CHAPTER 49

1.7K 108 6
                                    


Ramdam ng kanyang pisikal na katawan ang epekto ng kuryente. Alam niyang nawalan siya ng malay tao, ngunit hindi ang kadilimang dinig niyang umaangil. Muling nagbago ang itsura ng paligid habang ninanais niyang makaalpas, makatakas. Muli na naman niyang nakita ang pamilyar na tagpo.

"Errol." Mahigpit ang hawak ni Erik sa kaibigan. Hirap na itong magsalita. "Makakaligtas ... ka dito. Mabubuhay ka." Umubo muli ito at tumalsik ang dugo mula sa kanyang bibig. "Ipangako mo sa akin na magmamahal kang muli, na magiging masaya ka."

"Wag kang magsasalita ng ganyan!" Pilit na ngumiti ang binatang iyon. "Kakain pa tayo ng fish balls" -- nababasag ang kanyang boses -- "at kamote. Mamasyal pa tayo."

"Errol," saad ni Erik na basa ang mukha at namumula ang mga mata habang nakatingin sa kanya at hawak ang kanyang batok, "I love you."

Napangiti si Errol sa eksenang iyon kasabay ng pagbagsak ng kanyang mga luha. Ngunit may isang bagay ang pumukaw sa kanya. May nais ipahiwatig ang tagpong ito. May nais ipabatid sa kanya ang nakaraan.

"Erik! Mahal din kita. Wag kang bibitaw."

Napangiti siya nang makita ang pagtama ng mga labi ng dalawa. Ilang beses niya ring sinariwa sa alaala ang halikan nilang iyon ng kaibigan. Iyon ang una niyang halik, ngunit ang pinakamapait na halik marahil sa tanang buhay niya.

Ngumiti si Erik. "Rol, para kang anghel ngayon."

"Wag kang magbiro ng ganyan."

"Kumikislap ang dibdib mo."

Hindi rin napansin ng kasalukuyang Errol ang pagliwanag ng kanyang dibdib. Nakamasid siya sa paligid habang tila bumabalik sa kanya ang hilakbot ng pangyayaring iyon. Tanaw niya ang higanteng buhawi na halos lumamon na sa dalawa.

"Lumaban ka..." Malamlam na ang mga mata ni Erik. Kulay lila na ang kanyang mga labi.

"Lalaban ako... Hindi ko alam kung paano, pero" -- ginala niya ang tingin sa magulong paligid -- "lalaban ako. Para sa'yo!" Humahagulgol pa rin si Errol. Mas nagliwanag ang kanyang dibdib.

Ilang bagay sa tagpong ito ang nagpaulit-ulit sa kanyang diwa.

"Makakaligtas ... ka dito ... Ipangako mo sa akin na magmamahal kang muli, na magiging masaya ka."

"Makakaligtas ka dito. Ipangako mo sa akin na magmamahal kang muli, na magiging masaya ka."

"Ipangako mo sa akin na magmamahal kang muli, na magiging masaya ka."

Umalingawngaw ang matamis na mga salita sa mapait na tagpo. "Magmamahal kang muli... Magiging masaya ka."

Mula sa kung saan ay tila pinabatid sa kanya ng tagpong iyon ang isang mahalagang bagay na sa tingin niya ay kay tagal niyang nakalimutan. Habang nag-iisip at iniintindi ang pangitain ng nakaraan ay muli na namang lumitaw sa harap niya ang itim na anyo.

"Napakasaklap naman." Umalingawngaw ang boses ng kadiliman. "Bakit mo ba ito binabalik-balikan na para bang isang masokistang nais saktan ang sarili nang paulit-ulit?"

Hindi sumagot si Errol. Nakayuko lang siya. Tahimik. Nag-iisip.

"Masyado mong pinapahirapan ang iyong sarili, dating alagad ng liwanag."

Lingid sa kaalaman ng kanyang itim na anyo ay pinalakas ng alaalang nasaksihan ang pag-asa ni Errol na makaalpas sa bilangguan ng kadiliman. "Lalaban ako, Erik."


Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon