CHAPTER 44

1.9K 124 2
                                    


"Gusto mo sumama ako sa loob para ako magpaliwanag kay Julie?" tanong ni Ivan kay Diana.

"H'wag na. Hindi naman galit yan. Nagtatampo lang." Tinanggal na ng dalaga ang seat belt.

"Pag binugbog ka tawag ka kaagad sa'kin ha." Nakahawak si Ivan sa manibela.

Tumawa ang kausap. "Don't worry." Inangat nito ang nakabukas na palad. "I can take care of myself."

Sinundan niya ng tingin si Diana nang makababa ito ng sasakyan hanggang pumasok ito sa gusaling iyon papunta sa condo nila ni Julie. Kahit papaano ay naibsan ni Diana ang lungkot na kanyang nararamdaman.

Pagkatapos dumaan sa kanyang convenience store upang kumuha ng mga grocery supplies ay tinahak niya ang daan patungo sa Santa Cruz upang puntahan ang isang pamilyang iniwan ng kakilala. Pumarada siya sa isang kalyeng nalilinyahan ng mga lumang bahay. Tanaw niya ang mga estudyanteng nakauniporme at mga manggagawang papaalis ng kanilang mga bahay. Bumababa siya ng kotse at tinungo ang likod nito at binuksan ito. Kinuha niya ang ilang mga supot na may lamang groceries at tinungo ang isang lumang bahay. Hindi pa man nakakakatok ay bumukas ang pinto.

"Hay, Diyos ko!" bulalas ni Aling Sol na bitbit ang mga naglalakihang supot na may lamang kung anu-ano. "Ginulat mo naman ako." Dumako ang tingin niya sa mga dala ni Ivan.

"Good morning, Nay Sol." Ngumiti ang binata sa pawisang ale. "Sorry po, medyo late na yata ang dating ko."

"Ay, hindi, hindi!" Nakakunot ang kanyang noo habang nakatingin sa mga dala ng binata. "Nako, iho, nag-abala ka na naman."

"Wala po ito. Ilalapag ko na lang po sa sahig."

Umatras si Sol habang pinapasok ni Ivan ang mga dala. "Nakakahiya naman. Naabala ka pa, iho."

"Wala po ito. Ginagawa din naman ito ni Errol, di ba?"

"Kayong mga bata kayo, okay lang naman kami dito. Nakakaraos naman."

"H'wag niyo na pong isipin. Kaibigan naman namin si Erik. Hatid ko na po kayo."

"Nako, masyado ng abala."

"Ay, hindi po. Para naman kayong iba sa akin, Nay Sol." Nabigla siya nang lumapit sa kanya ang ale at yakapin siya nito.

"Salamat, iho."

Dinig niya ang pagsinghot ng babae. Nang bumitaw ito ay nagpahid ito ng mga mata. Hindi na niya matanong kung bakit. Sa tingin niya ay hanggang ngayon nalulungkot pa rin ito sa pagkamatay ng anak. Kung siya nga ay minsan nalulungkot pa rin sa pagkamatay ng kapatid. Hindi niya maatim ang pakiramdam ng mawalan ng anak.

Tinulungan niya si Sol na ipasok sa kotse ang mga paninda.

"Hindi man lang kita naimbitang mag-agahan." Sinara ng babae ang pinto ng kotse.

"Okay lang po ako. T'saka maaga pa naman." Sinuot na ng binata ang seat belt. Nagsimula itong magmaneho.

"Hindi niyo pa ba natatagpuan si Errol?"

Umiling si Ivan na nakatingin sa malayo. "Hindi pa."

"Nag-aalala din ako sa kanya."

Sandali siyang lumingon sa kasama. "Marami po tayong nag-aalala sa kanya."

"Mahal ko iyang batang iyan."

"Ako rin po." Napansin niyang napalingon ang ale sa kanya. "Mahal ko yun."

"Alam mo noon lagi kang nakukwento sa akin ni Erik."

Nagtaka si Ivan sa narinig. "Bakit naman po?"

"Galit iyon."

"Sa akin?"

Tumango si Aling Sol. "Inagaw mo daw si Errol sa kanya. Naglasing pa nga iyon minsan."

"Nay Sol..." Nagdalawang-isip siya kung itutuloy ang tanong. "Alam niyo po ba?"

Tumango ang ale. "Matagal ko na namang nahalata na espesyal ang tinginan nila sa isa't-isa. Noong nagkanobya iyong si Erik, tinanong ko iyon kung okay lang ba kay Errol. Sabi niya okay lang daw. Pero pagkatapos niyon hindi na masyado pumaparito iyong bata. Kaya sa tingin ko may problema."

Hindi alam ni Ivan kung ano ang sasabihin.

"Noong sila na niyong Shanice, lagi kong kinakamusta si Errol sa kanya, kasi hindi na pumapanhik iyon. Sabi niya noon, iniiwasan daw siya. Sinabi ko na lang na kausapin niya." Kinlaro ng ale ang lalamunang barado ng plema. "Alam mo, may pinagtapat siya sa akin noong huli kaming magkita. Sabi niya, mahal niya daw si Errol. Hindi na ako nagtaka. Nanay ako. Matagal ko na iyong naramdaman."

"Okay lang po sa inyo na nagmahal siya ng kapwa lalaki?"

"Siyempre hindi mo maaalis sa akin na magtaka, magtanong, pero naiintindihan ko. At wala naman akong tutol. Mabait iyong si Errol. Biniro ko na lang siya na basta bigyan niya lang ako ng apo. Pero binawi ko rin. Ang sabi ko na lang basta masaya siya. T'saka, mahirap magkaanak ngayon, magastos magpaaral!" Natawa ang ale.

Napangiti na lang si Ivan.

"Ivan, iho," saad ni Sol, "hanapin mo siya."

"Baka ayaw niya na magpakita sa akin. May nagawa kasi akong kasalanan sa kanya."

"Lahat naman tayo nakakagawa ng kasalanan." Hinawakan nito ang braso ni Ivan. "Hanapin mo siya."

Natigilan siya sa taimtim na titig na iyon ng ale.

"Para kay Erik. Malulungkot iyon kapag nalaman niyang nawawala si Errol."

Natigilan si Ivan. Tumango siya at binalik ang tingin sa daan. "Nay Sol, maiba tayo. Napag-isipan niyo na ba ang alok ko sa inyo?"

"Hindi ko matatanggap ang alok mo, iho. Masyado nang nakakahiya sa iyo."

"Nay Sol naman..."

"Ah basta. Hindi ko tatanggapin. Sobra sobra na ang tulong na binibigay mo sa amin, kayo ni Errol."

"Basta kapag nagbago ang isip niyo tawagan niyo lang ako."

"Iho, sanay na ako sa pwesto ko sa Carriedo. Kaibigan ko na iyong mga nandoon."

"Sabagay. Pero mas maganda kung malaki ang pwesto. Mas marami kang panindang maititinda, tapos hindi niyo na kelangan bitbitin mga paninda niyo."

"Konti lang naman itong binibitbit ko. Iniiwan ko naman ang iba doon."

"Basta po --" Naramdaman niyang muli ang hawak ng ale sa braso niya.

"Huwag mo akong alalahanin, anak." Ngumiti ito.

Nang maihatid si Sol sa Carriedo ay tumulong ang binata sa pag-aayos ng mga paninda at binilhan ng makakain ang ale. Halos isang oras din siyang naglagi sa lugar. Kumapal na ang tao pagkaalis niya.

Dinalaw niya ang puntod ni Erik at doon ay nagpalipas ng isang oras upang magmuni-muni at pag-tuunan ng atensiyon ang isang bagay na nanatili sa kanyang isipan dahil sa usapan nila ng ina ni Erik.

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon