ANTAS NG PAGMAMAHAL

33 1 0
                                    

  Maniwala ka.
Kaya kong higitan ang panandaliang pagmamahal ng tinatawag mong sinta.
Simula pa lamang nang magtagpo ang ating mga mata, alam ko kung ano ang nais mo't hindi na kaya.
Kabisado ko ang bawat kilos mo mula ulo hanggang paa.
Maniwala ka!
Kabisado kita.
Nababasa ko ang bawat butil ng tubig na nais kumawala; nahihirapan ka na.
Sa bawat mong pagkurap ay dama ko ang nararamdamang kaba.
Huwag kang mag-alala, sasamahan kita hangin ma'y bagyo ang dala.
Dalamhati mo ay dalamhati nating dalawa.
Madalas mo man akong isinasantabi ay iibigin pa rin kita nang higit sa aking sarili.
Kabisado ko ang palihim mong mga hikbi, hindi man ako kumibo ay nagwawala na ang loob ko sa pagtitimpi.
Kaya kitang yakapin nang ubod nang higpit ngunit nahihiya akong tumabi.
Kaya kong palitan ng liwanag ang madilim mong gabi.
Kabisado na kita.
Maging kung paano mautal ang iyong mga labi, kung paano umiwas ang iyong mga tingin; alam kong may lihim ka na hindi mo masabi.
Talikuran mo man ako't paluhain ay hindi ako gaganti.
Hihintayin pa rin kita sa ating pintuan, yayapusin at titiisin na lamang ang pighati.
Handa akong masugatan nang paulit-ulit, kahit masakit.
Huwag kang mahihiyang lumapit,
Ako man ay may hinanakit,
Ngingitian pa rin kita ng matamis na ngiti at hindi pilit.
Pagmamahal ko sayo'y buong puso at walang makakahigit.
Minahal na kita.
Minamahal kita.
Mamahalin pa rin kita.
Maniwala ka.
Minahal na kita.
Mundo ay hindi mo pa man nakikita.
Ako ang nagsilbi mong paningin noong mga mata'y nakapikit pa.
Ako ang naging mga binti noong hindi mo pa kayang tumayo sa sariling mga paa.
Hindi mo naranasang gumapang sa maalikabok na lupa.
Ako ang palaging nasa tabi mo upang alalayan ka.
Minahal na kita.
Hindi mo pa man nakikila ang tinatawag mong barkada.
Maniwala ka.
Mahal kita.
Simula pa lamang sa pagmulat mo't hanggang sa pagpikit ng iyong mga mata.
Mahal kita, higit man ang pagmamahal mo sa iba.
Ikaw pa rin ang aking prinsesa.
Paglilingkuran kita hanggang sa mabutas ang aking bulsa.
Mamahalin pa rin kita, madalas mo man akong mabalewala.
Ngunit paalala ko lamang sa'yo, nasasaktan din ako, nanlulumo sa tuwing nagiging bingi ka sa aking mga payo.
Nadudurog na rin ang aking puso subalit pag-ibig ko sa'yo ay nananatiling buo.
Mamahalin kita hanggang sa aking huling hininga, sa parihaba mang kahon katawan ko'y isilid na—mamahalin pa rin kita.
Sasamahan sa tuwing nag-iisa, pupunasan ang mukhang basa ng mga luha at yayakapin kapag nahihirapan na.
Mamahalin pa rin kita.
Mawala man ang lima kong pandama, pakikilusin ang aking kaluluwa upang masiguro na ikaw ay magiging masaya.
Minahal na kita.
Mahal at minamahal kita.
Hanggang sa huli;
Anak, mamahalin pa rin kita.  

Sa Likod Ng Mga TugmaOnde histórias criam vida. Descubra agora