BATA, BATA, BAKIT KA GINAWA?

71 2 0
                                    


Bata! Bata!

Bakit ka ginawa?

Sino ang gumawa?

Saan?

Sa gilid ng eskinitang iyo na ngayong tahanan?

Sa likod ng gusaling, iyong pinagkukublihan?

Sa tabi ba ng lansangan,na nagsisilbi mo nang palaruan?

Kailan?

At sa paanong paraan?

Pahiga—patayo?

Ikaw ba'y pinanindigan?

Paharap—patalikod?

Bakit ka tinalikuran?

Bata!Ikaw ba ang bunga ng pagnanasa?

Ginawa ka ba upang sa sarap sila magpakasasa?

Upang patahimikin ang nagwawala nilang sistema, 

upang mapagbigyan ang tawag ng laman.

Ginawa sa mabilisang paraan.

Ni hindi inisip ang kalalabasan

Ni hindi alam ang kahihinatnan

Kung pagkatapos ng siyam na buwan

Ay may bubong na masisilungan 

Kung sa paglabas mo ba sa sinapupunan

Ay may maiinit na yakap na mararamdaman 

Kung sa bawat pagsikat ng araw sa silangan

Ay may kanin at ulam na pang-agahan

Bakit maaga?

Bakit ka ginawa?

Upang matugunan ang bisyo ng iyong ama?

Na habang nakikipaghabulan ka sa mga sasakyan sa kalsada

Wala nang pakialam kung mahagip at madisgras'ya

Ay siya namang pagpapakalunod niya sa alak at droga

Na habang pinipilit mo pang ihakbang ang namamanhid mong mga paa

Bitbit ang gula-gulanit na sako't mga basura, 

Ay siya ring pagpapatirapa ng iyong ina sa harap ng kan'yang mga barkada.

Bata.Bakit ka ba ginawa?

Bakit hindi sila naawa.

Bakit ang pinagmulan mo'y kusa kang isinusuka?

Isinusumpa.

Itinatatwa.

Binabalewala.

Bakit ka ginawa?

Bakit ka pa ginawa?

Kung sa mga oras na ito'y hanap mo ang pagkalinga

Kung sa bawat minuto ay kumakalam ang iyong sikmura

Kung sa bawat segundo ay laman ka ng mga balita

Na isa kang kamalian ng binatilyo't dalaga

Na binuhay ka lang upang hindi sila tawaging laos ng mga ka-eskw'ela

Na nabuo ka sa matinding poot dahil sa pamilya

Na bunga ka lang ng pagkauhaw sa totoong pagsinta.

Bakit ka pa ginawa? 

Binuo?

Kung ang una mong matitikman ay lupit ng mundo

Kung ang una mong masisilayan ay gulo

Kung ang tubig na iinumin mo'y galing sa poso't mula rin sa estero

Kung ang pagkain mo mula umaga hanggang gabi, ay daig pa ang rasyon ng preso.

Ano ang ginawang proseso?

Bakit mali ang konsepto?

Lahat ng dapat ay nagbago.

Nabago.

Naglaho.

Sa murang isipan ay tumimo

Na hindi lapis ang dapat hawakanbagkus ay kinakalawang na pako

Na ang paaralan ay para lang sa matatalino't may sentimo

Na normal lang ang gumawa ng krimen at manloko

Na imbes bola ang nilalaro, lantang gulay ang kailangang ilako

Ang mga kalaro—

Kotseng makintab, dyip at motorsiklo

Na kaunting galaw lang gasgas ang aabutin ng tuhod at siko

At kung mamalasi'y diretso na sa sementeryo.

Manlilimos ng piso–

Singko—

Pambili ng pagmamahal at respeto.

Sa mga taong nagdaraan sa kanto

Na imbes abutan ng tinapay kahit kapiraso, ay pandidirihan na parang isang aso

Pagiging inosente'y nabalot na ng mga milagro.

Bata.Bakit ka ba ginawa?

Bakit ka pa ginawa?

Bakit ninyo pa siya ginawa?

Gayong hahayaan lang ding dumanas nang labis na pagdurusa.

Bakit mo pa ginawa?

Sa Likod Ng Mga TugmaWhere stories live. Discover now