TATLONG KATAGA: TATLONG LETRA

39 0 0
                                    

Nagising ako, wala na.
Hindi na ikaw ang una kong alaala.
Hindi na rin ikaw ang huling binigkas ng aking mga labi bago pumikit ang aking mga mata.
Wala na.
Tapos na ang pagpatak ng aking mga luha dahil sa pangungulila.
Tapos na ang aking pag-iisa magmula nang lumisan ka,
at hayaan ako sa pagdurusa,
tulala at balot ng pighati ang mukha
Wala na, wala na iyong mga hikbi na lihim kong ikinukubli sa gabi.
Iyong mga salitang matagal na nanahan sa aking dibdib 'pagkat hindi ko masabi.
Tapos na,
oo tapos na ang mga oras na ikaw ang laging hinahanap, gustong makausap at mayakap.
Tapos na akong sumulat ng akda at tula ng mga pag-iyak at ngayo'y sinisimulan na ang paglikha ng mga halakhak.
Wala na ang mga patak at marka ng luha sa mga pahina.
Uminog na muli ang mundo kahit na mag-isa.
Ang ilog na noo'y huminto sa pag-agos masdan mo't rumaragasa na.
At ang rosas na natuyo't nalanta ay bumukadkad na at masigla.
Wala na, tapos na ang mga sandali ng hilahil at pagal.
Tapos na ang hapdi ng damdamin, hilom na ang sugat na aking taglay.
Handa na akong muling humawak sa ibang kamay---
Handa na akong muling magmahal.

Sa Likod Ng Mga TugmaWhere stories live. Discover now