Bumabalik

115 3 0
                                    

Nandito na naman ako,

paulit-ulit,pabalik-balik sa mga alaala na kasama pa kita.

Sa mga alaala na tayo ang gumawa, lumikha, bumuo, nagtala na puno ng saya, ng halaklak at mga tawa.

Mga alaala na kahit ilang libong taon pa ang lumipas,

letrato man ay kumupas,

mawalan man ng tamis ang ubas,

maubos at tumigil man ang oras ay hinding-hindi magwawakas,

hindi matatapos at magpapatuloy hanggang bukas.

Hindi ko alam kung bakit ka pa pumapasok sa isipan ko,

kung bakit ikaw pa rin ang 'laging na-aalala ko sa mga sandaling ako lang ang tao sa mundo,

sa mga oras na ang mga mata ay mugto,

sa mga oras na nagdurugo ang puso.

Hindi ko alam, hindi ko maipaliwanag sa sarili ko, kung bakit ikaw?

Bakit ikaw pa rin ang nais kong matanaw?

Na kahit lumisan ka na, sumuko at bumitaw,

na kahit ikaw ang dahilan kung bakit ako namamanglaw,

kung bakit ang puso ko'y unti-unting natutunaw ngunit pangalan mo pa rin ang aking isinisigaw.

Mahal, tama ba na tawagin pa kitang mahal?

hindi ba't ako lang naman ang sumugal,

ang naging hangal na kahit wala nang dahilan ay patuloy na lumaban at ang pagsuko ay kailanma'y hindi naisipan,

kahit kapalit pa nito ay kalayaan mula sa pang-aapi ng iyong kataksilan,

kahit na ang kapalit ay paglaya mula sa iyong alipusta, mula sa sugat ng matalas mong dila.

Naaalala pa rin kita, parating naaalala sa tuwing sinusubukan kong humanap ng ligaya na minsang naglaho sa akin noong lumisan ka,

ligaya na sa'yo ko lang nadama noong lagi tayong magkasama,

noong ang dilim ng gabi ay hindi alintana dahil matatamis mong ngiti ang nagsisilbing mga tala.

Noong mga oras na ang tanging naririnig ay ang mga halakhak mo at tawa,

noong mga oras na iisa na lamang ang gabi at umaga.

Naaalala pa rin kita;

Ang mga salitang pinakawalan mo sa iyong bibig,

ang walang tigil na pagsasabing ako ay iyong iniibig,

na ako ang nagpapaikot sa iyong daigdig,

na sa tigang mong puso ay ako ang dumilig at tanging ako lang ang nagpalakas sa iyong mga bisig.

Naalala ko pa ang nakakatunaw mong mga titig ang malamyos mong mga tinig na siyang nagpapalaho sa ingay ng paligid.Sa tuwing napapadpad ako sa dati nating tagpuan,

naaalala ko na naman, ang ating nakaraan, doon sa lugar kung saan una kitang nasilayan, kung saan mo nakuha ang puso kong pihikan.

Doon sa lugar kung saan tayo nagsumpaan na walang iwanan,

na walang susuko dahil sabay tayong lalaban,

sabay nating tatahakin ang landas hanggang sa ang mga pangarap ay ating makamtan,

habang sabay nating binabagtas ang daan at magkahawak ang mga kamay na ayaw nating bitawan,

dahil tayo ay hindi mapaghihiwalay ng kahit sino pa man dahil tayo ay magsasama hanggang kamatayan.

Hindi ko maintindihan, kung bakit ang mga alaala mo'y patuloy pa ring gumugulo sa aking isipan.

Patuloy na dumadaloy sa aking kalungkutan,at nag-uugat ng aking kasiphayuan.

Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay ikaw ang aking nakikita,

na sa tuwing nilalasap ko ang simoy ng hangin ay yakap mo ang aking nadarama

na sa tuwing naririnig ko ang paborito mong musika ay tinig mo ang pumapasok sa aking tenga.

Paano ba kita lilimutin?

Kung ang mga alaala na minsang binuo natin ay hindi pa nawawasak at patuloy pa ring bumabalik sa akin,

gumugulo sa akin,

na kahit sa aking paghimbing ay ikaw pa rin ang nais na kapiling.

Paano ko ba magagawa na limutin ka kung kahit sa panaginip ay kasama kita.
Siguro nga!

Siguro nga ay hindi ko nais na ikaw ay mawala, dahil mismong ang mga alaala na ang nagsasabi na mahal pa rin kita.

---
______________________________
Alaala, tanging patunay ng katatagan ng iyong puso.
Na kahit ilang beses ka nang winasak ng bagyo,
Na kahit ilang ulit nang pumatak ang 'yong luha dahil sa siphayo,
Ay patuloy ka pa ring sumusuong sa nagngangalit na dagat ng pag-ibig kahit malakas ang daluyong nito.

Sa Likod Ng Mga TugmaWhere stories live. Discover now