CHAPTER 59-A

1.8K 103 18
                                    


"I regret that we have come to this point," saad ng Presidente ng Pilipinas. "I never thought I would say this, but because of the recent events, the calamities, the loss of order and the utter neglect of the law, I am declaring Martial Law."

Nagtinginan ang mga mamahayag na kinukunan ang talumpati ng pangulo. Lumakas ang mga bulungan. "Mr. President," saad ng isang reporter, "ayon sa defense secretary ay wala pa namang invasion o rebellion na nagaganap."

"Hihintayin ko pa ba na mangyari 'yan?" Matalim ang tinging binitiwan ng presidente sa mamahayag habang muling lumalakas ang ingay ng mga tao sa loob ng bulwagan. Ngunit kasabay ng muling pagbuka ng bibig ng lider ng bansa ay ang pagtikom ng mga naroon. "I am ordering all of the military personnel to --"

Dumagundong ang napakalakas na kulog kasabay ng pag-uga ng lupa na nagpatigil sa talumpati ng presidente na bakas ang sindak sa mukha habang naglalakad papunta sa kanya ang marikit na dilag. "Ikaw ba ang pinuno sa panahong ito?"

Pinaligiran ng kanyang mga gwardiya ang pangulo. Bago ito makasagot ay nagsalitang muli si Neptuna.

"Ano ang galing na mayroon ka?" Namuo ang matutulis na yelo sa kanyang mga kamay.

Binuka ni Neptuna ang nakaharap na mga palad sa mga gwardiya nang marinig ang pagkasa ng mga assault rifles. Pinuntirya ng dalawang matulis na piraso ng yelo ang dalawang miyembro ng presidential security group na bumagsak sa sahig matapos tamaan sa leeg.

Kasabay ng mga putok ng baril ang sigawan ng mga mamamahayag na nasa loob ng silid. Tumalsik ang mga butil ng yelo sa sahig mula sa katawan ni Neptuna. Ngumiti lamang ang marikit na dilag na ang iba't ibang bahagi ng katawan ay binutas ng mga bala. Dahan-dahang nagsara ang mga butas at lumuwa ang mga balang isa-isang bumagsak sa sahig. Umuusok ang kanyang katawan sa lamig habang kumikinang ang asul na iris ng kanyang mga mata. "Hindi ang mga mangmang, mahihina, at mabababang uri ng mga nilalang na katulad ninyo ang magtataguyod ng kaayusan."

Humihip si Neptuna, at mula sa kanyang bibig ay kumawala ang hanging nagpangiwi sa mga pulis na nagkubli sa presidente. Bakas sa ekspresyon ng mga mukha ng mga ito ang sakit na nararamdaman habang nangingisay. Sa ilang segundo ay nagyelo ang mga katawan nila. Nabasag ang mga katawang iyon nang bumagsak sa sahig. Wala na sa likod nila ang pangulo.

Hindi na siya interesado na hanapin pa ito o alamin kung saan ito nagkubli. Umikot lamang siya upang harapin ang mga nasa palasyo.

"Dumating na ang tamang panahon," saad niya. Nakatutok sa kanya ang mga kamera ng mga tagapagbalitang umaatras papalayo. Habang naglalakad si Neptuna papalabas ng bulwagan ay nagtakbuhan din palabas ang mga nagsisigawang mamahayag.

"Ito ba ang pinagmamalaki ninyong sentro ng inyong republika?" tanong niya sa mga mamahayag na nasa labas na ng gusali.

Walang sumagot sa mga mamahayag na nakatanaw lang sa kanya habang umaangat ang kanyang katawan mula sa dating kinatatayuan. Nakatuon ang ibang kamera sa kanya. Ang ilang mamahayag ay nagtalo kung mananatili o tatakbo.

Sandaling nilingon ni Neptuna ang gusali. "Masdan ninyo ang pagkawasak nito."

Walang nag-akalang ang marikit na mukhang iyon ay pag-aari ng isang malupit na nilalang na pinaliwanag ang kalangitan sa kumpas ng kanyang mga kamay. Binighani -- o kaya nama'y sinindak -- ng kariktan ng mga kidlat sa himpapawid ang mga taong nasa labas. Inilawan ng mga ito ang kahindik-hindik na itsura ng ulap na mabilis na gumalaw at nagbago ng anyo, tila lalamunin ang lungsod na nakaabang sa pagsaklob ng nagbabantang sakuna.

Ligalig ang namayani sa mga nakatutok sa telebisyon, tulala sa nakasisindak na kagandahang ang kapritso'y nakunan ng mga kamerang nakatutok dito.

Walang anu-ano'y isa-isang tinumbok ng malalakas na boltahe ng kuryente ang Malacañang. Nagsigawan ang kanina ay mga tulalang mamahayag. Nagtakbuhan ang mga ito habang sumasabog ang iba't-ibang parte ng pamosong gusali. Nahagip ng mga tumitilapong piraso ng bakal at semento ang ilan sa mga tumatakbong hindi na nilingon pa ang humahalakhak na nilalang. Tuluy-tuloy na inulan ng mga kidlat ang palasyo hanggang sa ito'y naging kumpol ng mga tipak ng semento, kahoy, at bakal.

----------------

And the battle begins...

----------------

DISCLAIMER: THE EVENTS DEPICTED HERE ARE WORKS OF FICTION AND ARE THEREFORE FICTITIOUS. IN ADDITION, THEY ARE PART OF THE NATURAL FLOW OF THE NARRATIVE. THE WRITER DOES NOT HAVE REBELLIOUS AND VIOLENT INTENTIONS AGAINST THE GOVERNMENT.

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon