K(IN)ABISADO KITA

84 3 0
                                    

Kinabisado kita.
Na parang mga letra sa abakada, tinandaan ang bawat bigkas kung tama, kung ang sunod sa titik "a" ay "ba",
Aba, kabisado pa rin kita.
Ang mga ngiti mong hugis buwan sa hatinggabi, na sa tuwing sinusulyapan ko'y kusa na ring kumukurba ang aking mga labi.
K(in)abisado ko ang iyong pagtawa, ang tinig na kasing-amo ng musika sa umaga, pampawala ng sakit na nadarama.
At kabisado pa kita.
Maging ang pagtanaw mo sa bintana—nakatukod ang dalawang siko't kamay ay nasa sa baba, nag-iisip na baka bukas ay hindi na tayo magkasama.
Lumakad ka man palayo ay alam ko ang bawat pag-indayog ng iyong mga kamay,
mas nauuna ang kaliwa at kasunod ang kanan,
mas malakas ang pagtabyon ng kanan, na parang nais mo na akong bitawan.
Maging ang hakbang ng iyong mga paa—mabilis,
palaging nagmamadali sa pag-alis, binibilang ko ang bawat mong hakbang,
sinundan kung ako ba ang iyong pupuntahan.
Ngunit nalingat ako sa pagbibilang, nakalimutan kong tapos ko na pala ang sampu.
Nakita kita,
nakatayo.
Kabisado ko ang matikas mong tindig; nakaliyad nang kaunti kapag pagod na, diretso naman kung kaya pa.
Ngunit iba ang tindig mo kanina, nakalihis, nakasandal—sa balikat ng dalagang hindi ko pa nasisilayan.
Mahal, kabisado ko ang bawat mong kilos, maging ang kurap ng iyong mga mata, noo'y paisa-isa lang bakit ngayo'y sunod-sunod na?
Ayaw mo na akong makita—sige pumikit ka na, burahin ako sa iyong alaala, ngunit tandaan mong kabisado at kinabisado kita.
Kabisado ko ang paghawak mo sa aking kamay; kapag natatakot ka'y mahigpit, ramdam ng aking laman--- mainit, ngunit nabago na sa paglipas ng sandali, unti-unti nang lumamig at binitiwan mo ang mga hawak kong mahigpit.
Mahal kinabisado kita.
At hanggang ngayo'y kabisado pa rin kita, nahihirapan ka sa bago mong relasyon, mahal kabisado ko ang bawat mong ekspresyon, ang pagkunot ng iyong noo'y alam kong nagtatanong.
Alam ko kung nasasaktan ka na at wala sa kondisyon, mga bibig mo'y palaging tikom, mahal, pasensiya na ngunit wala na ang dati nating relasyon at naisin ko man na alisin ka sa kalagayan mo ngayon, ay wala akong lakas, puro na lamang imahinasyon.
Kabisado ko ang pagpatak ng iyong mga luha, nahihirapan ka na, nagpapahiwatig na ako'y mahal mo pa, ngunit mahal, mayroon na rin akong iba, katulad mo na sa kaniya nagpakasaya.
Kaya't oras na rin para kabisaduhin mo ang aking pagtanggi, ang aking mga iling, pagod na akong tandaan ang iyong mga hinaing.
Nakaahon na ako sa pagkakahulog sa malalim na bangin at kabisado ko na rin ang paglimot sa nakaraan natin.
Kung paano ko pakakawalan ang mga salitang tapos na; madiin, malakas upang tumpak sa aking damdamin.
Kabisado ko na rin kung paano ako tatalikod kapag nagkita tayo sa may hardin, mga paa'y pagpapantayin, tanda na hanggang doon na lamang ang pagitan natin.
At ngayon, kabisado ko na ang pintig nitong aking puso, katulad nang kung paano kita kinabisado.
Tapos na tayo.

---
______________________________
Hanggang ngayo'y kabisado pa rin kita, pero hindi mo naman sinabi na mas kabisado mo pala siya.

Sa Likod Ng Mga TugmaWhere stories live. Discover now