Kabanata 5

97.9K 2.9K 395
                                    

Kabanata 5

"At saan ka naman pupunta, ha, Amara?" narinig kong tanong ni Bakla.

Napatigil ako sa tangkang paglabas ng pinto dahil humarang siya rito. Nakita kong nakataas ang kaniyang kilay sa akin na para bang inaakusahan ako sa isang bagay.

"Raraket," tipid kong sagot habang nakangisi sa kaniya.

Inis siyang napasinghap at itinuro ako na para bang hindi makapaniwala.

"Raraket ka na naman! Akala ko ba ay magbabago ka na! Amara naman, tigilan mo na ang pagnanakaw. Kakalabas mo pa lang sa kulungan tapos gagawa ka na agad ng kalokohan!" panenermon na sigaw niya habang pinanlilisikan ako ng mga mata.

"Tigilan mo na iyan!" pagpapatuloy na sermon niya sa akin at pagkatapos ay pinanlakihan niya ako ng mata.

Sa ginawa niyang iyon ay mas lalong lumaki ang kaniyang mga mata. Nagmukha tuloy siyang tarsier. Ang lupet din nitong baklang 'to, kanina lang ay nanliliit ang mata niya sa akin tapos ngayon naman ay halos lumuwa ang mata niya.

"Tigilan mo na ang pagnanakaw, hindi iyan makakabuti sa kinabukasan mo!" matinis na boses na sigaw niya.

Napangiwi ako at napatakip tuloy ako sa aking tainga dahil sobrang tinis ng boses niya. Para siyang naipit sa pintuan kung makapalahaw.

Ang dami niyang sinasabi. Dapat ay pinagsasalita niya muna ako. Hindi tuloy ako makapagpaliwanag sa kaniya. Tira kasi siya nang tira sa panenermon sa akin. Daig niya pa ang nanay ko.

"Baklang 'to! Hindi ako magnanakaw," sagot ko sa kaniya.

"Eh, saan ka naman pupunta?" mapang-usisa na tanong niya habang pinaniningkitan ako ng mata.

"Magtatrabaho," tipid kong pahayag.

Napasinghap siya sa sobrang gulat. Napahawak din siya sa kaniyang noo at napatingala na tila ba mahihimatay.

Ang arte!

"Magtatrabaho? Eh, ang aga aga pa. Mamayang gabi pa ang schedule mo para magtinda ng balot, ah?" tanong niya habang pinapasadahan ako ng tingin. Hindi siya naniniwala sa aking mga sinasabi.

"At tsaka bakit ka nakasuot ng pantalon? Dati pag may raket ka ay lagi kang naka tokong na short, kahit sa pagtitinda ng balot ay iyon din ang suot mo," tila nahihiwagaan na wika niya.

Alam kong naninibago siya sa akin dahil sa suot ko. Kalimitan kasi ay naka-tokong ako na short tuwing aalis. Mas madali kasing kumilos at tumakbo pag nakasuot ng tokong.

Iyon ang lagi kong paliwanag sa kaniya tuwing tinatanong niya kung bakit ako nagsuot ng tokong.

"May bago akong trabaho," may kasiyahan na sabi ko habang inaayos ang dala kong belt bag.

"Saan naman? Baka naman nagbebenta ka na ng puri mo, ah?" may pang-aakusa na sambit niya.

Mas lalo niya akong pinanlisikan ng mga mata kaya nagmukha ulit siyang tarsier. Tarsier na lumalaki ang butas ng ilong.

Namilog ang aking mga mata nang marinig ang kaniyang iniakusa sa akin.

"Baklang 'to! Anong tingin mo sa akin kamag-anak ni Magdalena? Ang babaeng mababa ang lipad? Hindi ko gagawin ang bagay na iyan. Mas pipiliin ko pang magnakaw kesa gawin ang nakakarimarim na trabahong iyan," mahaba kong alintana habang iniirapan siya.

"Easy! Galit agad! Nagtatanong lang naman, pero ano ngang trabaho mo?" may kuryosidad na tanong niya.

Inilagay ko ang aking mga braso sa tapat ng aking dibdib. "Nag-apply ako sa karinderya ni Aling Batseba. Isang daan at limampung piso ang sweldo kada araw."

The Billionaire's Sexy WhoreWhere stories live. Discover now