CHAPTER 11

2.3K 119 24
                                    


"Sino ka?" tanong ni Errol sa nakakapoteng nilalang. Madilim ang kapaligiran at wala siyang maaninag maliban sa nakatalukbong na hindi niya makilala dahil natatakpan ng dilim ang kanyang mukha. Naalala niya ang isang tagpo mahigit tatlong taon na ang nakakalipas. "Lo?"

Umiling ang taong hindi mamukhaan ni Errol.

"Sino ka!" Hindi na niya hinintay na sumagot o gumalaw ang taong iyon. Tinulak niya ang talukbong nito, ngunit ginulat siya ng nakita. Sinipat ni Errol ang pamilyar na mukha at maya-maya pa ay napaatras siya. "Hindi... Ano'ng klaseng sorcery na naman ito? Tita Cassandra, magpakita ka!" Inangat ni Errol ang kanang bisig at nagliwanag ang kanyang kamao.

"Wala siya dito." Ngumisi ang nilalang na iyon. "Hindi ko na siya kailangan."

Nakatitig lang si Errol sa kanya, sa kawangis niya. Hindi niya alam kung paano nangyari ang katakatakang tanawing iyon. "Siya lang ang kilala kong kayang gawin ang kung anu-ano." Ginala ni Errol ang tingin. Dinig niya ang mga yapak sa paligid at ang mga mahihinang huntahan pati na rin ang tinig na iyon na tinatawag ang pangalan niya. "Stop the illusions, Tita!"

"Di ba nasa mental hospital si tita?" tanong ng nilalang na kamukha ni Errol, ngunit ang mukha ay maputla at ang paligid ng mga mata ay nangingitim.

"So sino ang may kagagawan nito?" Hinawakan ni Errol ang sariling imahe at niyugyog ito. Tinitigan lamang siya nito at maya-maya pa ay nagsalita.

"Nakalimutan mo na yata kung ano'ng kapangyarihan meron ka maliban sa light manipulation na hindi mo pa gaanong kontrolado."

Nanlaki ang mata ni Errol sa realisasyon. "Ibig sabihin..." Natulala siya sa harap ng kanyang kakatwang imahe. "Pangitain na naman ba ito? Matagal na akong di nagkakaroon ng pangitain."

"Dahil hanggang ngayon hindi mo pa rin tinatanggap ang kapangyarihan mo. Alam mo na ba kung paano kontrolin ang light manipulation powers mo?" Ngumisi ang kamukha ni Errol at agad na umitim ang mga mata nito.

Napaatras si Errol habang nakikita niyang nilalaro ng kaitsura niya ang namuong enerhiya sa pagitan ng mga palad. "Tigilan mo yan. Hindi ko alam kung sino ka o kung anong klaseng nilalang ka. Kung sa tingin mo natatakot ako sa'yo --" Napaatras si Errol nang maramdaman ang pagtama ng itim na enerhiya sa kanya. Pinigilan niya ito gamit ang nagliwanag na kanang kamay.

"Ako ay ikaw," saad ng kaharap.

Umiling si Errol. "Hindi! Kung sino ka man, kung may binabalak kang masama, mas makakabuti na itigil mo na lang." Ngunit nahihirapan si Errol na hadlangan ang itim na pwersa.

"Hindi ka pa rin ba makapaniwalang nakikita mo ang iyong sarili, ang iyong nalalapit na hinaharap?" Hindi winaglit ng itim na bersyon ni Errol ang ngisi niya habang dumadaloy ang itim na enerhiya mula sa kanyang kamay papunta kay Errol. "Lahat ng tao ay may dark side."

Umiling si Errol. "Hindi mangyayari yan!" Pumwersa si Errol, ngunit hindi nagbago ang lakas ng liwanag na pinakawalan ng kanyang palad.

"Hindi mo kaya? Kasi binaliwala mo lang ang kapangyarihang binigay sa iyo. Ang kapangyarihan natin ay parang masel, lumalaki at lumalakas kapag ginagamit, pero lumiliit at humihina kapag hindi." Lumapit ang kaitsura ni Errol na nangingitim pa rin ang mga mata.

Nangangamba si Errol dahil nilusaw na ng dark energy ang ilaw sa kanyang palad. Agad siyang binalot ng dilim at ilang saglit pa ay nakaramdam siya ng pagtama ng kung anong bagay sa kanyang panga. Nang dumilat siya ay nakita niya ang nakangisi niyang bersyon na nakaamba ng suntok sa kanyang mukha.

"Hanggang diyan ka na lang ba?" Sinuntok nitong muli si Errol sa pisngi. "Mahina ka pa rin. Sabihin mo nga kung paano mo natalo si Cassandra?"

Tinukod ni Errol ang mga kamay sa sahig at nilingon ang nilalang na iyon na kamukha niya. Mabilis siyang tumayo upang makaganti, ngunit inundayan siya nito ng sipa at tumilapon siya. Napapikit siya sa matinding sakit na nadarama sa sikmura, ngunit dinig niya ang pag-alingawngaw ng boses ng kakatwang kakambal sa dimensiyong iyon.

"Mahina ka kaya ka nabibigo sa lahat ng bagay, Errol. Mahina ka. Mahina ka. Mahina ka..."

Paulit-ulit na umalingawngaw ang tinig na iyon hanggang idilat niya ang kanyang mata. "Hindi ako mahina!" Nagliwanag ang buo niyang katawan.


Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon