Untitled Part 96

604 20 1
                                    


HINDI makagalaw si Bechang sa sindak pagkatapos ay sa pagkamangha. Mula sa kung saan-saan, nagsidatingan ang mga kemira. Maliliit. Malalaki. Kinalaban ang mga Amulaki pati na ang mga itim na kemira.

Tumigil na sa pag-atungal si Josh pero puno pa rin ng ingay ng mga galit na kemira ang paligid. At mga sigaw ng Amulaking sugatan.

Isang kemira ang huminto sa tabi ni Lakan at balewalang hinampas—sinampiga ng malaking paa si Layna. Tumalsik sa labas ng templo ang Amulaki.

Parang ineksamin ng kemira si Lakan. Si Kunig. Sumingasing, parang umiiyak.

"Lakan?" Tumakbo na si Bechang sa lalaki. "Lakan?" Kinandong niya ang ulo nito. "Lakan?" Parang hindi na nito magawang dumilat.

"'Echang—" ungol nito. Tinangkang hawakan ang mukha niya pero hindi magawang itaas nang todo ang kamay. Bumagsak lang iyon sa tabi nito. "Be—chang." Unti-unti, gumuhit ang ngiti sa mga labi nito.

"Alam mo na na—n-nararamdaman mo—p-paano—"

Bumuka ang bibig ni Lakan, may umagos na dugo doon. "Ala... ala... ng... mugi..."

"Ha?" Hindi naapektuhan ng Adomina ang damdamin... Ang alaala ng damdamin noong mugi ito. At lumabas iyon nang makitang nasa panganib siya. Napahikbi si Bechang. "Lakan—" Nagpalinga-linga siya. Nakamasid lang ang Inang-Lupa, walang emosyon habang nagkakagulo pa rin ang mga kemira at Amulaki. "Kunig—" iyak niya sa kemira. "Ano'ng gagawin ko? Lakan—'wag kang matutulog, tingnan mo ako, Lakan—"

Bumulong ito. "Ang... Adom... ina... dalhin... altar... k-kay... la... ngan... ang Ma... lus..."

Napamata si Bechang sa bulaklak na basta niya ipinatong sa tabi. Parang lalo iyong nagliliwanag. Ano ang sinasabi ni Lakan? Kailangan ng Malus ang Adomina o kailangan ng Adomina ang Malus? Nilinga niya ang altar. Wala nang halos apoy sa Malus. Isang kristal na lang ang nakikita niyang may dumadaloy na apoy pero malabo na.

Naalala niya ang mural. Ang larawan ni Horak, ninuno ni Lakan. Nasa harap nito ang nagliliwanag na mga kristal, nakalutang.

Lumulutang ang bulaklak ng Adomina.

At sa larawan, ang mga kristal ay kahugis ng bulaklak.

Ngayon niya naintindihan.

Ang Malus at Adomina, kailangan ang isa't isa. Hindi magkalaban ang mga iyon. Kailangang magsanib. Ang Adomina ang tatalo sa Hubri na pumapatay sa Malus.

Parang inamoy-amoy ni Kunig ang bulaklak... itinutulak papunta kay Lakan.

Napanganga si Bechang.

Oo nga!

Ang bulaklak ang magpapagaling sa sugat ni Lakan. Kinuha niya iyon.

"Lakan, pagagalingin ka ng Adomina—"

Biglang dumilat si Lakan. "Huwag!" sigaw nito pero halos wala nang boses. "Huwag! W-wala... nang... oras... kai... langang magsama."

"Paano ka?" Baka maubusan na ito ng dugo... baka malunod na ang baga sa sariling dugo. Wala na ring oras si Lakan.

Ngumiti uli ito. "K lang... g-gusto kong... mamatay na may... alaa... la... mo... kahit... kap... raso... kaysa... m... buhay... na... 'di ko... lam kung ano... ka... sa... puso ko..."

Lalong naiyak si Bechang. "Hindi, Lakan. Hindi mo kailangang malaman at maramdaman kung ano ako sa 'yo. K lang kahit hindi mo na ako pansinin. K lang kung pati 'yong alaala mo no'ng mugi ka, mawala na nang tuluyan. K lang kahit hindi na kita makita uli, basta alam ko... buhay ka at nabubuhay nang tahimik... keri ko na 'yon." Ipinatong niya ang bulaklak sa dibdib nito. "Mamahalin kita hanggang mahal kita... dal'wang beses lang naman... ngayon at kailanman." May kasamang tawa ang mga luha niyang pumapatak sa bulaklak. "Tama na ang luha ko, 'di ga? Hindi na ito mali dahil hindi na ako takot na mabigo. Hindi ito dahil nasasaktan ako. Hindi na ako nasasaktan, Lakan. Bukas na ang puso ko. Nakita ko na ang laska." Walang kasinggaan iyon sa damdamin.

Nakapikit na si Lakan. Parang tulog. Hinaplos ni Bechang ang noo nito. "Gagaling ka na." Matingkad na matingkad ang liwanag ng bulaklak. Si Kunig ay mukhang kampante na, dumapa na lang sa tabi ng amo. Nagbabantay. Naghihintay.

Hinalikan niya sa mga labi si Lakan. Sa huling pagkakataon.

"Paalam, Prinsipeng Kokak. Salamat sa... pagmamahal. Kahit hindi mo na maalala at maramdaman, nandito na 'yon sa puso ko, iniwan mo para... hindi ko na uli masarhan ang damdamin ko." Marahan niyang ibinaba sa sahig ang ulo ni Lakan.

Nilapitan ni Bechang si Josh. Tumayo na ang kemira pero iika-ika. "Kaya mong lumipad, Josh?"

Ikinampay nito ang pakpak.

Natawa si Bechang. "Makaatungal ka kanina—" Nayakap niya ang kemira. "Chika lang pala, nagtawag ka lang ng kakampi."

At mukhang dahil sa pagliliwanag nang husto ng Adomina, tulala na ang mga Amulaking nakatayo pa. Si Layna, hinabol lang si Bechang ng tingin, parang nagtataka na sa nararamdaman... kung may nalalabi pa itong emosyon.

"Uuwi na 'ko sa 'min, Josh. Dalhin mo 'ko sa landas ng santelmo."

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now