KASAYSAYAN

35 1 0
                                    

  Bumukas ang pinto ng museyo.
"Pumasok ka't balikan ang nakaraan mong pagsuyo."
Kusang humakbang ang aking mga paa.
Tinungo ang unang kwadrong nakasabit sa dingding, naroon ka.
Kakaiba ang iyong ngiti—masaya.
Ang sabi ko'y hindi ako tititig sa iyong mga mata, 
ngunit tila may mga kamay na dumarampi sa aking mukha, 
may mahinahong tinig na bumubulong sa akin at nagsasabing " mahal, kumusta ka na?"
Hindi ako ang nagdala rito ng aking sarili upang muli kang maalala.
Ni hindi ko na inisip pang magpakalunod muli sa pangungulila,
Ngunit narito ako sa tahanan ng mga pusong iniwang mag-isa.
Napapalibutan ng mga antigong alaala, 
Nakakahon ang bawat minuto na minsan kang nakasama.
Sa paglilibot ko'y bumibigat ang nadarama.
Nasa loob ako ng museyo ngunit ramdam ko ang paparating na bagyo;
Nagsisimula nang dumilim ang paligid na parang loob ng isang malaking tapayang sinilip ko.
At nagpatuloy ako, hanggang sa napadaan sa isang estatwa;
Idinampi ang aking palad sa kahoy nitong mukha, ikaw ang humalili sa kinatatayuan niya.
Nagniig ang ating mga mata, mga labi'y nais maglapat ngunit hindi na ito tama.
Bahagi ka na lamang ng nakaraan, katulad ng mga antigong bagay sa loob nitong pook na makasaysayan.
Isa kang mahalagang kaganapan, maaaring maalala ngunit madalas ay agad nang nakakalimutan.
Isa ka na lamang obra na minsang ipininta ng nakaraan, 
Isang lumang banga na imbakan ng mga pait at kalungkutan.
At dito sa loob nitong museyo, dito na lamang kita maaaring balikan.
Katulad ng mga lumang kagawian,
Katulad ng makalumang pag-iibigan.
Dito sa malawak na espasyo nitong nakaraan, maaari kang titigan ngunit hanggang doon na lamang, 
Maaari kang hawakan, subalit mayroong salamin na humaharang,
Ang distansya ng mga kwadro mula sa sahig ay nagsasabing iyon na ang ating pagitan.
Ang mga kulay ng ipinintang larawan, tanda na kumupas na ang aking pagmamahal.
Parte ka na ng tinatawag na kasaysayan.
Habambuhay na maaalala ngunit hindi na maaari pang balikan.
Bahagi ka na ng kasaysayan.  

Sa Likod Ng Mga TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon