CHAPTER 2

3.9K 158 20
                                    


Nagbabaga ang katawan ni Hepesto habang kausap ang dalawang espirito ng kalikasan, sina Aeolo at Neptuna. "Huwag na nating pakialaman ang mga tao. Tahimik na silang namumuhay."

"Matagal tayong nakakulong, napasailalim sa kapangyarihan ng tao, isang kalapastanganang hindi ko mapapatawad, isang kalapastanganang naghintay ng mahabang panahon upang maipaghiganti!" bulalas ni Neptuna. Ang iris ng kanyang mga mata ay matingkad na asul. Ang kanyang buhok na puti ay sumasayaw. Binalutan ng makinang na yelo ang kanyang mga pisngi habang iniikutan siya ng mga globo ng tubig. Ang makinang na asul na damit ay nagbabagu-bago ng anyo, tila natutunaw at muling nagyeyelo.

"Tama!" sigaw din ni Aeolo. "Isang kapangahasan ang ginawa ng mga pagano noon sa atin." Tanging mukha lang ni Aeolo at ang balbas nito ang maaaninag. Ang katawan niya ay purong makapal na hangin na minsa'y animo'y ulap.

"Subalit mahabang panahon na ang dumaan. Hindi na ito ang panahon ng mga pagano. Tingnan ninyo." Tinuro ni Hepesto ang ibabang lungsod. "Marami na ang nagbago. Hindi ninyo pwedeng ibaling sa kanila ang galit ninyo."

"Kasuklam-suklam ang mga sinasabi mo, Hepesto." Pinalibutan si Neptuna ng asul na enerhiya. "Nakalimutan mo na ba kung paano nila tayo kinulong gamit ang kanilang taglay na mahika?"

"Iyon naman ay dahil nilusob natin sila noon na walang katuturan."

Dumagundong ang boses ni Aeolo. "Pinagsisisihan mo bang pinagtanggol natin ang ating posisyon para sa kaayusan?"

"Hindi ba ninyo napapagtanto na isang kamalian ang digmaang nilunsad natin laban sa mga pagano noon?" tanong ni Hepesto.

"Tayo ay mga diyos!" Kasabay ng sigaw na iyon ni Aeolo ang pagbilis ng kilos ng mga ulap.

"Lumalambot ka na yata, Hepesto. Hindi ba't ikaw ang dapat na namumuno sa digmaan?" Nagpakawala ng enerhiya si Neptuna na nagpakapal sa ulap sa ibabaw ng Maynila.

"Ano ang silbi ng digmaan, Neptuna?" Hindi maintindihan ni Hepesto ang perspektibo ng mga kausap. "Guluhin ang mundo?"

"Bakit hindi?" Sumimangot si Aeolo.

"Ano'ng pagbabago ng isip iyan, Hepesto?" Nanlilisik ang mga mata ni Neptuna.

Habang nag-uusap sila ay umangat mula sa kalupaan si Terra. "Tama si Hepesto." Naging bato ang kanyang katawan. "Hindi akma ang hakbang na inyong gusto."

"Bakit hindi ka na lang manatili sa kalupaan at ayusin ang ginawang kabalbalan ng mga tao sa kalikasan?" tanong ni Aeolo kay Terra.

"Hindi na natin ito panahon," saad ni Terra. Mula sa kanyang bisig ay umusbong ang mga dahon na kalauna'y naging mga baging na bumalot sa kanyang mga braso.

"Kailangang maibalik natin ang ating mga sarili sa pedestal, sa panahong sinasamba pa tayo ng mga tao." Inilawan sila ng mga kidlat kasabay ng pagsasalita ni Neptuna.

"Para saan?" Nakakunot ang noo ni Hepesto. "Para sa egotismo? Tayo ay mga espiritu ng kalikasan. Hindi katanyagan ang ating pakay, kung hindi ay ang kaayusan sa mundo."

Pumorma ng kamay na nakaturo kay Hepesto ang hanging nakapalibot kay Aeolo. "Nagkakamali ka, Hepesto," tugon nito. "Kailangang pasunurin natin ang mga tao kung gusto natin ng kaayusan."

"Matalino ang mga tao," saad ni Terra. "Makakamtan din nila ang kaayusan pagdating ng panahon."

"Kasinungalingan! Higit sa ating lahat ikaw ang dapat nakakaalam kung anong kapangahasan ang pinaggagagawa ng mga tao!" Sinabayan ng matalim na kidlat ang bawat bulalas ni Neptuna.

"Paano ka nakakasigurong kailangan ng mga tao ang ating presensiya upang makamtan nila ang kaayusan?" Lumapit si Hepesto kay Neptuna.

"Dahil magkakasalungat ang kanilang mga idolohiya. Kailangan silang pamunuan gamit ang kapangyarihang hindi nila kayang pantayan." Tinuon ni Aeolo ang kamay sa isang parte ng Maynila kung saan bumugso ang malakas na hanging tumangay sa bubong ng mga bahay.

"Itigil mo ang kalapastanganang iyan, Aeolo!" sigaw ni Terra.

"Takot ang kailangan ng mga tao." Kinuyom ni Aeolo ang mga kamay. "Kailangan maibalik natin ang takot sa kanila. Susunod sila sa atin kung takot sila."

"Isang kapangahasan ang iniisip mo, Aeolo." Nagningas pa nang husto ang katawan ni Hepesto. Lumawak ang makislap na mainit na enerhiyang pumalibot sa kanya.

"Hindi talaga ninyo naiintindihan. Matagal tayong nakakulong sa mga bato. Matagal tayong kinulong ng mga tao!"

"Iyon ay dahil sa digmaang nilunsad natin noon, Neptuna!"

"Dahil sumusuway sila, Hepesto! Nakalimutan mo na ba?" Muling nagliwanag ang paligid nila dahil sa mga kidlat. Isang kidlat ang dumausdos pababa at tumama sa isang gusali.

"Dapat ay pinakinggan natin ang kanilang katwiran noon bago tayo naglunsad ng digmaan," saad ni Terra.

"Sinasabi mo bang mali ang pasya ng ating amang si Kratos?" Muling bumilis ang galaw ng ulap matapos magsalita si Aeolo.

"Tama, mali ang pasya ni Ama."

"Nahihibang ka, Hepesto." Kumawala ang kuryente sa mga mata ni Neptuna.

"Mali nga ang hakbang na iyon at ngayon natin itatama."

"Hibang ka na rin, Terra!" Bakas sa mukha ni Neptuna ang galit. Nagpakawala ng maliliit na kuryente ang kanyang mga mata.

"Kalamayin mo ang iyong loob, Neptuna," saad ni Hepesto.

Kumulekta ng tubig si Neptuna mula sa mga ulap at mabilis na pinatama ito kay Hepesto. "Hunghang! Matapos kayong ikulong sa bato ng mahabang panahon at alipinin ng angkan ng mga pagano ay pinanghinaan na kayo ng loob?"

Umusok ang katawan ni Hepesto matapos tamaan ng tubig. "Hindi ito kahinaan ng loob. Ito ay pagkakaroon ng katwiran."

"Makatwiran ba ang ginawa nila sa atin?" Dumagundong ang boses ni Aeolo.

"Pero malaya na tayo," saad ni Terra.

"Isang kalayaang bunga ng pagkakamali ng huling tagaingat. Salamat sa kanya at ngayon ay maipaghihiganti ko na ang ilang siglo nating pagkakabilanggo."

"Pinalaya tayo ng huling tagaingat dahil gaya natin ay gusto niya rin ng kaayusan at ayaw niyang maging pag-aari pa tayo ninuman." Matatag ang boses ni Hepesto.

"Katangahan!" Isang bugso ng hangin ang pinakawalan ni Aeolo na nagpaatras sa nagniningas na katawan ni Hepesto.

"Mga kapatid, hindi tayo dapat nag-aaway," saad ni Terra. "Masisira ang balanse ng kalikasan"

"Masyado kayong pinahina ng pananatili ninyo sa batong anyo!" Nagpakawala si Neptuna ng kidlat na tumama kay Terra.

Bumagsak si Terra sa kalupaan. Isang pagyanig ang naganap nang tumama ang katawan nito sa lupa.

"Itigil ninyo ang kapangahasang ito, Neptuna at Aeolo! Pinaitim din ba ng kadiliman ang mga budhi ninyo?"

"At pinalambot ka ba ng pagsanib mo sa lalaking iyon?" Umikot ang mga linya ng tubig kay Neptuna at mabilis na gumalaw ang mga ito patungo kay Hepesto.

"Wala na kayo sa katwiran!" Nagliyab ang katawan ni Hepesto at naglabas ito ng mala ahas na mga apoy na sumangga sa tubig ni Neptuna. "Hindi tama ito!"

"Hindi tama ang magtalo tayo," sagot ni Neptuna. "Dapat tayo ay nagkakaisa."

"Ha!" Lumawak ang lagablab ni Hepesto. "Kung anumang balak ninyo sa sangkatauhan, hindi ako panig sa inyo."

"Hindi mo kami mahahadlangan!" Umihip si Aeolo. Tinangay ng hangin si Hepesto.

Nakangiti si Neptuna habang ginagala ang tingin sa paligid na ulap na mabilis na gumagalaw. Iniliwan sila ng mga kidlat. "Sa wakas, kalayaan!"

Bumuhos ang malakas na ulan sa Maynila. Sumilong ang mga inhinyerong nangasiwa sa pagkukumpuni ng sirang gusali at kalsada sa Makati. Bahagya ring naantala ang pamimigay ng relief goods sa mga komunidad na sinalanta ng buhawi kamakailan. Malakas ang buhos ng ulan. Nagngangalit ang kalangitan.

Lingid sa kaalaman ng apat ay nagmamasid ang nilalang na malausok, walang porma, at maitim. Mabilis ang galaw ng itim na usok, tila nag-aabang, naghihintay.

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon