Oplan - 09

3.6K 46 0
                                    

Hindi maipaliwanag ni Ericka ang nararamdaman niya nang sumapit ang araw na kailangan na nilang bumalik ni Jarome ng Maynila. Hindi pa man sila tuluyang nakakaalis ay labis na ang lungkot na nadarama niya. Sa ilang linggong pananatili nila sa Leyte ay naging malapit na ang loob niya sa mga kamag-anak niya na noon ay sa mga kwento lang ng mommy niya nakikilala.

Kung maaari lang ay gusto niyang mag-extend dahil feeling niya ay bitin ang bakasyon niyang iyon at gusto pa niyang makasama ang mga ito. Subalit may mga kailangan pa rin silang kaharaping trabaho sa pagbalik nila sa Maynila. May mga upcoming fashion show siya at marami pa silang isusulat para sa thesis nila. At tiyak na hindi na rin papayag ang university nila na i-extend ang araw para sa gathering of data nilang iyon.

Nang makahanap siya ng pagkakataon ay mag-isang kinausap niya si tita Jaygie. Iniwan na muna niya sa mga pinsan niya si Jarome. “Tita, may ipapakiusap po sana ako tungkol doon sa lupang naiwan ni mommy,” pag-uumpisa niya. Simple lang naman ang hihilingin niya sa tita niya. At kung tutuusin ay pormalidad na lang iyon sa part niya.

“Ano yun, Ericka?”

“Gusto ko po sanang kayo pa rin po ang mag-manage ng lupang iyon habang wala po ako. Nagbabalak po kasi akong mag-abroad after my graduation.”

“Ah, iyon lang ba? Sure, walang problema. Ikaw naman, ang akala ko’y kung ano na ang ipapakiusap mo.” nakangiting saad nito sa kanya.

“At saka tita, gusto ko po sanang thirty percent ng kikitain ng niyog ay mapunta po sa inyo. So, seventy percent na lang po ang kailangan ninyong ilagak sa bangko.” Humugot muna siya ng hininga bago muling magpatuloy. “Hindi naman po sa binabayaran ko po ang serbisyo ninyo, parang pasasalamat ko na lang po iyon sa inyo, tita. At alam ko pong hindi sapat na kabayaran iyon para sa ipinapakita niyo pong pagmamalasakit sa akin,” sinserong saad niya dito.

“Naku, ikaw bata ka. Hala, hindi ko tatanggihan ang alok mo at malaking tulong rin iyon sa amin dito sa probinsiya,” niyakap na siya nito dahil nakita na nila si Jarome na ipinapasok ang mga gamit nila sa kotse. “O, siya. Mag-iingat kayo sa biyahe. Tawagan niyo ako kapag maayos na kayong nakabalik ng Maynila.”

“Sure, tita.”

Muli silang nagpaalam sa mga kamag-anak niya bago sila tuluyang sumakay ng kotse at nagsimulang bumiyahe. Habang daan ay panay ang kwentuhan nila tungkol sa mga naging experience nila sa Leyte. Sinabi rin sa kanya ng binata na kung maiisipan niyang muling bumalik doon sa mga darating na panahon, ay nais nitong muling sumama sa kanya.

Hindi nagtagal ay nahulog na siya sa malalim na pag-iisip. Ngayong pabalik na sila ng Maynila, hindi niya alam kung ano na ang magiging estado ng relasyon nila ni Jarome. Dahil kung ang pagbabasehan ay ang mga ikinilos nito noong mga nakaraang linggo, alam niyang unti-unti nang nagpaparamdam sa kanya si Jarome. Ibig sabihin ba niyon ay handa nang tawirin ng binata ang tulay mula sa pagkakaibigan nila tungo sa isang mas malalim na relasyon? Paano kung hindi pa siya handang harapin ang bagay na iyon. Makapaghihintay kaya si Jarome sa kanya?

Compilation of Best Love Stories [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon