Untitled Part 75

548 21 4
                                    


HINDI maiwasan ni L'aq'n na magtaka habang nasa himpapawid sila at nakayakap sa kanyang likuran si Bechang.

Alaala.

Nalilito siya dahil ang mga alaala ay paraan lang upang matuto at masanay. Natatandaan niya lahat ng nangyari sa kanya sa sukod nina Bechang pero hindi naman iyon mahalaga. Isa lang iyong karanasan na maihahalintulad sa una niyang pagtuntong sa Dagtum. Nakita niya ang dagtum, nalanghap, narinig ang mga tunog sa paligid, nadama ang mga pinong pulbos sa kanyang katawan kaya kahit pa takpan ang kanyang mga mata, alam niya kung nasa Dagtum siya.

Iyon lang ang halaga ng mga alaala. At ang mga alaala ay hindi kusang iniisip dahil bahagi na iyon ng bawat salita at kilos. Kagaya ng apoy. Hindi niya hahawakan dahil alam niyang mainit at masasaktan siya. Hindi na niya malilimutan ang alaala kung gaano kasakit madarang.

Ngunit ang mga alaala ni L'aq'n tungkol kay Bechang, parang sinasadya niyang gunitain. Parang gustong maging bahagi ng kanyang salita at kilos at hindi niya titigilang gunitain hangga't hindi iyon nangyayari. Nakapagtataka. Dahil, ano ang mahalaga sa higpit ng yakap ni Bechang?

Ang halimuyak nito, ililigtas ba siya sa vulpa?

Kailangan ba niya ang init ng katawan nito upang makaiwas sa karamdaman?

Hindi. Hindi niya kailangan si Bechang at ang mga alaala nito. Walang dahilan para isipin na sadyang mahigpit yumakap ang babae. Walang dahilan para isipin at hawakan sa isipan ang halimuyak nito.

"Malayo pa?" sigaw nito sa batok niya. May halong pangangatal ang tinig, mas humigpit ang yakap sa kanya at ginusto na naman niyang isipin ang mga sandali na sinigawan siya nito dahil... dahil...

"Naririto na tayo," wika ni L'aq'n. Hinaltak niya ang paningkaw para pabagalin ang pagbulusok ni Kunig sa burol. Gayunpaman ay humiyaw pa rin si Bechang at isinubsob ang mukha sa kanyang likod.

Lumapat ang mga paa ni Kunig sa lupa.

"Tapos na?" tanong ni Bechang.

"Oo." Naunang bumaba si L'aq'n upang alalayan si Bechang. Nanginginig ito. Malamig talaga ang hangin sa himpapawid. Niyakap nito ang sarili pagtuntong sa lupa.

"N-nasa'n ang harrrrr-din?" Tila hirap itong luminga. Naninigas.

Niyakap niya ito nang mahigpit. Ramdam niyang nasiyahan si Bechang sa pagkabawas ng lamig. Ngunit hindi sapat na mabawasan lang. Gusto niyang tuluyan nang hindi lamigin si Bechang. Mas hinigpitan pa niya ang yakap at inilapat sa ulo nito ang kanyang pisngi.

Hindi na namalayan ni L'aq'n ang mga sandali. Kung hindi pa umungol si Kunig, hindi niya bibitiwan si Bechang.

Mistulang namamangha ang anyo nito. "M-may iniisip ka."

"Wala."

Minasdan siya nito nang ilang saglit, saka luminga-linga. "Saan ang hardin?"

"Dito." Kinuha uli niya ang kamay ni Bechang. Talagang nakapagtataka dahil ngayon ay tila bahagi na ng kanyang kilos ang paghila sa kamay ni Bechang. Katulad ng bawat haltak at bitaw sa paningkaw ni Kunig, alam niya kapag kailangan niyang hawakan si Bechang.

"Sa batuhan? Aakyat? Ba't hindi na lang tayo do'n bumaba?" tanong nito.

"Hindi." Nauna si L'aq'n sa Dinapuan para ipakita ang lagusan. Makitid lang iyon at hindi basta-basta makikita sa malalaking bato.

"Kuweba?" tanong nito. "Sure ka?"

"Syurnes," sagot niya. Nagsimula na siyang maglakad nang patagilid sa butas.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now