Larong Pinoy: Larong Pag-ibig

64 0 0
                                    

Makulimlim, pilit na nakikipagdigma ang araw sa makakapal na ulap.
Tapos na akong magbilang ng sampu upang ika'y mahagilap.
Inikot ko ang buong daigdig para ika'y mahanap.
Hanggang sa natagpuan kitang may bagong kayakap.

Para akong lata na biglang natamaan ng tsinelas.
Maingat na humahakbang ngunit 'di nakaiwas.
Natumba nang mawalan ng balanse at lakas.
Natusok ng mga tinik at hindi nakatakas.

Lumayo, iniwasang hindi mataya ng siphayo.
Nais ko nang pigtasin ang pisi na nagdurugtong sa ating mga puso.
Hindi ko na naman alam na isa lang pala itong laro.
Na kapag nadapa ako'y muli mong itatayo.

Natumba na ang bahay-bahayan na ating ginawa.
Nawalan ng tibay kasabay ng pagguho ng pag-asa.
Dinarampot ang mga piraso ng nawasak na ligaya.
Susubukang buuin gamit ang aking mga luha.

Pipikit ako't muling bibilang ng sampu,
Baka mahanap mong muli ang daan pabalik sa aking puso.
Ngunit kung iba na ang nais mong isilong sa'yong mundo,
Isa, dalawa, ta---takbo na ako palayo sa iyo.

Sa Likod Ng Mga TugmaWhere stories live. Discover now