Chapter 45: Reunited (Part 1)

1.9M 55.2K 19.9K
                                    

CANDICE

[Now Playing:Let Me Be the by Julie Ann San Jose]

Habang nagmamaneho ako papuntang ospital, hindi ko pa rin mapigilan na maiyak. Sobrang biglaan ng mga pangyayari—nakakalungkot at nakakapanghina. Hindi ko pa rin kayang tanggapin na wala na si Ginny. Parang kailan lang, masaya kaming nanonood ng show ni Paulo. Kahit matagal na naming hinanda 'yong mga sarili namin sa ganitong sitwasyon, nakakabigla pa rin.

Gusto ko nang iiyak ngayon lahat ng luha na meron ako para pagdating ko sa ospital, hindi na ako makita ni Jeydon na ganito. Ayokong makita niya akong umiiyak at mahina dahil baka panghinaan lang siya ng loob. Kailangan niyang tatagan 'yong loob niya. Hindi biro ang operasyon na gagawin niya kaya kailangan niyang maging malakas. Kailangan man niya ako roon o hindi, gusto ko pa rin siyang suportahan.

Pagkatapos ng dalawang oras, nakarating na rin ako sa ospital na sinabi ni Marky. Dumiretso agad ako sa kwarto ni Jeydon pero ang sabi sa 'kin ng nurse, nasa operation na siya. Nahuli na pala ako.

Pumunta agad ako ro'n at malayo pa lang ako, nakita ko na agad si Kim. Tahimik siyang nakaupo at naghihintay sa labas ng operation room. Tinabihan ko kaagad siya pero hindi ako nakapagsalita dahil hindi ko alam kung ano bang dapat kong sabihin.

"Mabuti dumating ka. Ikaw naman talaga 'yong kailangan niya e, hindi ako." Tiningnan ko siya pero hindi siya nakatingin sa 'kin. Parang ayaw niya akong tignan.

"Kim, kailangan ka rin ni Jeydon." Natawa siya pero may iyak sa pagtawa niya na 'yon.

"Tama na, Candice." Tiningnan niya na rin ako at umiiyak nga siya. Pinunasan niya agad 'yong luha sa mata niya. "Tanggap ko na. After how many years, ngayon ko lang talaga natanggap na hindi na siya babalik sa 'kin." Ngumiti siya pero alam kong pilit lang 'yon. "Ang tanga-tanga ko. Ang tagal kong niloko 'yong sarili ko e, na mahal pa rin niya ako at babalik pa rin siya sa 'kin. Pinaniwala ko 'yong sarili ko na at the end, we will still be together pero ang totoo, una pa lang ay alam kong hindi na kami pwede." Pinipilit niyang ngumiti kahit na nasasaktan na siya.

Hinawakan ko 'yong kamay niya. "Nagmahal ka lang naman kaya mo nagawa 'yang mga katangahan na yan e."

Tumingin siya sa 'kin. "Oo, nagmahal lang ako... nang sobra sobra." Nilagay niya 'yong kamay niya sa mukha niya at doon na siya umiyak. "Mahal na mahal ko si Jeydon e." Hindi ko alam pero may kung anong nagtulak sa 'kin para yakapin si Kim. "Sa sobrang pagmamahal ko sa kanya, nakalimutan ko nang mahalin 'yong sarili ko."

Damang dama ko 'yong hirap at sakit na nararamdaman ngayon ni Kim. Naaawa ako sa kanya. Wala naman siyang ginawa kung hindi magmahal.

"Hindi lang siya 'yong pwede mong mahalin, tandaan mo yan."

"Oo, alam ko. Alam ko na marami pang iba riyan pero anong magagawa ko? Siya 'yong pinili ng puso ko e, ng tanga kong puso." Lumayo siya sa 'kin pagkatapos ay pinunasan niya 'yong mga luha sa mata niya.

"Tama na, masyado nang ma-drama. Kontrabida ako rito kaya dapat ay hindi ako umiiyak." Nakatingin lang ako kay Kim. Pinipilit niyang maging malakas kahit na nasasaktan na siya. "Candice...may gusto sana akong sabihin..."

"Ano 'yon?" nagulat ako kasi hinawakan niya 'yong kamay ko.

"Patawad." Isang salita lang pero ang lakas ng tama sa 'kin. Isang salita lang pero napakalalim ng salitang binitiwan niya. Kahit kailan, hindi ko naisip na hihingi ng tawad sa 'kin si Kim. "Patawarin mo rin sana si Jeydon kung nasaktan ka man niya. Wala naman siyang inisip at inintindi kung hindi ikaw." Nakatingin lang ako kay Kim. Napatingin siya sa taas at nakangiti. Nagiging maamo rin pala 'yong mukha niya.

The Good Girl's Revenge (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon