CHAPTER 63

2.1K 107 22
                                    


Sa gitna ng kalunos-lunos na bakas ng delubyo ay matayog na nakatayo ang estatwa ng bayaning si Jose Rizal, nakaharap sa punit-punit na watawat ng bansa. Pinagitnaan ito ng mga nabuwal na puno, bumagsak na poste, at mga kalat sa parkeng iyon. Nawala ang karaniwang ganda ng tanyag na pasyalan sa kabisera ng bansa. Naghalo ang iba't-ibang amoy -- usok, gasolina, dagta ng dahon, at amoy ng lupa.

Tahimik na minasdan ni Errol ang mga diyos. Unti-unting gumalaw ang mga ito. Hinintay niyang mamuo ang mga piraso ni Terra at tumayo ang tatlo pa.

"Ang tagaingat!" sigaw ni Neptuna. "Ano't nandito ka?"

"Kasama siya ng mga taong sumagupa sa atin," saad ni Aeolo, "mga taong may taglay na kakaibang kapangyarihan gaya ng mga paganong sinagupa natin ilang siglo na ang nakalipas."

Ngumisi lamang si Errol.

"Pinalaya mo na kami," muling saad ni Neptuna.

"Tama ka, aking alagad. Pinalaya na nga kayo ng huling tagaingat."

"Alagad? Anong kahangalan ang sinasabi mo? Hindi mo ako alagad, huling tagaingat! Ngayong wala na kami sa ilalim ng iyong salamangka malaya kitang mapapaslang sa napakaraming paraan."

"Papaslangin mo ang taong nagpalaya sa inyo?" Dumagundong ang halakhak ni Errol. "Isang kawalan ng utang na loob. Isang kapangahasan!" Lumalim ang timbre ng kanyang boses na tila galing sa ilalim ng yungib. Inangat niya ang mga kamay.

Dumaing sina Neptuna at Aeolo habang sumisingaw ang itim na enerhiya mula sa kanila.

"Magaling. Gusto ko ang inyong ginawa," angil ng kadiliman sa katauhan ni Errol habang hinihigop ng kanyang mga palad ang itim na enerhiya mula sa dalawa. "Kung naalala ninyo," pagpapatuloy niya, "hindi ako sumingaw mula sa katawan ninyo nang magpakawala ng matinding liwanag ang huling tagaingat... dahil kinubli ko ang aking esensiya sa inyong mga esensiya."

Bakas sa mukha ng apat ang pagkalito.

"Ang pagkawasak na ito. Ang amoy ng kamatayan. Ang alingawngaw ng mga iyakan. Ang pait ng mga hinagpis. Ang daing ng mga napinsala. Pinapalakas ng mga ito ang aking kapangyarihan. Hindi ko magagawa ang mga ito nang mag-isa. Kaya salamat sa inyo, Aeolo at Neptuna. Subalit hindi ko na kayo kailangan.

"Taglay ko ang kapangyarihan ng liwanag" -- inangat niya ang kanang kamay at lumitaw dito ang puting orbeng inikutan ng mga butil ng ilaw -- "at ang pwersa ng kadiliman." Inangat niya ang kaliwang kamay na inikutan ng itim na usok. "Nasa akin na ang dalawang primitibong elemento ng kalawakan na mas nauna pa sa apat na elemento, mas makapangyarihan. Sino ang mag-aakalang mangyayari ang pambihirang pagsasanib ng magkasalungat na pwersang ito sa isang katauhan?"

Muling nagsalita ang sugo ng kadiliman matapos humalakhak. "Ikinagagalak ko ang muli nating paghaharap."

"Ginamit mo kami!" Kumawala ang mga boltahe ng kuryente sa mga mata ni Neptuna.

"Tulad ng paggamit niya sa ating amang si Kratos noon." Lumapit si Hepesto kay Neptuna.

"Paano mo naman napagtanto ang bagay na iyon, Hepesto?"

"Nasilayan ko ang memoryang iyon mula sa iyong esensiya nang sandali mong sapian ang lalaking sinapian ko rin."

"Kamangha-mangha," saad ng kadiliman. "Hindi ko akalaing mapapagtanto ng mga mangmang na tulad ninyo ang bagay na iyon."

"Matagal na akong may hinalang nasa ilalim sila ng kasamaan."

"Kaya ba naging masugid ka sa pagtuligsa sa iyong mga kapatid?" Hindi na hinintay ng kadiliman na sumagot ang alagad ng apoy. "Naging mas madali sana ang lahat kung hindi ako hinadlangan ng huling tagaingat. Naging mga alagad ko sana kayong apat. Mas malakas sana ang ating pwersa. Ngunit hindi na rin mahalaga."

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon