Pinulot ni Alabel ang huling gulay sa buslo. Nagmamakaawa siya mula sa kanyang mga naluluhang mata, 'tulungan niyo kami' ang binubulong nito bago siya tumayo at bumalik sa bukid.

"Kailan tayo kikilos?" Tanong ko, sabik na pakawalan sila sa mga posas nila.

"Kapag lumubog na ang araw para hindi nila tayo makikita." Tugon ni Tyranny.

Hinintay pa namin lumubog ang araw at dumilim ang langit. Nagpasa-pasa ang mga kasama namin na Sayongsong mula sa binili namin sa Surigao. May balot ito ng dahon ng saging, isang kakanin na gawa sa minatamis na kanin, gatas ng niyog, asukal, inihaw na mani, at calamansi dyus. Malambot, matamis, at magatas sa bawat kagat na parang maihahalintulad sa isang puto.

Magandang oportunidad ito. Wala silang makikita sa paligid kundi mga mahahabang damo at bukid lamang sa madilim na gabi. Mapapalibutan din namin sila.

Pagdating ng alas-syete ng gabi, umikot ang aming mga kasama sa bakod. Sinuri muna namin ito kung may kuryente ito pero wala naman kaya inakyatan namin ito at nagtago sa mahahabang damo.

Napatuon ako mula sa sigaw ng isang babae. Hinanap ko ito mula sa mga kubo hanggang sa matanaw ko si Alabel, hinihigit siya ng bantay nila mula sa kanyang buhok habang naiyak siya.

"Sumugod na tayo!"

"Hindi pa! Hintayin mo pumasok sa ibang kubo ang bantay!"

Patayo na sana ko pero mahigpit ang kapit ni Tyranny. Wala akong nagawa kundi pinanuod lamang si Alabel na hilahin siya ng bantay papasok sa malaking kubo habang nakangisi ang lalaki.

"Sugurin na natin ngayon, Tyranny! Parang awa mo na! May ginagawa sila sa mga babae rito!"

"Kailangan natin mag-ingat!"

"At paano sila?! Nag-iingat din naman sila pero tingnan mo ang nangyayari!"

"Makinig ka sa akin! Hintayin mo muna—"

"Putang ina! Hindi na ko maghihintay! Bahala kayo!"

Hinila ko ang aking braso sa kanya at tumakbo, hindi pinapansin ang kanilang sita sa akin. Dinala ko ang aking baril at sumugod sa kubo na pinasukan nila. Nahawi ang mga mahahabang damo na nasa aking landas hanggang sa makarating ako sa kubo.

Sinipa ko ang pintuan pabukas. Nadatnan ko si Alabel na nakatumba sa banig, umiiyak at basang-basa ang pisngi, namumula ang mata nito.

Ang lalaking bantay na nagdala sa kanya sa loob ay nakapangibabaw sa kanya, mahigpit na nakakapit sa pulso ni Alabel ang isang kamay habang ang isa ay hinuhubaran ang damit ni Alabel.

Hindi ko malaman kung bakit lumabo bigla ang paligid ko, may nagri-ring sa aking pandinig, kumukulo ang aking dugo. Nakalimutan ko na ang pinaglalaban ko.

Namilog ang mata ng bantay nang mapagtanto niya kung sino ako.

"Ibong Ma—"

Hindi na niya natapos ang kanyang sasabihin dahil pumutok ang baril nang pinisil ko ang gatilyo. Tumama ito sa kanyang ulo at natumba siya sa sahig.

Tiningnan ko ang aking damit na natalsikan ng dugo, ang unang tao na pinatay ko sa sarili kong kamay.

Nakakabingi ang tili ni Alabel habang umaatras ito sa lalaki, inaangat ang pang ibaba niya sa kanyang bestida matapos siyang hubaran nito.

"Diyos ko po! Diyos ko po!" usal niya.

Nanginginig ang kanyang buong katawan. Nangangatal ang labi at hindi makapagsalita nang maayos. Sa kabila ng kayumanggi niyang balat, namutla ang kanyang mukha na para bang nawalan ito ng dugo.

Rebelation (Unity Series #1)Where stories live. Discover now