Chapter 43

74.3K 2.2K 201
                                    

CHAPTER 43

DALISAY's POV

Kasal ko sana ngayong araw... Sana. At ito na sana ang pinakamasayang araw sa buong buhay ko. Pero iyon nga lang, hanggang pangarap na lang iyon. At kahit na alam kong mahal ako ni Danzel, hindi sapat ang panahon para mapatawad niya ako. Nasaktan ko ang taong pinakamamahal ko at iyon ang pinakamahirap sa lahat.

Kahapon pa lang ay nandito na kami sa Subic. Isinama na lang din ako ni Verni sa mga lolo at lola niyang naninirahan doon. At kahit pa masakit ang malayo kay Danzel ay sumama na lang din ako. Malapit ang bahay na tinitirhan namin sa dagat kaya't pagdating pa lang doon ay wala na akong ginawa kung 'di ibuhos ang luha ko sa dagat. Hindi ko alam kung kailan mauubos 'to, basta't ang alam ko lang, hinding-hindi ko makakalimutan si Danzel.

Para akong tanga na suot ang aking wedding gown at nangangarap na sana ay natuloy ang kasal namin ni Danzel. Pero wala, e. Hanggang dito na lang 'to.

Humugot ako nang isang malalim na buntong-hininga at hinayaan ang luhang walang pakundangang naglandas na naman sa aking mukha. Simula kahapon ay wala na akong tigil sa pag-iyak. At kahit na anong pang-aalo pa ang gawin ni Verni ay hindi ko talaga mapigilan ang maiyak. Hindi ko alam kung papaano ako magsisimula. Pakiramdam ko'y namatay na ako simula nang makita ko ang hindi maipaliwanag na galit sa mga mata ni Danzel.

Gumuhit ako sa buhangin at isinulat ang pangalan ni Danzel nang paulit-ulit. Parang hinahati ang puso ko sa dalawa. Naglandas na naman ang luha sa aking mga mata dahil sa tuwing maiisip ko siya ay hindi ko talaga maiwasan ang mangulila. Mahal na mahal ko siya. Ang babe ko...

~~

Hindi naging madali ang mga sumunod na araw sa akin. Kahit na anong pagpipilit kong pasiyahin ang aking sarili ay hindi ko magawa. Hindi ko alam kung higit ba ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Palagi na lang ay parang may dumadagang mabigat sa puso ko. Wala na naman ako sa sariling napatitig sa dagat at ang kulay niyon ay nagpapaalala lang sa magagandang mga mata ni Danzel. I missed him so much. Kinagat ko ang aking labi para sana pigilan na naman ang pag-iyak pero walang epekto 'yun. Sa kabila nang halos araw-araw na pag-iyak ay parang hindi na yata ako naubusan ng luha. Maitim na ang ilalim ng aking mga mata. Kulang na lang ay hindi na makita ang aking mga mata sa sobrang pamamaga niyon.

"Isay, hija, kumain ka man lang. Hindi makakabuti kung wala kang ilalaman sa iyong tiyan..." alalang sabi pa ni Lola Trining noong kami ay nasa hapag kainan. Siya ang mabait na lola ni Verni. Kung hindi ako nagkakamali ay nasa edad sesenta na siya. Maputing-maputi na ang kanyang buhok pero masigla pa naman ang kanyang katawan katulad ng asawa nitong Lolo Monchito.

"W-wala po ako sa kundisyon, Lola." Mapait akong ngumiti sabay bahagyang umiling. Umuwi na muna kasi si Verni sa Maynila dahil nand'un naman talaga ang trabaho niya.

Iilang araw pa nga lang akong namamalagi dito sa Subic ay malaki na kaagad ang ipinagbago ng aking katawan. Pati yata gana ko sa buhay ay nawala na.

"Hija, ipinagbilin ka sa amin ni Verni. Gusto mo bang magalit sa amin iyon kung hindi ka namin pipiliting kumain?" parang naghihinampo pa niyang sabi.

Malalim lang akong napabuntong-hininga at alam ko namang isa akong malaking abala sa kanila. Ni hindi ko man lang sila kamag-anak pero tinanggap nila ako nang buong-buo sa kanilang pamamahay. Hindi rin sila nagtatangkang magtanong sa aking pinagdaraanan at sa halip ay hinahayaan lang nila akong iiyak ang bigat na nararamdaman ko sa aking puso.

"Sige na, hija... Kumain ka na," pakiusap pa ni Lolo Monchito na bakas ang habag sa mga mata. Mas lalo lamang ako naiiyak sa sitwasyon ko.

"S-sige po," napipilitan ko pang sagot sabay mapaklang ngumiti.

Agad namang nagliwanag ang kanilang mga mukha na akala mo ba nanalo sa lotto. Ang mga ngiti nila ay nagpapaalala nang ngiti ni Verni. Parehas na naniningkit ang kanilang mga mata sa tuwing sila ay ngingiti nang sobrang luwag.

Pero hindi pa man ako nakakarami nang subo ay agad na nanghapdi ang aking sikmura at pakiramdam ko ay parang babaligtad iyon. Nagmamadali akong lumapit sa lababo at isinuka ang iilang kutsarang pagkain na naisubo ko. Hinaplos ko ang aking tiyan at wala sa sariling napangiwi. Sobrang hapdi niyon marahil dahil sa walang kalaman laman ang aking tiyan. Palagi na lang ilang kutsara ang nakakain ko sa iilang araw na pananatili ko. Mukhang binabalikan na ako dahil sa ginagawa kong pagpapabaya sa aking sarili.

"Okay ka lang ba, hija?" alalang tanong pa ni Lola Trining habang hinihimas ang aking likod. Kinagat ko ang aking labi upang pigilan ang maging emosyonal. Naaawa ako sa aking sarili. Kapalaran ko na nga yata ang mag-isa.

"Lola..." Hinarap ko siya at mahigpit na niyakap. "Hindi ko po alam kung paano magsisimula. Hindi ko kayang mabuhay na wala si Danzel... Hindi ko po kaya..." humihikbi pang sabi ko. Hindi ko alam kung papaanong nasabi ko ang mga salitang iyon nang hindi pinapanawan ng ulirat.

"Isay... Kaya mo 'yan. Hindi ko man alam kung sino si Danzel sa buhay mo, alam ko at nasisiguro kong magbabalik siya," bulong pa niya habang patuloy na hinahagod ang aking likod.

Umiling ako sa kanyang balikat at nasisiguro kong malabo nang mangyari ang sinasabi niya. Masyado kong nasaktan si Danzel. At kahit pa alam kong mahal na mahal niya ako, para sa kanya ay pagkukunwari lang iyon sa parte ko. Iniisip niyang hindi ko talaga siya mahal...

Pero gayon pa man, hindi ko magawang mamuhi sa kanya dahil kasalanan ko naman ang nangyari sa akin. Nagpadala ako sa takot. Kung sana'y sinabi ko sa kanya umpisa pa lang. Pero magagawa pa nga rin ba niya akong patawarin kung sinabi ko nga ba nang mas maaga?

"Talagang ganyan ang nagmamahal, hija," sabi pa ni Lolo Monchito na mapait pang ngumiti sa akin habang palapit sa kinakatayuan namin. Bumitaw ako sa pagkakayakap ko kay Lola Trining na agad din namang nakapunas sa aking mukhang basang-basa ng luha. "Hindi naman puro saya lang kapag nagmamahal. Sa sakit higit mong masusubukan kung hanggang saan nga ba kayo dadalhin ng inyong pagmamahal."

"Sinaktan ko po siya, Lolo... nang sobra-sobra. Kahit na ibinigay niya ang lahat ng kanyang pagmamahal sa akin, naglihim pa rin ako sa kanya. Pero natatakot po kasi ako... Hindi ko talaga alam ang tamang gawin," umiiyak ko pang sabi. Hindi na nga yata mauubos ang luha ko. Para ring binibiyak ang ulo ko sa sobrang sakit.

"Hindi naman perpekto ang tao, hija. Alam ko na minsan nang sumagi sa isip mo na magsabi sa kanya, diba? Natural na nagiging makasarili tayo kapag nagmamahal. Masaya ka, e. Natatakot kang magsabi dahil natatakot kang maputol ang kaligayahang nararamdaman ninyo, hindi ba?"

Tumango ako at iyon naman ang totoo. Takot akong mangyari ang nangyayari ngayon.

"Kapag nagmamahal, dapat nakagayak ka ring masaktan. At kahit pa gaano kasakit ang katotohanang possibleng tuluyan siyang maglaho sa buhay mo, kailangan mo iyong tanggapin, hija. Nangangahulugan lang din kasi na hindi totoo ang pagmamahal niya sa'yo kaya nagawa ka niyang bitiwan nang hindi pinapakinggan. Hindi naman kasi sa dami nang masasayang pinagsamahan ninyo nasusukat ang totoong pagmamahal. Nasusukat iyon kung sa kabila man nang marami ninyong pagkukulang bilang tao ay nagagawa pa rin ninyong mahalin nang buong-buo at walang pag-aalinlangan ang isa't-isa."

Bumalong nang husto ang luha ko at kulang na lang ay kapusin na ako nang hininga. Muling hinagod ni Lola Trining ang aking likod habang panay ang pagpipilit kong pakalmahin ang aking sarili.

"Malalagpasan n'yo ito, hija. Magbabalik siya. Ipagdasal mo iyon. Huwag mo ipagmukmok at iiyak. Ipagdasal mo," malumanay pang sabi ni Lola Trining. "Mahal ka n'un. Magbabalik 'yun, nasisiguro ko," nakangiti pa niyang sabi sabay nakipagtanguan sa kanyang asawa.

"Sigurado rin ako riyan, hija. Kaganda mong bata, magbabalik 'yun. Hindi naman siguro tanga ang boyfriend mo, 'di ba?"

Wala ako sa sariling tumangu-tango. Hindi ko man masabi sa kanilang ayokong umasa ay sinarili ko na lang ang aking nararamdaman.

Alam kong hindi na siya babalik.

Hinding-hindi na...

MY WRONG KIND OF GIRL (Self-Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon