Untitled Part 37

589 30 1
                                    


"BA'T WALA pa 'yon? Sabi ni Buknoy, pauwi na sila. Ba't madilim na, eh, wala pa?" Nakaabang sa bago nilang gate si Bechang. Hindi na iyon kahoy at mga kawad lang. Konkreto na at may bakal na grills ang bakod.

"Baka natrapik laang." Si Inay Biring, nasa tabi niya sa pahabang monoblock na upuan.

"Nag-aalala ako do'n, eh. Baka mamaya, lasingin nina Buknoy, biglang ipagsabi na engkanto siya." Umuwi ang kuya ni Buknoy na seaman, nagpa-outing. Kaya, umaga pa lang, dinaanan na si Lakan ng 'trops.'

"Hindi naman maniniwala ang mga iyon," sagot ni Inay Biring. "Wala namang palatandaan na engkanto, wala namang kapangyarihan."

"Sabagay nga." Umayos si Bechang ng upo sa tabi ng kanyang lola. "Para lang tayong may ampon na ibang lahi." In-unlock niya ang cell phone pero wala naman siyang mapiling icon. Wala siyang gana maski sa Facebook. Iba talaga ang tinitingnan sa tinititigan. "Ang tagal nilang umuwi," himutok na naman niya.

"Nag-awting laang ay nagkakagay'an ka na? Paano 'pag biglang bumalik sa kaharian nila? Masasabi mo ga na hindi na talaga 'yon babalik sa kanila?"

"Nag-aalala lang ho ako dahil maloloko 'yong sina Buknoy. Alam n'yo naman si Lakan, hindi pa niya masyadong gets kung biro lang o totohanan."

"Matututo rin 'yon—" Tumigil si Inay Biring. Napatingala siya sa gate. Ang Mamay Berto, inaabot ang kandado para buksan.

"Ginagawa n'yo diyan sa dilim?" tanong nito pagpasok.

"Inaantay namin si Lakan," sagot ni Bechang. "Ano ga ho? 'Musta ang tupada?"

"Ala, ay de 'ayun! Talo! 'Yon, adobo na ang lintek. Sa butaw laang pala magaling. Kaawa-awa laang ang sinapit." Napailing pa ang Mamay Berto. "Kainaman na."

"Sayang naman si Terminator," komento niya at biglang napapitlag ang kanyang puso. May mga nag-iingay sa labas ng gate.

Sina Buknoy, kasama si Lakan.

"Ngayon lang kayo?" tanong agad niya.

Imbes na sagutin siya, ang Mamay Berto ang tinawag ni Buknoy. "Mamay, may magpapatule daw!" Tawanan.

"Nakoww! Alam ko na kung sino ang supot!"

Hagikgikan uli sina Buknoy. Hindi na makaimik si Bechang. Alam din niya kung sino ang supot. Alam din ng Inay Biring na nakayukong nakangiwi. Hindi lang pala binabanggit sa kanya pero napansin na pala una pa lang.

Balewala naman sa supot ang lahat, nagtaas pa ng kamay. "Ako. Su-pot."

Lalong naghalakhakan sina Buknoy, naghampasan, nag-high-five.

Napamura ang mamay. "Kingina kang hayup ka, 'pinagmagaling mo pa!" At natawa na rin. "Magpapatuli ka?"

Tumango si Lakan.

Napanganga si Bechang.

"German cut daw, Mamay," sabi ng isang ka-trops.

"Teka muna," awat ni Bechang, hinila niya ang kamay ni Lakan. "Puwede namang hindi patuli. Dito lang sa Pilipinas uso 'yon masyado." Hinila na niya ang engkanto hanggang sa loob ng bahay. "Ba't mo kasi ipinakita? Nalaman tuloy nila."

"Ipinakita nila 'yong sa kanila, eh. Sa paliguan."

"Ala," pakli na lang ni Bechang. Parang nai-imagine na niya ang nangyari. Mga lalaki sa shower room, walang kiyeme magsipaghubad. Kantiyawan pa. At obviously, napagkantiyawan nang husto si Lakan.

"Dapat daw magpatuli," sabi pa nito.

"Masakit 'yon. Babalatan ka nang buhay diyan sa ano mo," turo niya sa pundyo nito.

Kitang-kita niyang napalunok si Lakan. "Alam ko."

"O? Ba't gusto mo pa patuli?"

"Para mahalin mo ako. Ayaw mo daw akong gustuhin dahil hindi ako tuli."

Matutuwa ba siya? Kikiligin? Oo. Kaso...

"Niloloko ka lang nina Buknoy. 'Wag kang maniwala sa mga 'yon."

"Kaya mo kinakausap si Nikko. Gusto ng mga babae dito, tuli."

"Hindi totoo 'yon." Gigil na siya.

"Bakit lahat sina Buknoy, tuli?"

Parang hindi maaawat sa gusto. "Eh... 'wag na sa mamay, nangangatal ang kamay n'on 'pag walang inom. Duleng naman 'pag nakainom. Gusto mong mamasaker 'yang ano mo? Sasamahan na lang kita sa doktor."

Umiling si Lakan. "Hindi puwede sa doktor. Sa mamay lang."

"Walang pangimay ang mamay. Sa doktor hindi masyadong masakit."

"Kailangan kong maramdaman ang sakit. Tunay na lalaki ako."

"Hala."

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now