NAKITA KO SILA

38 2 0
                                    



Oo!
Nakita ko sila.
Noong isang gabi na galing ako sa eskwela,
naroon sila sa gilid ng kalsada,
naghahapunan at espalto ang lamesa.
Nakita ko sila, ang mga inosenteng mukha, kakaiba ang gamit nilang kutsara; namumutik na mga kamay at nakabalot sa supot na pula.
Ngunit hindi iyon mahalaga, hapag namin ay maraming pagkaing malalasa, panandok at mga baso ay mula pa sa Europa.
Nakita ko sila.
Nang minsan akong mapadpad sa Divisoria,
Nagmamadali sa pagtakbo habang hinahabol ng batuta, lapastangan umano dahil dumukot raw ng pitaka.
Mga walang kwenta.
Nasaan ba ang kanilang ama't ina?
At nakita ko sila, katulad ng una ito ay aking binalewala.
Tama lamang na dumanas sila ng dusa.
Makipaghabulan sa mga parak, at kung sila man ay mahuli, ang bagsak ay sa loob ng Muntinlupa.
Nakita ko ang namumugto niyang mga mata, sariwa pa ang patak ng mga luha.
Balita ko'y nais nang pigtasin ang hininga, hawak ang lubid at matalim na labaha.
Nakita ko siya ngunit 'yon lang ang tanging paraan upang makatakas sa problema.
Bakit ko pipigilan kung doon siya liligaya?
May sarili rin akong pagdurusa, kailangan ko rin ng simpatya.
Oo!
Nakita ko sila.
Mga batang sukbit sa gula-gulanit na damit ng kawawang ina, walang sapin sa paa, puno ng mga sugat ang mukha.
Nakita ko kung paano sila magkipaghabulan sa mga dyip para makasampa; mag-aabot ng mga sobre na baka sakaling may magbigay ng barya.
Mga walang'ya!
Istorbo lamang sa panonood ko ng pelikula, mga tinig ay malakas pa sa pinapakinggan kong
musika.
Bakit ako magbibigay ng lima?
Maibibili ko pa ito ng kendi at mayting pula.
Nakita ko siya.
Nagsasalita kahit na mag-isa, tinatawag ang hindi naman nakikita.
Hibang siya!
Sa daanan ko'y malaking abala, paano kung madikit sa akin at sa sakit ako ay mahawa.
Hindi ko naman kasalanan kung bakit siya nawala sa sariling diwa.
Oo!
Nakita ko sila.
Ang mga alagad ng droga, nakaupo sa kanto at naghahanap ng mabibiktima.
Mga mata'y namumula, katawa'y patpat na lamang na parang isang daga.
Nakita ko sila.
Nilayuan ko dahil natakot akong magahasa.
Nilayuan ko dahil pumapatay raw ng tao ang sabi ng iba.
Nang masalubong ko sa eskinita agad akong kumaliwa.
Si Magda.
Naroon na naman sa loob ng kubo na ang ilaw ay makukulay na bombilya.
Sa sari-saring dampi ng mga labi ay nagpapakasasa, nagpapakalunod sa pait ng serbesa, at madalas makitulog sa iba't ibang kama na kung sinu-sino ang kasama.
Nakita ko siya, suot ang dalawang pirasong tela, sumasayaw sa itaas ng entablado habang pumapatak ang mga luha.
Minsan ko siyang nakasabay papasok sa opisina, marami ang kasama;
Mga babaeng lunod sa panandaliang ginhawa.
Nakakahiya ang kaniyang itsura, sa edad na katorse ay maalam na sa ligaya.
Oo.
Nakita ko siya at sila.
Oo.
Nakita mo sila.
Nakabangga sa gilid ng kalsada.
Nakasabay sa biyahe patungong Luneta.
Nagkausap pa ang inyong mga mata.
Nabasa niya ang konklusyon na agad mong nilikha.
Nabasa ko kung paano mo ako pinapatay gamit ang isip mong mas bulok pa sa basura.
Oo!
Nakita mo sila at ano ang iyong ginawa?
Kinutya.
Dinaig pa ang husgado kung humusga.
Mas mabigat pa sa batas kung magparusa.
Mas mabangis pa sa leon kung tumitig ang mga mata.
Iba ang paraan ng pagtugon sa namamatay nang kaluluwa.
Oo!
Oo.
Nakita ko sila.
Binalewala.

Sa Likod Ng Mga TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon