Huling Tula: Unang Luha

22 1 0
                                    

'Di namalayang ako na'y nahuhulog
Puso ko'y bumagsak mula sa pinakamatayog
Naputol sa sanga tila manggang hinog
Bakit hindi mo pinansin,tingnan mo't nadurog

Sa bawat mong ngiti'y ako'y napapasulyap
Tila isang hiwaga ako ba'y nasa ulap
Ngunit di ko batid at di ko matiyak
Kung naririnig ang puso sa bawat pag-iyak

Sisimulan ko na mula sa umpisa
Noong ika'y nakitang may ibang kasama
Namasdan mo kaya ang malungkot kong mukha?
Siguro nga'y hindi pagkat ika'y masaya

Pakinggan mo itong aking sasambitin
Ikaw ang laging laman ng aking panalangin
Tumingala ka sa langit masdan mo ang bituin
Katulad ka niyang nais kong abutin

Uubusin ko ang lahat ng letra
Gagawa pa ako ng maraming tugma
Sa pagsulat ko ng bawat salita
Isa lang ang batid ko yun ay mahal kita

Hindi ko maarok at di lubos maisip
Bakit kasama ka sa bawat panaginip
Maging ang hangin ay tumigil sa pag-ihip
Tahimik ang mundo sa tuwing ika'y sisilip

Hindi ko na batid itomg aking tula
Di na pinapansin kung ito ay may tugma
Bilang ng pantig tila ba wala na
Sapagkat ikaw lang ang naaalala

Sabayan mo ako sa pag-uumpisa
Nung sinabi ko sayong ika'y sinisinta
Bigla kang humiyaw sinampal aking mukha
Sa harap ng marami ako ay iyong dinusta

Tinanggap ko lahat nang iyong sinabi
Ako raw ay paslit at mag gatas pa sa labi
Kung alam mo lang buhay ko'y walang silbi
Dahil nais ko'y narito ka sa aking tabi

Ang lahat ng letra'y naisulat ko.na
Indayog ng mensahe'y lubos nang mababa
Habang tumatagal ay wala nang tuwa
Di tulad ng pag-ibig ko sayong napakalalim pa

Pagsinta ko sa iyo ay hayagang binanggit
Narinig ng lupa umabot pa sa langit
Kaunting tugon lamang iyong ipinagkakait
Masdan mo ang aking diwa di kayang iguhit

Muli kong sisimulan sa paghingi ng tawad
Noong sinabi ko sayong ika'y walang katulad
Daig ko baga noon ang isang taong hubad
Nakayukong lumisan at marahang lumakad

Patawarin mo ako kung ika'y inibig
Kung sayo'y di nawalay ang aking mga titig
Ang hangad ko lamang ay dinggin mo ang pintig
Ng tigang na pusong hindi mo dinilig

Hindi ako nagkulang sa aking pagmamahal
Ni hindi natuyo tulad ng isang bukal
Ako'y nagsusumamo sa aking inasal
Pighati ang dinulot ng aking mga dasal

Tulang sinimulan ay aking tatapusin
Ngunit hindi kaya na ika'y lumutin
Ikaw ang inspirasyon sa aking mithiin
Ang maging may-akda ng mga sulatin

Itong aking akda'y malapit nang magwakas
Ngunit pag-ibig ko'y di pa rin kumukupas
Ito'y mananatili at hindi na lilipas
Lalong magiibayo pag dating ng bukas

Huwag mong lilimutin ang ating nagdaan
Noong tayong dalawa ay naging magkaibigan
Hindi ko iwawaglit ang iyong larawan
Na nagdudulot sa akin ng kaligayahan

Ito na ang huling tula na isusulat ko
Buhat pa sa puso at handog sa iyo
Tandaan mo giliw ako'y di magbabago
Mahal ko'y ikaw lamang iyan ay totoo

Bakit di ko magawa na ito ay wakasan
'Di kayang tapusin tila walang hanggan
Katulad ng pag-ibig na sa'yo'y inilaan
Nanatili pa rin at walang katapusan

Tinta ng panulat ko ay malapit nang maubos
Subalit pag sinta ko'y umiiral pang lubos
Ito ay isang apoy na hindi mauupos
Tapat na pagsuyo ay hindi matatapos

Bigyan mo ako ng kaunting sandali
Tanggapin mo itong pag-ibig kong munti
Nais kitang mayakap hagkan ang yong labi
Ngunit paano, ako'y isinasantabi

Ang huling mensaheng aking ihahatid
Nawa'y marapatin at iyong mabatid
Huwag mong lilimuting ako'y nasa paligid
Kung buhay ko'y matapos hininga ma'y mapatid

Huling bahagi na ang aking isinusulat
Subalit mata mo'y di pa rin iminumulat
Bakit ba ang puso mo'y hindi ko mahikayat
Kasing tayog ng bundok na hindi ko maakyat

Ito ang huling tulang likha para sa iyo
Laman ay kalungkutan at pighati ng puso
Sa huling bahagi'y pinaluha mo
Nilimot at nilisan sa magulong mundo

Utos ng damdamin ko'y hindi mo nasunod
Sa malalim na pasakit puso ko'y nalunod
Ito na ang wakas at huling taludtod
Maaalala mo sana ako at dalawin ang puntod

Sa Likod Ng Mga TugmaWhere stories live. Discover now