SAKSI ANG KALAWAKAN

125 2 0
                                    


Gabi noon nang makilala kita.
Umindayog ang mga dahon ng puno na para bagang nagpapakitang-gilas upang mapa-ibig ka.
Naki-awit ang mumunting ibon sa pintig ng aking puso dahil sa labis na saya,
umawit sila at hinandugan tayo ng masayang musika.
Mahal, ito na nga ba ang simula?
Ito na nga kaya ang simula?
Madilim ang kalangitan ngunit maningning ang iyong mga mata at kumikislap na katulad ng mga tala.
Ang bawat pagdampi sa akin ng hangin ay bumubulong at nagsasabing ingatan kita.
Iingatan kita, iaalay ang buong puso at hindi hahayaang lumuha.
Gabi noon nang magtagpo tayong dalawa.
Saksi ang liwanag ng buwan sa tamis ng ating pagsuyo't pagsinta.
Mga bato sa kalawakan ang humalili sa alipato na mula sa ningas ng apoy na kasing-init ng iyong mga yakap sa aking pag-iisa.
Mahal na kita.
Ang pagtitig mo sa aking mga mata ay lumilikha ng pintuan na magbubukas ng pinto patungo sa paraiso na sa atin ay nakahanda.
Ang malamyos mong tinig ang alpa sa gabing payapa.
Mahal na kita.
Mahal, mahal na kita.
At nang gabing iyon, sabay tayong tumingala sa itaas at bumulong ng mga pangarap na sabay nating tutuparin hanggang sa ating pagtanda,
Sabay tayong bumuo ng mga pangako at sa gitna ng kawalan ay pinakawalan ang taos-pusong panunumpa.
Ikaw ang naunang bumitaw sa mga katagang:
"Mahal, iingatan kita at hindi hahayaang lumuha, aalagaan hanggang sa ating pagtanda, hindi ka hahayaang mag-isa. "
Narinig ng langit at lupa ang binitiwan mong mga salita.
Agad akong naniwala sa tamis ng mga pangako mo.
At unti-unti; napagtanto ko,
Ako na lang pala ang naiwang mag-isa sa pagitan ng laban at pagsuko.
Ako na lang pala ang nagbibilang ng makislap ng bato.
Unti-unti.
Unti-unti.
Nabalot ng dilim ang maliwanag na kalawakan, nagkubli ang mga bituin sa likod ng mga ulap na nagbabadya na ng pag-ulan, hindi ako handa;
Ayaw ko na maiwan akong mag-isa sa gitna ng malakas na ulan, natatakot akong malunod sa tubig-baha na hanggang sakong lamang.
Ayaw ko na maulit na naman ang nakaraan, natatakot na akong muling masaktan at maiwang luhaan.
Ayaw ko na.
Kaya't noong nakita ko nang nadadaig ang liwanag ng dilim; nagdasal ako nang taimtim,
Humiling sa tinatawag nilang Bathala;
"Huwag mo pong hahayaang dumating ang kinatatakutan kong sigwa, hindi ako handa, hindi ako handa."
Mahal, gabi noon nang makilala kita.
Maliwanag ang kalangitan, makislap ang mga tala na parang mga diyamante na hindi hahayaang makuha ng iba.
Subalit kusa na itong bumaba.
Nawalan ng ningning at naging isang bato na lamang na walang halaga, na maaaring damputin ng kung sino at ihagis sa aplaya.
Katulad ng puso ko na ngayo'y nawalan na ng lakas at sigla, natatakot nang muli na namang dumanas ng pighati at mangulila sa katahimikan ng hating-gabi---maisantabi.
Maiwan sa kawalan nang walang pasabi, natatakot na ang puso; natatakot na ako na muling magkubli sa loob ng silid na mga luha ang nagkumpuni.
Ang pira-pirasong bahagi ng puso ang pinagpatung-patong na haligi.
Natatakot na akong muli na namang makalimutan ang sarili dahil sa paghahanap ng tinatawag kong parte maging ang katotohanan man ay masaya na siyang iba ang katabi.
Kumusta ka na?
Masdan mo ang madilim na kalangitan,
Ang buwan, ang mga tala, maging ang ulap na nagbabadya ng pag-ulan.
Saksi ang kalawakan noong nakilala kita hanggang sa huling sandali ng iyong paglisan.
Mahal, saksi ang kalawakan.

Sa Likod Ng Mga TugmaWhere stories live. Discover now