CHAPTER 57

1.9K 112 20
                                    

Ginambala si Celia ng mga katok sa pinto habang nagluluto ng almusal. "Sandali!" Hininaan niya ang apoy sa kalan at naglakad tungo sa sala. Nagulat siya nang makita ang nakaposturang babae na nakasuot ng gray na coat na may fur na tila lalamunin na ang kanyang mukha. Sinakluban siya ng hiya dahil sa sariling ayos. Inamoy ni Celia ang sariling pink na jacket at napangiwi na lamang siya. Nang muling magtama ang kanilang tingin ng babae ay nagsalita siya. "Ano hong kailangan nila?"

"Ito ba ang bahay ni Mr. Errol Santiago?" tanong ng babae na hindi gumagalaw. Bagkos ay nakatitig lang ito kay Celia, hawak ang kanyang makintab na itim na bag sa bisig.

"Ah, ito nga ho." Pinahid ni Celia ang mga kamay sa gilid ng jogging pants, nagtataka kung ano ang ginagawa ng magandang babae sa kanilang bahay nang ganito kaaga. "Bakit ho?" Napagtanto niyang tila hindi na komportable ang kaharap sa pagkakatayo sa tapat ng kanilang pintuan. "Ay, tuloy muna kayo." Pinaupo niya ang ale sa sofa. "Pasensiya na at hindi ako masyadong nakapaglinis."

Ginala ng babae ang tingin sa maliit na bahay habang nakaupo.

"Ano hong sadya nila?"

"Ako ang ina ni Ivan, ang kaibigan ni Errol. Ikaw ba ang kanyang nanay?" Nilapag nito ang bag sa gilid. "My name is Daniella." Inabot nito ang kamay.

"Ah, marumi kasi ang kamay ko." Hiyang hiya si Celia. "Nagluluto kasi ako sa kusina."

"Okay lang." Payak itong ngumiti. "Gusto kitang makilala."

Tinanggap na rin ni Celia ang kamay ni Daniella. "Bakit kayo naparito?"

"Hindi ko kasi makontak si Ivan simula kahapon. Ang pagkakaalam ko ay dito siya huling pumunta. Nakita ko rin ang kotse ng kaibigan niya sa labas."

"Hindi na kasi kami masyado nagkausap matapos magkagulo dito kahapon. Umalis din sila nung kasama niyang babae. Hindi ko napansin kung saan sila pumunta."

"Nasaan na naman kaya nagpunta yon?" Kinuha nito ang telepono mula sa dalang bag.

Hindi matantiya ni Celia ang timpla ng bisita. "Pasensiya na ho, madam, pero hindi ko kasi alam kung sa'n sila tumungo. Hindi ko rin napansin na naiwan ng kasama niya ang kotse niya." Nang marinig ang mga yapak sa kusina ay sumigaw si Celia. "Gary, pakipatay naman ng niluluto ko." Binalik niya ang tingin sa kausap.

"Hindi pa rin siya sumasagot sa mga text ko." Huminga ng malalim si Daniella. "Hindi rin niya sinasagot ang mga tawag ko."

"Sa mga kaibigan niya?"

"Hindi rin daw nila alam. Hindi ko rin makontak si Diana."

"Nakakapagtaka naman."

"Magrereport na lang siguro ako sa pulis." Umangat ito ng tingin.

Napalingon din si Celia sa tiningnan ni Daniella. "Gary, si Mrs. Daniella, nanay ni Ivan."

Agad na kinamayan ito ni Gary na sinusuot ang uniporme sa trabaho. "Good morning, madam." Umupo ito sa tabi ni Celia.

"Nawawala daw si Ivan," mahinang saad ni Celia.

"Dalawa na sila ni Errol na nawawala kung ganoon."

"Dapat sana ay lilipad kami papuntang Amerika kahapon, pero hindi kami natuloy dahil sa fog."

"Ang lamig lamig nga ho, eh."

Yumuko ang babae. "May isa pa akong sadya."

Hinintay ni Celia na magsalita ang bisita. Batid niyang maging si Gary na katabi ay nag-aabang din kung ano pa ang sadya nito.

"Paano ko ba uumpisahan?"

"Teka," saad ni Celia upang basagin ang tensiyon, "gusto niyo po ba ng maiinom? Kape? Mas lalo yatang lumamig ang panahon."

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon