Untitled Part 10

1K 27 2
                                    


"KUNIG! Tama na! May ginagawa ako—" Pero natawa na naman si L'aq'n nang muling dilaan ni Kunig ang kanyang leeg. Ayaw tumigil ng kemira, parang sabik na sabik sa kanya. Kunsabagay, ang tagal nilang hindi nagkita ng alaga. Naglakbay siya kasama ang mga Amulaki... Umiindak ang mga diyosa sa saliw ng himig ng isang laksang mugi...

"INAAAYY—" Pabulong ang sigaw ni Bechang. Bumaba siya ng kama.

"Sshh—" saway ni Inay Biring.

Patiyad siyang lumapit sa kanyang lola. "Sino 'yan, Inay?" bulong niya.

Nakatagilid—halos nakadapa na sa kama ang lalaki. Malaki ito, lampas sa kama ang mga paa at base sa lapad ng likod, maskulado. Maputi. Itim ang buhok. Hindi kita ang mukha dahil nakasubsob sa gitna ng dalawang unan. Kumikislot-kislot ang balikat. Tumatawa yata. Nananaginip?!

"Ewan. Tawagin mo ang mamay mo. 'Wag kang maingay, kunin mo ang gulok," bulong din na sagot ni Inay Biring.

"Paano ka?" Baka magising ang lalaki sa kama, saktan ang kanyang inay.

"Ako na'ng bahala sa sarili ko." May inabot sa dingding si Inay Biring. Balisong. Oo nga pala, emergency weapon iyon ng matanda. Hindi doble ang kanilang dingding at naka-expose ang frames, doon nakapatong ang balisong. "Lakad na." Binuksan nito ang balisong. Hindi katulad ng ordinaryong balisong na deretso ang talim, may uka-uka ang kay Inay Biring at pakurba ang talim. Rambo style daw iyon.

Patagilid na lumabas si Bechang, ipinagkasya na lang ang sarili sa awang ng pinto at baka umingay pa kapag binuksan. Patiyad lang din siyang bumaba. Sa sofa na kawayan na nakatulog ang Mamay Berto. Plakda. Ang lakas ng hilik.

Kinuha muna niya sa haligi ang nakasabit na gulok, nakasuksok iyon sa kaluban na gawa sa balat ng kalabaw. Itinali niya iyon sa baywang at saka nilapitan ang kanyang mamay. Kinalog niya.

"Mamay, Mamay—"

Umungol lang ang matanda pero hindi gumising.

"Mamay sabi, gumising kayo—" Binulungan niya ito. "Mamay, sasama daw ba kayo sa tupada? May tupada daw ho."

"Huh?" Dilat agad ang Mamay Berto, nilinga si Bechang at bumalikwas na. "Saan? Saan?" Halatang wala pa sa huwisyo pero handa nang magsabong.

"Wala ho." Tumuwid siya. "Mamay, may lalaki ho sa itaas, nandoon ang Inay—"

"May lalaki ang inay mo? 'Tsurang iyon?"

"Hindi ho." Gigil na si Bechang. "May nakapasok ho dito sa bahay, nasa itaas. Bilisan n'yo, baka mapahamak ang inay."

"Paano'ng makakapasok—"

"Nakapasok ho, eh. Tayo na ho!" Hindi lang niya maitodo ang sigaw at baka magising ang lalaki. Kung bakit nagawa pa nitong matulog, ewan. At sa pagitan pa nila ni Inay Biring!

Tumayo na ang Mamay Berto, deretso sa hagdan. Huminto. "Ang baston ko?"

Oo nga pala!

Tumiyad lang si Bechang para abutin ang baston sa ibabaw ng TV at display cabinet. Dalawa iyon pero isa lang ang kinuha niya. Kulang-kulang three feet ang haba, gawa sa mahogany. Sa lolo pa raw iyon ng Mamay Berto kaya talagang antigo na. Ang lolo ring iyon ang nagturo sa kanyang mamay ng arnis.

Iniabot niya kay Mamay Berto ang 'sandata.' Hinawakan nito nang mahigpit ang matigas na baston. Mababali raw muna ang buto ng tao bago ang baston. Kahit medyo deformed at may arthritis na ang kamay ng kanyang mamay, halatang maalam manandata—bago raw tawaging arnis ang martial arts na iyon, 'pananandata' ang tawag doon ng mga Tagalog.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now