Untitled Part 36

579 24 1
                                    


NAPAHIGA sa lupa ang Mamay Berto nang mawalan ng panimbang matapos iwasan ang hataw ni Nikko. Nakita nito kanina ang arnis ng mamay, kinuha. Marunong pala niyon ang lalaki dahil PE daw nito ang arnis noong high school. Nagkatuwaan ito at ang Mamay Berto na mag-sparring sa labas. Sabik sa kalaban ang mamay, bihirang-bihira nang makaengkuwentro ng taong maalam sa arnis.

Tinutulungan ni Nikko ang mamay na bumangon nang makarinig sila ng malakas na sigaw.

"Yaaaaaa!"

Si Lakan, lulusubin si Nikko.

May dalang itak.

"Lakan!" Patakbo na itong sinalubong ni Bechang. "Ano ka ga? Lakan! Takbo, Nikko! Takbo!" Pigil-pigil niya ang braso ni Lakan pero malakas ito. Kapag isinalya siya, tatalsik siya tiyak. "Ano ga? Tama na, Lakan!" Kaya ba niya itong halikan? Pero may makakakita. May ilang batang nanonood sa sparring. Hindi puwede. "Tama na! Kalma! Ano ga?"

Dinaluhan na rin sila ni Inay Biring. "Utoy, utoy, huminahon ka, alang-alang man lang sa akin. Mag-usap tayo. Ano ga ang nangyayari sa iyo, utoy? Pausap na, huwag kang maghuramentado—" Mangiyak-ngiyak, nanginginig ito.

"Lalabanan ko siya!"

"Bakit ga?" asik ni Bechang. "Ano'ng kasalanan sa 'yo n'ong tao? Bitawan mo 'yang itak! Akina!"

"Ibigay mo na, utoy. Ibigay mo na, parang awa mo na... Mapapaihi na ako sa salwal—" Si Inay Biring.

"Ano ga iyan?" Ang Mamay Berto, nakabangon na. "Bakit ka mananaga?" asik nito kay Lakan.

"Lalaban ako," sagot ng engkanto.

"Gusto mo ng laban? Parine, kitang dal'wa ang maglalaban."

Sinaway ito ni Inay Biring. "Ano ga naman, Berto? Gagatungan mo pa, eh! Mapapaihi na ako! 'Yan na nga yata!"

"Aba'y lakad sa banyo! Habi riyan, ako ang bahala diyan!" Hinablot ng Mamay Berto ang braso ni Lakan. "Bitawan mo iyang itak, kunin mo 'yong baston!"

Binitawan naman ni Lakan ang itak, kinuha ang baston ng mamay na nakakalat.

"Maalam ka ga ng arnis?" tanong pa ng Mamay Berto.

Umiling si Lakan.

Sumingasing ang mamay. "Sinasabi sa iyo, eh! Dagos ka nang dagos, hindi pala maalam. Ganire—" Nag-demonstrate ito ng tamang tindig.

"Titingnan ko lang ho si Nikko," paalam ni Bechang at lumabas ng tarangkahan.

Nasa kotse nito si Niko. Ibinaba nito ang bintana. "Ano 'yon? Sira-ulo ba 'yon?"

"Eh... h-hindi naman." Napapakamot na lang siya. "Ano lang, may kaunti."

"Delikado kayo do'n, Bechang. Ba't ayaw n'yo pang pauwiin? Wala ba siyang mauuwian dito? Pamilya?"

"Wala nga, eh. 'Di ba sabi ko kagabi, nasa Norway—"

"'Kala ko Belgium?"

"Ah, he-he... baka nagkamali lang ako. Norway talaga. Inaayos lang niya papers niya." Tinanong ni Nikko kagabi kung sino ang sumisigaw habang magkausap sila.

"Bigla-biglang mananaga?!"

"Akala lang niya kasi ano... sinasaktan mo ang mamay. P-pasensiya ka na. Ano... mabait naman 'yong si Lakan. Protective lang."

"Parang kakaiba, eh. Ang laking tao pa naman, baka mamaya... kayo ang saktan."

"Hindi naman. Kilala naman namin siya. Kakausapin ko lang, nakikinig naman 'yon sa paliwanag."

"Itago mo ang mga itak, mga matatalas sa bahay n'yo."

"Oo nga. Pasensiya ka na uli, ha."

"Okay lang. Nagulat lang ako kanina... ibang klase—"

Nag-usap pa sila nang kaunti bago nagpaalam si Nikko. Bumalik na sa kanila si Bechang.

Nakuuu, Lakan, nakuuuu!

Sarap kutusan ng engkanto.

Pasaway masyado.

"Marami daw engkanto diyan," sabi ko kay Bechang nang nasa tabi na kami ng elementary alma mater ko.

"Nakuwento nga ng kapitbahay ko."

"Kinuwento mo na rin sa iba ang kuwento mo?"

Umiling ito. "Hindi. Sa 'yo pa lang. Kahit sa ninang, hindi ko masabi."

Am I supposed to feel honored?

"Bakit?" tanong ko.

"Mas... bukas 'yong isip mo."

"Paanong bukas?" Nababasa nga ang nasa isip ko? Nanay ko.

"Hindi mo basta-basta tatanggapin ang kuwento ko, at the same time, hindi mo rin babalewalain. Gusto mong... isipin."

Natural, writer ako, eh.

Nagpatuloy pa siya. "Baka lang din ano... nagkataon lang na magaan ang loob ko sa 'yo."

Napatango ako. Kunsabagay, the feeling is mutual. Masyado lang ding mayaman ang imahinasyon ko kaya kung ano-ano pa ang iniisip ko, gayong sa kaibuturan ng damdamin ko, I like this woman.

Still, nasa loob ng sports bra ko si Rambo. Nilagay ko do'n bago ako umalis.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now