya lang ang tanging makakagamot sa puso mong winasak niya.

Kasabay ng paglayo mo'y ang pagbigat ng aking hininga-
At ang paglabo ng paligid dahil sa mga luhang nagbabadya;
Tila tumigil ang mundong minsa'y ikaw ang nagpaikot,
Yumanig sa akin ang nakapangguguhong takot.

Takot sa pagtanggap sa katotohanan,
Takot na hindi pala pag-ibig ang madaya, kun'di ang aking kalooban.
Umpisa pala-
Dapat alam ko na-
Hindi na umasa pa-
Na maging akin ang taong minsan akong pinatawa,
Maging akin ang taong minsan-
Minsan lang akong binigyan ng halaga.

At ibinaling ko ang mga mata sa iba;

Umaasang mapawi ang lumbay na aking nadarama-
Umaasang bumalik ang mga luhang malapit nang kumawala;
Pero hindi talaga,
Hindi parin hanggang ngayon,
Hindi parin pumapayag ang panahon-
Na matanggal ang patalim na iyong ibinaon.

Bakit kaya?
Bakit pa?
Bakit narito ka pa?
Ano ba?!

Alam ko na-
Noong ako'y iyong nilampasan, nawari ko na-
Ang patutunguhan ng lahat subalit pilit paring nagbulag-bulagan,
Pilit parin na ipinipilit na baka-
Baka tayo ay may patutunguhan.

Parang tanga.

Noong ako'y iyong nilampasan alam ko na sanang magkaiba ang ating daang tatahakin-
Na hindi tayo magkakaabot kahit gaano ko naisin-
Kahit gaano ko pilitin,
Kahit ano pa'ng aking gawin.

Sa huling mga segundo'y nais pa sana kitang habulin,
Pero naisip ko-
Natanto ko...

Paano ba?
Paano nga ba?
Paano ko hahabulin ang taong hindi naman akin?

At hinding-hindi magiging akin...



002
Paano Hahabulin ang Hindi Akin?
10/20/18
Azclar

Tutulo, Tutula, TitilaWhere stories live. Discover now