NAPAPAGOD DIN ANG PLUMA

57 2 0
                                    

Hinawakan ko ang pluma; 

bigla itong pumaimbulog, kumulagpos.

"Pagod na ako!" Sabi niya.
Napapagod din pala ang pluma, nawawalan ng siglang lumikha ng mga tugma.
Nanlulumo rin sa 'di na mabilang na mga salitang dulot ng nakaraang pagsinta,
Ng mga katagang patuloy pa ring nakapiit sa kahapong dapat nililimot na,
Ng mga titik at letrang paulit-ulit na bumubuo ng pagluha.
Napapagod din ang pluma, higit pa sa naghihingalo kapag natutuyo na ang tinta,
Na parang isang ugat na nawalan ng dugo at hindi na makahinga.
Ayaw nang tumipa ng mga salitang magtutugma na naman sa pangungulila.
Nais din nito ng mga katagang masaya, ng mga lirikong buhay katulad sa kanta;
Ngunit wala kang mahagilap na iba.
Napapagod na rin ang papel katulad ng pagkapagod ng pluma.
Hindi ito imbakan ng mga kawalang pag-asa, ng mga basurang itinapon na ng iba ngunit binubuo mo pa't inilalapat sa kaniya.
Masdan mo ang bawat nitong linya, sa labis na pagkabagot ay kusa nang kumukurba.
Sawa na, sa walang katapusang pagdurusa, sa mga "sana bumalik ka pa"
Unti-unti nang napipilas ang mga pahina,

pagod na at nais nang magpahinga.
Napapagod din ang pluma sa paglikha ng mga akdang palaging kalungkutan ang tema.
Napapagod din ito katulad nang kung paano ka napapagod sa paghahanap ng pag-asa.
Paalala: napapagod din ang pluma.

Sa Likod Ng Mga TugmaDonde viven las historias. Descúbrelo ahora