BITAMINA KO ANG DROGA

50 1 0
                                    

  Nauuhaw na naman ang halimaw.
Pumapalahaw at nakakabingi na ang kaniyang sigaw;
matinis pa sa iyak ng sanggol na dinapuan ng langaw.
Masdan mo ang mga matang mapula pa sa dapit-hapon na palagi mong tinatanaw.
Ang nanginginig na bisig ay naghahanap ng boteng makakapitan, o ng isang piraso ng tambutsong pamatid ng lumbay.
Nais ko ng totoong buhay, ng totoong gabay subalit si ina'y sumama na sa nagpapa-utang na bumbay.
Maging si itay, kinuha na ng tinatawag nilang Maykapal.
Lahat sila'y nagsilisan nang walang paalam at ako; ang nagsilbing haligi't ilaw sa sarili kong bahay.
Hindi ito tahanan, may bubong man ngunit walang mga yakap na sa lamig ay pananggalang.
Sahig ay gawa sa pinagpira-pirasong pangarap na nilamon na ng kadiliman.
Huwag mo akong tatawaging lapastangan 'pagkat sarili kong mundo ang aking pinaghaharian.
Bitamina ko ang alak, sigarilyo at ang drogang isang gramo.
Masisisi mo ba ako?
Kung sa pamamagitan ng isang hithit ay nakakawala ako sa magulong mundo?
Nakakalimutan kong 'pinagpalit ako ng aking ina sa ibang tao, at ikaw!
Isa ka sa mga damuhong kinatatakutan ko, kaya hayaan mo ako.
Tawagin mo akong adik sa kanto.
Itakwil mo ako't ituring na diyablo, alagad ni satanas na dapat ay nasa impyerno.
Itakwil mo ako at tatanggapin ko; maluwag sa loob katulad ng pagtanggap ko na wala akong silbing tao.
Katulad ng pagtanggap ko sa napakaraming salita;
Na salot ako at pabigat sa lipunang ginagalawan mo.
Na kahalayan lamang ang tanging alam ng utak kong walang laman.
"Isang ubo ka na lang, pagkatapos ay libingan na ang babagkasan."
Matagal na akong bangkay.
Simula nang mawala ang aking itay, huwag na nating isama ang hayok sa salapi't laman kong inay.
Bitamina ko ang droga.
Mas mahal ko pa ito sa tinatawag kong sinta.
Ang init na naibibigay ay daig pa ang mga halik niya sa gabing payapa, at ramdam ng buo kong kalamnan.
Ang bawat gramo ay tila malaking eroplano, na sa bawat kong tikim ay nararating ko ang kabilang dako ng mundo,
Ang bawat butil nitong pino ay nagiging musika na nagpapahimbing sa kumukulong galit sa aking dugo.
At ito ang bagong likido ng dugo na dumadaloy sa mga ugat ko.
Droga ang tanging sagot sa napakaraming tanong na sa makitid at bulok kong utak gumugulo.
Magulo.
Magulo.
Magulo.
Katulad ng buhay ko.
Ngunit salamat sa isang gramo dahil nalilimutan kong marahas ang mundo at mga kapwa ko tao.
Teka? Mali.
Kailanma'y hindi ninyo ako itinuring na tao.
Kaya't salamat sa drogang isang gramo.
Dahil sa'yo nalaman kong isa lang akong anino sa itinuturing na paraiso; dilim ang hatid ko, ngunit kayo!
Kayo ang bumuo ng dilim na pinagkukublihan ko.
Kayo ang mga bumuhay sa halimaw na ngayo'y kinatatakutan ninyo.
Ngunit salamat, natuklasan ko ang bitaminang nagpadaloy muli sa aking dugo.
Ang gamot na nagpagaling sa sakit na matagal nang pumapatay sa aking pagkatao.
Drogang isang gramo ang bitaminang sa aki'y nagpapalakas, na sa tuwing nais kong tumakas sa bilangguan ng mga pantas ay agad nakakalagan ang mga kadena't posas.
Droga ang panibagong solusyon sa
mga hamon na hindi binibigyang atensyon,
Dahil wala kayong intensyon na tulungan akong makabangon,
Na sa daluyong ng mga alon ay subukan akong iahon.
Matatapos na ang aking panahon.
Nabibilang na ang apat na sulok ng parihabang kahon.
Malapit nang magwakas ang madilim kong kahapon.
Mawawala na ang mabangis na kaaway ng iyong panahon.
Salamat, droga na bitamina ko sa buong maghapon.  

Sa Likod Ng Mga TugmaWhere stories live. Discover now