PASENSIYA NA MANUNULAT LANG

24 1 0
                                    

  Alagad ng batas, o ni-sino pang pantas.
May-ari ng dahas na kung pumatay ay walang habas, mga kaluluwang inapi ng lipunang hindi alam ang salitang batas.
Malapit nang maupos ang ningas, nabibilang na sa gaspang ng mga kamay ang panibagong bukas.
Panibagong hamon na naman ang haharapin sa susunod na landas, kung maalala mo man ang mga salitang matatalas ay patawad.
Hindi ko nais na tawagin kang alagad ni hudas, o anak ni satanas.
Ni hindi ko intensiyong pasukin ang iyong lungga at ng mga kapwa mo ahas.
Hindi ko sinasadya, maniwala ka, alagad lamang ako ng mga titik at letra na kapag nagtagpo sa tugma ay matindi kung humampas.
Isa rin akong bilanggo na hindi mo nanaising makalabas.
Pagsulat ang nagbibigay sa akin ng mga pakpak upang maging anghel at magbanta sa iyo kung kailan ang magiging wakas.
Patawad, pasensiya na, manunulat lang.
Taga-sunod sa agos ng sining na minsan mo lang kung maibigan.
Hindi ako bulag na hindi nakakakita ng kapalaluan mo sa trono gamit ang sariling kapangyarihan.
Aaminin ko, kung batuhin kita ng mga salita ay parang nasasakdal na wala nang pag-asa pang mapatawan ng kalayaan.
Hindi ko na rin naman kasalanan kung hindi ka umilag kaya ka natamaan.
O baka sadyang para sa'yo talaga ang tapang ng mga tugmang hinukay pa sa libingan.
Pasensiya na.
Pasensiya na, manunulat lang,nagsusulat lang.
Alipin ng pintig nitong puso at daluyan ng sumusulak na dugo.
Hindi ikaw ang tinatawag kong damuho, ngunit masisi ba naman kita kung kusa kang lumalapit sa mga patibong ko.
Hindi ikaw ang ama na pinahahapyawan ko noong nabitawan ko ang salitang "wala kang kwenta", marami sila ngunit sinalo mo'ng lahat ang hagupit ng aking mga salita.
Hindi ko ginustong ibunyag ang iyong mga lihim, na doon kayo nagtatagpo ng kalaguyo mo sa dilim,
Na itinatakwil mo ang sarili mong supling dahil hindi mo siya kayang buhayin.
Pasensiya, manunulat lang na hangarin ang magmulat ng mga matang patuloy na nahihimbing sa kamangmangan.
Hindi ko kailanman ninais na ikaw ay masugatan, sadyang sa'yo lang talaga nararapat ang mga katagang sa lumang papel ay nananahan.
Kung nabibingi ka na sa paulit-ulit kong mga sigaw, pasensiya na dahil nais ko lang na damdamin mo'y mapukaw.
Hindi kita pinipilit ngunit ayaw ko na ikaw ay magbingi-bingihan.
Marami ang mga labing nais makipag-ulayaw, nais mapakinggan ang mga tinig na paos na sa pagpalahaw.
Pasensiya na kung isa ka sa biktima ng isinulat kong karahasan, kung bahagi ka ng kabanata ng mga nobelang patungkol sa kahalayan ng mga namumuno sa bayan.
Hindi ikaw ang pinatungkulan.
Hindi ikaw ang pinag-alayan.
Hindi ikaw ang pinaglaanan ng tinta ng panulat, ngunit ano'ng magagawa ko kung ikaw ang mismong sumulat ng iyong pangalan upang malapatan ko ng mga tugmang aakma sa iyong kahangalan.
Pasensiya na, manunulat lang.  

Sa Likod Ng Mga TugmaTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang