TAYO (SANA)

43 2 1
                                    


Tayo, apat na letra, dalawang pantig at isang salita.
Tayo, pinagtagpo nang hindi sinasadya.
Tayo, salitang binuo ng ikaw at ako.
Tayo.
Oo tayo, tayo sana kung nanatili ka.
Tayo sana.
Tayo na sana kung hinawakan mo nang mahigpit ang mga pangakong sa iyo'y nagmula.
Mga pangako na ang sabi mo noo'y hindi maglalaho't mawawala.
Pangako na ngayo'y  naririto pa, patuloy na umaasa na matupad kahit na ang isa.
Pangakong, hindi ka magbabago kahit may dumating pang iba.
Tayo.
Tayo na sana.
Pero biglang bumalik ang nakaraan at muli mong nasilayan.
Ang nakaraan na sabi mo noo'y naging sanhi ng labis mong kalungkutan.
Nakaraan na hindi mo na nais pang balikan at ang gusto mo ay tuluyan nang makalimutan.
Pero bumalik sa'yo ang  masamang bangungot na gumugulo sa iyong paghimbing.
Bumalik sayo at muli kang nilambing hanggang sa naulit ang iyong pagkahumaling.
Tayo na!
Sana.
Tayo na sana kung hindi ka na muling nagpabihag sa alindog ng kan'yang katawan, kung hindi mo na siya hinubaran gamit ang iyong isipan.
Tayo na sana kung ipinikit mo ang mga mata mo't sa akin lamang binuksan,
kung itinikom ang mga labi at ako na lamang ang hinagkan.
Malalim na sana ngayon ang ating pag-iibigan.
Ngayon ka pa ba magsisisi na dapat ay tayo na?
Tayo na sana kung naging matapang ka lamang, naging matapang na ipaglaban ang ating suyuan.
Naging matapang at ipinagtanggol ang ating pagmamahalan at hindi nagpalinlang sa kapalaluan ng isip at tawag ng laman.
Tayo na sana kung iisa lamang ang ipinasok mo sa iyong puso, at kung tuluyan mo na itong ikinandado.
Pero paano ba magiging tayo?
Kung sa isang ngiti pa lang niya ay nahuhulog na ang mga panga mo.
Kung sa bawat indak ng katawan niya ay umaapoy na ang mga mata mo.
Kaya't sabihin mo sa akin ngayon!
Paano magiging tayo kung naging taksil ka, kung hindi ka marunong humawak ng isang salita, kung hindi mo kayang panatilihin ang mga pangakong binigkas ng iyong dila.
Paano magiging tayo kung muli kang nabulag sa pagbabalik niya.
Tayo na sana.
Tayo na.
Sana.

Sa Likod Ng Mga TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon