#6 [1.26.2013]

3.9K 87 17
                                    

#6

[1.26.2012]

18th entry

Dearest TG,

 

 

 

Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Naguguluhan ako. Naiinis, lalo na sa mga ikinikilos niya. Ewan. Basta pag nandiyan siya, hindi maiwasang maligalig ng mundo ko. Hindi ko ‘to sinasabi sayo dahil pinagseselos kita. Gusto ko lang malaman mo kung anong mga nangyayari sakin sa paglipas ng araw. Ng mga araw. Pero alam ko naman na dahil anghel ka na, may kakayahan ka ng basahin kung anumang nasa isipan ko, at makita kung anong nangyayari sakin.

           

Napanaginipan nga pala kita. Sayang. Sa dinami – rami naman ng libreng oras na pwede kang dumalaw, bakit sa pag – idlip ko pa habang nagkaklase? Sana habang natutulog na lang ako sa gabi. Ang galing, parang totoong – totoo. Para talagang kasama na kita. Para talagang nabuhay ka na at nandiyan.

 

Sa panaginip ko, sa pangalawang pagkakataon .. sinabi mo saking mahal mo ‘ko. Tanda mo pa ba yung sulat mo sakin? Hindi ko tinatapon yun. Alam mo naman na lahat ng mula sayo, itinatago ko diba? Pinahahalagahan ko. Dahil ganoon kahalaga sakin yung mga bagay na ibinigay mo at yung mismong nagbigay, mahal na mahal ko.

 

Hanggang dito na lang muna. Tandaan mo sana lagi na hinding – hindi magbabago ang nararamdaman ko sayo. Mag – iingat ka lagi ah? Alagaan mo ang sarili mo. At kung sakali mang magkabungguang – balikat kayo nila papa at mama, pakisabi na lang sa kanila na miss na miss ko na sila at tulad mo, mahal na mahal ko rin sila.

 

 

***

ISINARA ko ang diary matapos ko itong sulatan. Araw ng Sabado ngayon. Nakatakda kaming dumalaw doon sa mga bata sa bahay – ampunan. Naisisingit ko pa ang pagdalaw – dalaw sa kanila dahil hindi pa naman napapadalas ang pagpapraktis namin para sa major production.

Nakapagpraktis kami kahapon at noong Hwebes. Line reading pa lang naman, dahil adaptation lang ang gagawin namin at kaunting pagbabago lang naman ang kinakailangan sa mismong pyesa. Nag – line reading kami kahit na hindi pa namin alam kung sinu – sino ang gaganap para sa mga mabibigat na “characters” ng mismong istorya. Puro bulung – bulungan pa lang ang nakahanda. Walang katapusang haka – haka. Isang malaking aksaya lang sa oras.

 

Papunta ako ngayong umaga sa grocery para makabili ng mga kailangan para sa pagluluto. Nagrerequest kasi yung mga bata. Gusto raw nila ng “spaghetting kulay puti” at yung paborito nilang manok.

Nagpaaalam ako kay Tita bago umalis. Pinaka – pahinga na ni Tita ngayon, dahil limang araw sa isang linggo siya nagta – trabaho. Nahihiya ako, dahil alam ko namang isa ko sa mga pabigat at pasanin niya pero wala rin naman akong magawa dahil siya mismo ang nagprisintang kumupkop sakin. Isa pa, siya na lang daw naman ang pinakamalapit kong kamag - anak kaya wag na raw sana akong mahiya.

14:(0)3 - 14:(3)3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon