CHAPTER 62 - Air and Water vs Earth and Fire

2.1K 107 9
                                    

Lumapit si Aeolo sa mga bagsak na katunggali. "Hanggang diyan lang pala--" Ngumiwi ito nang mamuo ang nagbabagang usok sa kanyang dibdib.

Bumaba si Hepesto mula sa himpapawid. "Nakikiusap ako, mahal na kapatid, itigil niyo na ito."

Umangil si Aeolo. Muling lumakas ang bugso ng hangin. Subalit lumagablab din ang katawan ni Hepesto, lagablab na sinabayan ng pagtindi ng apoy sa loob ng katawan ni Aeolo. Sa pagsigaw ng diyos ng apoy ay mabilis na nagningas ang katawan ng espirito ng hangin at sumabog ito.

"Kahit kailan ay lapastangan ka talaga, Hepesto."

Dumaing ito kasabay ng pagtagos ng matulis na yelo sa kanyang dibdib. Bumagsak si Hepesto na ang mga siko at tuhod ay nakatukod sa lupa. Unti-unting humina ang ningas sa kanyang katawan. Mula sa matingkad na dilaw na lagablab ay naging mapusyaw na pula ito. Naging kulay abo ang ilang bahagi ng kanyang balat na natutuklap.

"Ilang beses akong nakiusap na huwag mo akong hahadlangan. Subalit may katigasan ang ulo mo." Hinawakan niya ang mukha ni Hepesto, ang nilalang na tila nahihirapan sa paghinga habang nakatarak pa rin ang yelong sibat sa kanyang dibdib. Pinadaloy ni Neptuna ang yelo sa pisngi ni Hepesto. Ngunit mabilis ring binalutan ng lupa ang laylayan ng kanyang suot. Binitawan niya ang mukha ni Hepesto. Bago niya maigala ang tingin ay isang malakas na pwersa ang nagpalagutok sa kanyang tiyan.

Isa pang suntok mula kay Terra ang nagpawasak sa katawan ni Neptuna. Tinanggal niya ang matulis na yelo sa dibdib ni Hepesto. "Walang magwawagi sa labanang ito. Magkasing-lakas lang tayong apat."

"Mabuti naman at nabatid mong," saad ni Aeolo na muling lumitaw sa likod ni Terra, "walang saysay ang labanang ito. Umanib na kayo sa amin ni Hepesto."

Gumalaw ang nga tibag ng semento at pumormang kamay na nakahawak sa nagpumiglas na si Aeolo. Nagsalita si Terra. "Tingnan mo ang nangyayari sa paligid. Ito ba ang gusto ninyong mangyari ni Neptuna?"

Bago pa man makasagot si Aeolo ay tinamaan si Terra ng matinding kidlat na nagpadapa sa kanya. Tumalsik ang ilang piraso ng bato mula sa kanyang katawan. Gumawa ng itim na mga bitak sa kanyang mabatong katawan ang kidlat. Natuklap ang ilang siit at ugat sa kanyang mga braso't bisig.

"Hindi ito ang gusto kong mangyari." Muli ring nabuo ang katawan ni Neptuna. "Subalit hindi ninyo kami binigyan ng pagkakataon." Nakatingin siya sa gumagalaw na piraso ng bato.

Umuusok ang katawan ni Terra habang nagsara ang mga bitak at muling tumubo at kumatay ang mga ugat sa kanyang mga braso at biyas. Bakas ang galit sa kanyang mukha kasabay ng kanyang pagtayo na sinabayan din ng pag-arsa ng mga tipak ng semento sa paligid. Mabilis na gumalaw ang mga ito patungo kay Neptuna at sa isang iglap ay binalot na ito ng mga bato.

May ngitngit ang sigaw ni Hepesto habang tumatayo ito. Tumingkad ang ningas ng kanyang katawan. Nagbaga ang mga batong nakapaligid kay Neptuna. Natunaw ang mga ito at bumuo ng hugis itlog na kulungan na mabilis na tumigas at gumulong sa lupa. Tumigil ito sa gilid ng tumpok ng mga bloke ng semento.

Bago pa man muling makagalaw sina Terra at Hepesto ay muling bumilis ang ihip ng hangin. Nawasak ang kamay na batong humawak kay Aeolo na lumutang sa ere sa gitna ng buhawing muli nitong binuo.

Lumagablab ang apoy mula sa katawan ni Hepesto at habang inaangat niya ang mga kamay ay mabilis ang kanyang galaw paitaas. Sumuong siya sa maulap na himpapawid. Ilang sandali pa ay bumulusok siya pailalim sa mata ng buhawi. Kasabay ng pagtama ng kanyang katawan sa espirito ng hangin ay ang malaking pagsabog na nagpalusaw sa buhawing umiikot.

Ramdam ni Terra ang paggalaw ng batong nagkulong kay Neptuna. Kaya mabilis niyang kinumpas ang mga kamay kasabay ng pagbukas ng bitak sa lupa. Niyakap niya ang malaking pirasong iyon, at lumundag siya sa bitak. Tuluy-tuloy ang pagdausdos nila sa ilalim ng tila walang hanggang siwang hanggang sa marating nila ang nagbabagang bato. Doo'y hinulog ni Terra ang batong hugis itlog. Nilamon ito ng kumukulong magma. Nagsara ang bitak.

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon