CHAPTER 45

1.9K 110 30
                                    


Hindi niya maintindihan kung bakit hindi pa siya tuluyang kinakain ng kadilimang omukupa na sa pagkatao niya. Sa kadiliman ay dinig niya ang mga pakikipag-usap ng nilalang na humaharap sa mga tao bilang siya. Tanaw niya minsan ang mga kaganapan sa buhay nito. Kung bakit paminsan-minsan ay nasisiglapan niya ang mga tanawing nakikita ng kanyang itim na bersiyong ninakaw na ang kanyang pagkatao ay hindi niya maintindihan nang lubusan. Ang akala niya noon ay dahan-dahan na siyang gugupuin ng kabiguan. Ngunit nandirito pa siya, nanatiling buhay ang diwa sa kabila ng lahat, sa gitna ng kaitiman.

Sa mahabang panahong pagkakakulong ay hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang nag-aalala sa mga magulang. Kamusta na kaya sila?

Habang nag-iisip ay unti-unting nag-iba ang itsura ng kanyang paligid. Dinig niya ang mga sigaw. Ramdam niya ang malakas na ihip ng hangin. Tanaw niya ang pagliparan ng mga puno, kotse, yero, at kung anu-ano pa. Tanaw niya ang malaking buhawing dumadagundong at nagngangalit habang tinutumbok ang dalawang taong iyon -- ang kanyang nakaraang bersyon nasa ibabaw ni Erik. Napadaing siya sa nakikita. At napaiyak na parang musmos na walang magawa.

Subalit bakit nakikita na naman niya ito? Ito ang tanong na tumatakbo sa kanyang isipan? Ano ang saysay ng pangitaing ito?

Dumaloy ang liwanag mula sa dibdib ng Errol sa nakaraan at kumalat ito sa paligid. Tanaw ng tagakitang naglakbay sa nakaraan ang lungsod na binalot ng matinding liwanag. Doon niya lamang napansin na nasa malapit sina Ivan at Cindy habang nilalamon ng liwanag. Si Cassandra naman ay nagngingitngit sa nakita.

Nang nawala ang liwanag ay tumakbo ang dalawa papunta kina Erik at Errol. Kasabay niyon ang pagdating ni Diana na kinausap ang wala sa sariling bruha. Gaya ng nasaksihan noon ni Errol ay wala namang nagawa ang pakikipag-usap na iyon. Bagkus ikinagalit pa ito ni Cassandra na binantaan ang buhay ng anim na iyon.

Muling nakita ni Errol ang mga pangyayari sa ibang perspektibo. Hindi niya mawari kung ano ang nais ipahiwatig ng pangitaing ito. Gusto ba nitong ulit-ulitin sa kanya ang sakit na bunga ng delubyong iyon?

Sa baliktanaw ay hindi pa rin niya mawari kung paano naging ganoon kalakas ang kanyang kapangyarihang kontrolin ang liwanag noong araw na iyon. Ang alam niya lang ay gusto niyang iligtas si Erik. Ngunit isang bagay ang kumuha sa kanyang atensiyon habang ginagapi ng liwanag ang pwersa ni Cassandra, ang pagsingaw ng itim na enerhiya na iyon. Walang anu-ano'y umangat ang kanyang katawan kasabay ng paglakbay ng itim na nilalang na iyon patungo sa himpapawid.

Dinig niya ang daing nito na tila nasasaktan. Ang mababa nitong boses ay tila gumagaralgal habang mabilis itong lumakbay sa himpapawid at sandaling tumigil sa ibabaw kung saan tanaw rin ni Errol ang pagkawasak ng lungsod sa ibaba. Nalulusaw ang mga ulap sa kanyang paligid.

Nagbago ng hugis ang itim na usok at ito'y naging hugis tao. Ilang sandali pa ay naging kaanyo na niya ito. Nakangisi sa kanya at nanlilisik ang mga mata. Unti-unting dumilim ang paligid.

"Nagliliwaliw ka pala. Samantalang ako ay nahihirapang magbalat-kayo bilang ikaw. Kamusta ang trip down the memory lane?"

Hindi sumagot si Errol. Alam niyang kinukutya na naman siya ng itim na anyo.

"Hanggang ngayon ba ay hindi mo pa rin matanggap na wala na ang pinakamamahal mong si Erik?"

"Ikaw ang pumatay sa kanya."

"Hindi siya mamamatay kung hindi mo siya tinangkang iligtas." Nakangisi pa rin ang kanyang itim na anyo.

"Iligtas mula sa iyo." Kinuyom ni Errol ang kamao. Alam niyang hindi niya kayang labanan ito ngayon.

"Ano pa nga ba ang magagawa mo?" Tumawa ang kaharap. "Alipin na kita."

"Makakahanap ako ng paraan." Nasabi niya ito nang hindi nag-iisip kung ano ba ang susunod na hakbang, kung paano. "Makakaalis ako dito."

Humalakhak ang kaharap. "Paano?" Lumapit ito sa kanya. "Hindi mo maililigtas ang sarili mo sa kawalang ito. Dito ka na mamamatay. Dito matatapos ang diwa mo. Ako ang mananatili sa katauhan mo."

"Hindi mo maaangkin ang katawan ko habang buhay."

"Ano ang gagawin mo?"

Binalutan si Errol ng itim na enerhiya. "Sige, gawin mo na! Patahimikin mo na ako."

"Hindi ka man lang ba lalaban?"

"Di ba nga sabi mo dito ako mamamatay? Gawin mo na. Hindi ako natatakot!"

"Nakakamangha ang katatagan mo. Hindi ka katulad ng tiyahin mong mabilis ko'ng napasuko."

"Dahil alam kong hindi mo ako kayang patayin." Ngumiti si Errol.

"Kahunghangan."

"Dahil kung gusto mo akong patayin dito sa loob, matagal mo na dapat ginawa."

"Nag-iisip ka pala."

Sumikip ang pagkakabalot sa kanya ng enerhiya. Ngunit hindi nagpakita si Errol ng panghihina ng loob. "Kailangan mo ako. Kailangan mo ang kapangyarihan ko upang maisakatuparan ang panlilinlang mo."

"Matalino ka talaga. Oo, kailangan pa kita sa mga nalalabing panahon. Ngunit wala nang naghihintay sa iyo kundi kamatayan." Ngumisi ang ito at unti-unting naglaho. 

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon