CHAPTER 73

1.6K 99 8
                                    


Nilunod ng angil ng sugo ng dilim ang kawalan. Nakakabingi ang dagundong nito lalo pa't halos dumikit na ang mukha ni Errol sa talukbong ng nilalang. Ginapos niya ito mula sa likuran sa pamamagitan ng mga bisig niyang nakasakal sa leeg nito. Nanggigigil ang dating tagaingat, ang ngayo'y tagakitang nawalan ng kapangyarihan ng liwanag. "Alam kong hindi ka nila kaya. Pero kung ang kamatayan ng katawan ko ang paraan upang mawalan ng saysay ang iyong presensiya sa mundong ito, isasakripisyo ko ang buhay ko."

Hindi niya napansin ang sandaling pagliwanag ng dibdib. Napaangat siya ng tingin nang madinig ang pamilyar na huni na ilang beses na niyang naririnig sa kawalang iyon.

"Isa kang hangal!" sigaw ng kadiliman. "Bakit mo sasayangin ang buhay mo para sa kanya, para sa kanila, para sa mga walang kwentang tao?"

Napasigaw si Errol sa narinig. Sa galit ay naitulak niya ang sugo ng dilim. "Hindi sila walang kwenta, dahil may kabuluhan ang mga buhay nila, hindi kagaya mo."

"Sa tingin mo mapipigilan nila ako nang matagal? Tama ang banyagang telepath. Hindi magtatagal ang bisa ng kanilang ginagawa. Hindi ako mahahadlangan ng sinuman."

"Pwes hahadlangan kita!"

"Paano? Wala ka namang kapangyarihang kayang tumalo sa akin."

"Tama ka. Pero salamat sa iyo kaya ko nang gawin ito." Sinipa niya ang ulo ng sugo ng dilim.

Tumawa lamang ito matapos gumulong sa maitim na kawalan. Nagbago ito ng anyo, naging kaanyo ang binatang nakikipagbuno dito. "Pinapahirapan mo lang ang sarili mo, at pinapatagal mo lang ang pag-aakala ng mga kaibigan mong kaya nila akong talunin. Kaya kong pigilan ang kanilang pwersa habang nakikipagtuos ako sa iyo dito sa diwa mo." Isang malakas na suntok ang pinakawalan niya.

Napaatras si Errol at nadapa. Alam niya namang hindi niya kakayanin. Alam niyang pinaglalaruan lamang sila ng dilim. Pero kailangan niyang lumaban. Kailangan niyang subukan. Muli siyang tumayo at inambahan ang katunggaling bigla siyang sinakal. Pero ngumisi siya. "Papatayin mo ako? Di ba kailangan mo pa ako?"

Umangil ang kawangis at hinagis siya.

Tumama sa lamad ang katawan ni Errol. Ngunit hindi niya pinakitang nasaktan siya. "Alam kong natatakot ka dahil lumalakas na ako. Nararamdaman kong malapit na akong makalaya."

"Yan ay kung papayagan kitang makalaya." Sinakal ng itim na kawangis ang binatang lumalaban.

Giniya ng kanyang silakbo ang kanyang tuhod tungo sa sikmura ng mabalasik na kawangis. "Lalabanan kita nang paulit-ulit kung yun lang ang paraan para mapigilan kita."

Humalakhak ang sugo ng dilim. "Dalawa lang ang pagpipilian mo. Ang mabuhay kasama ako. O mamatay sa kamay ng iyong mga kaibigang marahas."

"Kung ganun ay mas gugustuhin kong mamatay sa kamay nila."

"Yan ay kung alam nilang kamatayan mo lamang ang makakapagpalaya sa iyo. Subalit mukhang hindi papayag ang lalaking may pagtatangi sa iyo." Humalakhak ang sugo ng dilim.

Sa paglapit niya sa kalaban ay dahan-dahang nagpalit ang anyo ng paligid. "Hindi!" Mukhang magkakaroon na naman siya ng pangitain.

"Marahil hindi nila napagtanto na paminsan-minsa'y naglalakbay ang iyong diwa kapag nawawalan ka ng ulirat."

"Hindi pwede 'to." At tuluyang nalusaw ang kawalan at nagbago ang itsura ng paligid habang humihina ang halakhak ng nanunuyang kadiliman.


Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon