BNKM - 11

3K 72 1
                                    

PAULINE'S POV

NAPATALON sa gulat si Pauline nang makita niya sa labas ng gate si Oliver na prenteng nakasandal sa kotse nito. Hinila niya pasara ang pinto at saka naglakad papalapit dito.

“Ikaw na naman?” eksaheradong itinirik niya ang kanyang mga mata. Hindi niya inaasahang makikita niya ulit ito ng araw na iyon. Kahapon ng magpaalam ito sa kanya, ang buong akala niya ay didiretso na ito ng Batangas. Subalit nagkamali siya. Hayun nga at nakatanghod sa kanya ang binata.

“Parang hindi naman ako convinced na hindi ka masaya na nakita mo ulit ako.” Inalis nito ang mga braso mula sa pagkakahalukipkip at saka may kinuha mula sa back pocket nito. It was a long stemmed red rose. “O, para sayo.”

Tinanggap niya ang bulaklak. “Salamat.” Hindi niya mapigilang kiligin. “Pero hindi ka na sana nag-abala pang pumunta dito para lang bigyan ako ng bulaklak. Hindi ka ba hinahanap sa resort mo? Baka napapabayaan mo na ang trabaho mo.”

Umayos ito ng tayo at humakbang palapit sa kanya. Huminto lang ito ng ilang dali na lang ang agwat ng mukha niya sa mukha nito. “Makakapaghintay ang trabaho ko. Pero ang puso ko, hindi na. Na miss agad kita.”

Nag-iwas siya ng tingin dahil hindi niya alam kung paano dapat sagutin ang sinabi nitong iyon – o mas akmang sabihin na hindi niya alam kung ano nga ba ang dapat niyang itugon dito.

“Paano mo nga pala nalaman na ganitong oras ako lumalabas kapag araw ng linggo?” pag-iiba niya ng usapan  bagama’t may kutob na siya kung sino ang nagpi-feed dito ng mga impormasyon na may kinalaman sa kanya. Si Jenny.

“Importante pa ba ‘yun?” binuksan na nito ang passenger’s seat. “Sakay na. Mahuhuli tayo sa misa.”

Hindi na siya nagprotesta pa. Sumakay siya sa kotse nito at tahimik nilang binagtas ang daan papuntang simbahan. Kakaumpisa lang ng misa ng dumating sila. Hanggang sa matapos ang misa ay tahimik pa rin ang binata. Nagtataka siya sa inaakto nito. Kanina lang ay magaan naman ang mood nito. Bakit ngayon ay parang bigla itong nanamlay?

“Hindi ako sanay na tahimik ka,” basag niya sa katahimikang namamayani sa kanila ni Oliver. Nasa loob sila ng isang restaurant at hinihintay na i-serve ang mga pagkaing inorder nila.

“May iniisip lang ako.” Pilit na ngumiti ang binata.

“Pwede ko bang malaman kung ano ang iniisip mo?”

Napabuntunghininga ito. “Uuwi na ako bukas ng Batangas. This time, totoo na ‘to. Mami-miss kita ng sobra, Pauline.” Nang gagapin nito ang isang kamay niya ay hindi siya pumalag. Hinayaan niyang damhin nito ang palad niya na para bang sa pamamagitan niyon ay mapapawi ang lungkot na nadarama nito.

“Come on, ang lapit lang ng Batangas, Oliver.” Pilit na pinasigla niya ang kanyang boses. “Magkikita ulit tayo. Ilang tumbling lang ba ang Batangas mula sa Makati?” nakangiting turan niya dito.

“Madalas kitang dadalawin dito sa Maynila.”

“Hindi mo obligasyong dalawin ako. Pero kung magpipilit ka, pwede ko na ring pagtiyagaan ang company mo,” natatawang saad niya dito.

Lumabi ito sa kanya na parang bata. “Hindi mo ako mami-miss?” malungkot ang boses nito. O baka naman imahinasyon niya lang iyon?

“Oo na. Mami-miss rin kita. Huwag ka nang mag-emote diyan.”

Sukat sa sinabi niya ay biglang nagliwanag ang mukha nito na parang nabuhayan ng loob. Hanggang matapos sila sa paghahapunan ay magaan na ulit ang mood nito. Madaldal na ulit katulad ng mga nagdaang araw na nakasama niya ito.

Compilation of Best Love Stories [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon