Chapter 8.1.2

Magsimula sa umpisa
                                    

"Nahimbing ako nang tulog, Verni," pag-amin ko rin naman. "Muntik ko na talaga makalimutan," natatawang sabi ko pa.

"Ako nga ginising lang din ni Kapitan. Wala pa raw nag-aasikaso sa court, e, tangahali na," natatawang pag-amin din naman niya. Bukod kay Odik, maituturing ko ring malapit na kaibigan si Vernida. Iyon nga lang ay nagkahiwalay na kami ng tirahan dahil magkaiba na kami ng barangay. "Oo nga pala, nagkita na kayo ni Harold?"

"Nandito na si Harold?" Si Harold ay kapitbahay din namin sa dating iskwater. Halos limang taon ko na rin yata siyang 'di nakikita dahil nagtrabaho siya sa Dubai bilang isang personal driver.

"Oo. Noong nakaraang Linggo pa yata. Hinahanap ka nga niya at may pasalubong daw siya sa'yo," nanunukso pang himig niya at napailing lang ako. Dati kasing nanligaw sa akin si Harold. Pero dahil mga bata pa kami ay hindi ko siya sinagot.

"Saan na ba siya nakatira ngayon?" Bahagya akong pumaling sa kanya at parehas na kaming pinagpapawisan sa sobrang init.

"Sa kabilang barangay," tipid na sagot pa niya sabay hawi sa kanyang buhok. "Ang ganda na nga ng bahay niya, Isay. Asensado na. Puwede mo na sagutin," nanunukso pa ring sabi niya at inikot ko lang ang mga mata bilang sagot.

Inaamin kong dati kong crush si Harold. Laking hirap man kami parehas, hindi matatawaran ang determinasyon niyang makaangat sa buhay. Kaya nga nagsikap din siyang makapagtrabaho abroad. Halos apat na taon din ang tanda niya sa akin.

"Ang gwapo niya ngayon. Medyo pumuti at kuminis," dagdag pa niya at parang nand'un ang pagkasabik kong makita ulit siya. Kung sabagay ay gwapo naman si Harold. Lalaking-lalaki ang kanyang hitsura at medyo kayumanggi. Matangkad din siya at balingkinitan ang katawan.

"Talaga? Magkikita rin siguro kami. Bakasyon lang ba siya dito?" pasimpleng usisa ko pa.

"Oo. Ang alam ko three months din siya magbabakasyon," nakangiting sagot pa niya sabay kuha ulit ng mga styro na sasalinan ng pagkain.

May limang volunteers din kaming tulung-tulong sa pagtatarya ng pagkain. Hindi ko kilala 'yung tatlo pero namumukhaan ko naman sila.

Hindi naman nagtagal ay dumating na rin si Mayor kasama ang mga opisyal ng barangay. Sa pagkakaalam ko kasi ay nagpapalakas talaga siya para makakuha nang magandang boto sa susunod na eleksyon.

Nagkagulo sa court at pakiramdam ko ay mas lalong uminit. May electric fan mang malapit sa amin ay sobrang init pa rin.

Nagsalita si Mayor at binati ang mga bata na halos umabot din yata sa 50. Nagpalinga-linga ako at halos mapuno pa rin ang court sa rami ng mga taong nakikiusyoso at umaasa sa pagkaing matitira. Hindi na bago ang ganoong tanawin. Napaghahalatang marami pa ring mahihirap na mamamayan sa Pilipinas.

Naglitanya rin ang ibang mga opisyal ng barangay pero wala naman ang atensyon ko sa sinasabi nila. Ang gusto ko na lang ay matapos ito at makauwi. Naliligo na ako ng pawis.

"Oh my God!" Nagdudumilat pang lumapit sa akin si Vernida na para bang kinikilig.

"Oh, anong nangyari sa'yo?" natatawang tanong ko pa at para kasi siyang bulateng inasnan ng asin.

"Nand'yan 'yung gwapong anak ng mga Montenegro!" Nalaglag ang panga ko sa kanyang sinabi at agad na lumingon sa nagkakagulong kadalagahan malapit sa gate ng court. Si Danzel!

"Shit! Ang gwapo!" kinikilig pang sabi ni Vernida na halos patakbo pang bumalik ulit papunta sa gate.

Isang simpleng t-shirt at faded jeans lang ang suot ni Danzel, pero hindi matatawaran ang angkin niyang kagwapuhan. Halos magtilian ang mga babae sa paligid namin at hindi ko naman sila masisi dahil nakikita ng mga mata ko ang nakikita nila.

MY WRONG KIND OF GIRL (Self-Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon