MASAMANG PANAHON

30 0 0
                                    

Noong bumuhos ng lungkot ang langit, buong puso kong sinalo ang mga butil nito.
Nabasa ang suot kong kamiseta na iyong regalo;
nabasa ang buo kong pagkatao.
Hinayaan kong matuyo ang yakap ng siphayo,
hindi ko ininda kung ano ang sakit na makukuha ko;
Kung hindi ako makalalabas ng bahay dahil sa trangkaso.
Hindi ko iniisip na baka kapitan ako ng sipon at ubo.
Hindi ko rin pinansin ang dahan-dahang pagtayo ng mga balahibo ko sa braso.
Pero alam ko,
manghihina ang aking katawan, magiging parang basang sisiw sa tabi ng daan,
maghihintay kung may magmamabuting loob na pahigupin ako ng mainit na sabaw.
Maghihintay na baka maalala mo na mahina ako sa ginaw.
Dahil noong kasama pa kita,
bisig mo ang nagsisilbing apoy kapag ako'y nanginginig.
Daig pa nito ang kumukulong tubig na pinakuluan mo't pinasisingaw sa aking dibdib para mabawasan ang lamig.
Dumidilim na naman ang paligid,
ang mala-bulak na ulap ay tinatangay ng hanging habagat.
Hindi palayo kun'di patungo sa aking kinaroroonan,
may dalang bagyo na wawasak sa pinapasan tahimik kong utak.
Ano mang oras ay magbubukal na naman ang aking mga sugat---dulot ng iyong pagtaliwas sa iisa nating landas.
Marahas,
ang lagay ng panahon ngayon.
Puputi't iitim ang mga ulap, paminsan-minsa'y sisilay ang liwanag, ngunit katulad mo,
sandali lang na magpaparamdam para panandaliang matuyo ang nabasang mga talukap.
Alam ko na,
dadapuan ako ng sakit,
ngunit hindi dahil sa buhos ng ulan o lamig ng hanging masungit.
Dadapuan ako ng sakit,
ngunit hindi dahil sa panahong nagagalit at lalong hindi dahil sa pagkayamot ng langit.
Dadapuan na naman ako ng sakit,
na kahit anong lunas ang ibigay,
at kahit lumunok pa ako ng maraming tableta na ubod nang pait,
walang makahihigit sa bisa ng mga yakap mong mahigpit at tamis ng iyong halik.
Gusto ko nang magkasakit.

Sa Likod Ng Mga TugmaWhere stories live. Discover now