CHAPTER 59-B

1.9K 110 20
                                    

If you haven't read the first part of chapter 59, go back to the previous part, CHAPTER 59-A. 

-------------

Walang anu-ano'y isa-isang tinumbok ng malalakas na boltahe ng kuryente ang Malacañang. Nagsigawan ang kanina ay mga tulalang mamahayag. Nagtakbuhan ang mga ito habang sumasabog ang iba't-ibang parte ng pamosong gusali. Nahagip ng mga tumitilapong piraso ng bakal at semento ang ilan sa mga tumatakbong hindi na nilingon pa ang humahalakhak na nilalang. Tuluy-tuloy na inulan ng mga kidlat ang palasyo hanggang sa ito'y naging kumpol ng mga tipak ng semento, kahoy, at bakal.

Lumawak ang ngisi ni Neptuna nang maramdaman ang malakas na lindol. Maya-maya pa ay lumitaw ang mga bitak sa lupa kasabay ng pag-usbong ni Aeolo mula rito.

"Bumalik kayo rito!" sigaw ng alagad ng tubig sa mga nagtakbuhang TV reporters na tumigil sa pagtakbo nang harangan ang mga ito ng mga kidlat. Nanginginig ang mga itong nagkumpulan malapit sa dalawa. Muling nagsalita ang nagyeyelong nilalang. "Ako si Neptuna, ang inyong bagong pinuno, ang magtatatag ng bagong bansa, bagong lipunan. Wala kayong ibang susundin kundi ako at ang aking kanang kamay."

"Batid naming natatakot kayo, ngunit hindi namin nais na kayo ay sindakin," saad ni Aeolo. "Ang nais lamang namin ay kaayusan."

Dumating ang mga tangke ng militar na pinaligiran ang lugar. Nagliparan sa himpapawid ang mga helicopter lulan ang mga armadong militar na nakatutok ang mga sandata sa dalawang nilalang. Ginambala sila ng mga putok ng baril.

Ngunit sa pagtama ng magkabilang palad ni Aeolo ay kumawala ang bugso ng hanging nagpatilapon sa lahat ng mga naroon. Hinawi ng malakas na pwersa ng hangin ang mga tibag ng sementong nasa likuran nila. Tumilapon ang mga taong nasa paligid. Nabuwal ang mga puno. Tinangay ng air blast ang mga tangke na animo'y mga langgam na hinipan.

Tinangay ng buhawi na mabilis na namuo ang mga helicopter na nasa itaas. Umangat ang katawan ni Aeolo habang nakatingin sa mga sundalong lulan ng mga sasakyang panghimpapawid na ito. Winasiwas ng buhawi ang mga ito na tumama sa isa't isa. Nagkapira-piraso ang mga helikoptero bago bumagsak sa lupa. Ang ilan sa mga ito ay bumagsak sa Ilog Pasig. Nagtakbuhan na ang mga taong nanirahan sa tabi ng ilog. Dinig ang kanilang hiyawan mula sa himpapawid.

Kinasa ng isang sundalong nakadapa ang kanyang baril habang bumababa sa lupa si Aeolo. Ngunit agad itong napangiwi at dumaing habang dinidiin ang mga kamay sa dibdib nito. Ilang segundo pa ay bumulagta na ang sundalong lumuwa ang mga mata.

"Ang mga pangahas na katulad mo ay hindi na dapat hinahayaang huminga."

Gumalaw ang lumulutang na si Neptuna papunta kay Aeolo. "Nararamdaman ko ang kanilang sasakyang pandigma sa dagat."

Tumango si Aeolo sa kasama na bukas palad na lumutang sa ere at naglakbay patungo sa look ng Maynila kung saan nandoon ang isa sa mga barko ng Philippine Navy. Nakatutok ang mga missiles ng mga ito sa alagad ng tubig. "Kailan niyo ba mapapagtanto na hindi ninyo kaya ang kapangyarihang taglay ng mga diyos?"

Kumawala ang mga missiles, ngunit ngumiti lamang si Neptuna kasabay ang pagkumpas sa kanyang mga kamay. Tinamaan ng matalim na mga kidlat ang mga ito at sumabog sa ere. Dinig ang hiyawan ng mga tao sa lungsod. "Hindi ko inaasahan ang ganitong uri ng pagtanggap." Bumababa siya sa dagat at naglakad sa ibabaw nito, nakaharap sa mga barkong pandigma. "Hindi niyo ba batid ang panganib na kalabanin ako lalo pa't nasa ibabaw kayo ng tubig?"

Agad na kinumpas ni Neptuna ang mga kamay kasabay ng paglipana ng mga bala. Humarang ang tubig na umangat mula sa dagat. Sa isang iglap ay bumuo ito ng tila dingding na mabilis naging yelo. Dito tumama ang mga bala. Nagbago ang hugis ng mga yelo at naging malaki at matulis ang mga ito. Giniya niya ito papunta sa mga barkong pandigma.

Kumulo ang isang bahagi ng dagat. Sumabog ang parteng ito kasabay ng sigaw ni Hepesto. Kumawala ang mga apoy sa kanyang mga kamao na mabilis na tinunaw ang mga yelong matuling lumakbay sa ere.

"Pangahas!" Bakas ang ngitngit sa mukha ni Neptuna. Mabilis na namuo ang mga galamay ng tubig at ginapos si Hepestong muling hinigop ng dagat. "Humimlay ka lamang, walang kwentang tagapagtanggol ng mga mor--" Sumabog sa ere ang dilag. Hindi niya napansin ang matuling sandata galing sa barkong pandigma.

Pumaibabaw ang nagbabagang usok na hugis kabute sa ibabaw ng dagat. Tumilapon ang mga piraso ng metal.

Katahimikan.

Tanging makapal na usok ang nanatili sa ere. Nawala ang pigura ng marikit na diyosa.

Ngunit hindi ang taglay niyang bangis.

Nag-iba ang direksiyon ng daloy ng tubig sa dagat. Naging maalon ito. Gumalaw ito paikot sa palibot ng barko na dahan-dahan ding gumalaw at umikot. Bumilis ang galaw ng tubig hanggang sa bumuo ito ng puyo malapit sa barko. Hinigop ng bumibilis na puyo ang barkong tumagilid. Dumulas ang katawan ng mga sundalong nasa ibabaw, ang ilan ay kumapit sa mga barandal. Ang ilan ay nahulog sa umiikot na tubig na nagkaroon ng malalim na butas. Ang kanilang mga sigaw ay nilunod ng tunog ng mga hampas ng alon at tilamsik ng nagngangalit na dagat.

Bumagsak ang palo ng barko sa pagdausdos ng harapang bahagi nito sa tubig. Mabilis itong kinain ng puyo. Lumangitngit ang mga nayuyuping piraso ng metal kasabay ng pag-arsa ng likurang bahagi ng barko. Umalingawngaw ang halakhak ni Neptuna. Dahan-dahang tumigil sa paggalaw ang tubig, ngunit patuloy sa paglubog ang bapor.

Nagkumpulan ang mga butil ng tubig sa ere. Mabilis na naging hugis babae ang kumpol ng mga tubig na tumigas. Patuloy ang halakhak ni Neptuna. "Mga mangmang na mortal." Mabilis na tumigas ang tubig sa paligid ng lumulubog na bapor. Mabilis na pumuti ang tumigas na bahagi ng dagat. Sa paggalaw ng kanyang kamay ay gumalaw rin ang higanteng tipak ng yelo tangay ang barkong nakausli ang kalahati sa ibabaw ng blokeng sa isang minuto ay tuluyan nang lumutang sa ibabaw ng dagat.

Dumagsa ang pwersa ng militar. Nakahelera ang mga tangke sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Isa-isang tinira ng mga ito si Neptuna na napahalakhak lamang. "Marahil wala nang saysay ang makiusap sa mga tao." Inangat niya ang mga kamay. Gumalaw ang tubig at bumuo ng malaking alon na mabilis na lumakbay patungo sa dalampasigan. "Tingnan niyo ang ginawa ninyong kalapastanganan sa karagatan. Damhin niyo ang bagsik ng higanti ng katubigang inyong dinungisan!"

Nagtakbuhan ang kanina'y mga ususero, kabilang ang isang ale na iniwanan ang stroller at manika ng kanyang anak sa tapat ng isang gusali. Ang isang matandang ale ay napaluhod na lamang habang nakatingin sa langit at nagdadasal.

Muling gumalaw ang lupa. Mabilis na humaba ang bitak sa kalsada. Gumuho ang ilang gusali habang dahan-dahang umangat ang lupa sa dalampasigan. Tumaob ang ilan sa mga tangke ng militar at mga kotse habang ang iba pa ay nanatiling nakasabit sa ibabaw ng umaangat na lupa. Ilang sandali pa ay bumuo ng matayog na harang ang umangat na kahabaan ng dalampasigan kasabay ng pagkasira ng Roxas Boulevard na tila naging dikeng halos isang daang talampakan ang taas. Pinigilan nito ang malaking alon na humampas sa matayog at mabatong harang at nagpaulan ng mga tilamsik ng tubig-alat sa mga nawasak na gusali malapit sa dalampasigan.

Napalingon ang matandang babae na nagdadasal. Ngumiti sa kanya ang nilalang na animo'y taong bato. "Humanap kayo ng mapagsisilungan," saad ni Terra na tumingala matapos umalingawngaw ang sigaw ni Hepesto na mabilis ang galaw sa himpapawid, tinutulak si Neptuna. Isang pagsabog sa hindi kalayuan ang naganap.

Sinalubong si Terra ng matinding pwersa ng hangin habang umaangat ito sa ere. Nabasag ang katawan nito at bumagsak ang mga piraso sa lupa kasabay ng pagbagsak ng dambuhalang bloke ng yelong tangay ang barkong pandigma. Dinig sa mga sigawan ng mga nakasaksi ang hilakbot.

--------------

DISCLAIMER: THE EVENTS DEPICTED HERE ARE WORKS OF FICTION AND ARE THEREFORE FICTITIOUS. IN ADDITION, THEY ARE PART OF THE NATURAL FLOW OF THE NARRATIVE. THE WRITER DOES NOT HAVE REBELLIOUS AND VIOLENT INTENTIONS AGAINST THE GOVERNMENT.  

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon