Untitled Part 19

1K 28 2
                                    


HINDI raw naglalaba ng mga kasuotan ang mga engkanto, ayon sa kanyang 'very reliable resource person—este, engkanto.' Inilalatag lang daw ang mga damit sa mga bato, hinahayaang sikatan ng Inang-Buhay.

Mas feel na rin ni Bechang na tawaging Inang-Buhay si Haring Araw. Kung saan man ang dimension nina Lakan, parang mas pabor sa mga babae ang society doon. Or mas open-minded, dahil, take note, pati mga beki, accepted to the max.

Sa pinakamainit na bahagi ng sampayan sa likod-bahay niya dinala ang 'palda' ni Lakan. Ang 'carpet' na napulot niya sa likod ng simboryo. Nakalimutan na niya dahil sa mga kagila-gilalas na mga pangyayari, pero kanina, nakita ni Lakan sa tubalan—basket ng maruruming damit. Ipinabuhat niya dahil maglalaba siya. Tuwang-tuwa ang engkanto nang makita ang palda.

"Pasensiya na, wala kaming bato. Sipit lang." Isinipit na ni Bechang sa sampayan ang 'palda.' Napatingin siya sa braso. May naiwang... alikabok? Pinispis niya ang kamay. Maitim ang alikabok. Parang pulbos na itim. At bongga. Iyong mga putik na nakadikit noon, alikabok na lang din at kusa nang natatanggal. Hindi na nga kailangang labhan.

Pagpag lang. Hinampas niya ang palda. Nagliparan nga mula roon ang mga alikabok. Naubo siya.

"Grabe naman." At kung itim ang alikabok sa 'encantasya,' bakit mestiso pa rin si Lakan? At mukhang walang libag. Ang linis-linis ng kutis.

Inggit much.

Naghanap si Bechang ng kapirasong kahoy at ginamit iyon para pagpagan pa ang palda ni Lakan. Kapapagpag, parang may tumalsik. Sinipat niya ang lupa.

Ano kaya 'yon? Saan tumalsik?

Sa kanan niya, bandang alas-dos ang direksiyon, parang may kumislap. Pero nang sipatin niya, wala naman. Linga-linga uli siya.

Hayun na naman!

Doon din sa may kumislap kanina.

Nilapitan na niya.

Umiskwat si Bechang, sinipat nang maigi ang lupa. May bato-bato nang kaunti—bato o dumi ng pusa na nanigas? May isang tumpok ng masamang damo, tuyo na at lahat ang paligid, pero nabubuhay pa rin. May takip ng soft drink na nakatihaya, asul ang plastic na lining. Iyon yata ang nakita niya.

Nadismaya siya.

Dahil umasa agad siya na diyamante ang makikita. Ganoon yata talaga ang mga yagit, maski imposible, nai-imagine.

Biglang may tumawag sa kanya, excited. "Dinapuan! Kasya nga! Kasya!"

Dinapuan na talaga name ko?

Tumuwid si Bechang at hinarap si Lakan. Nasa pintuan ng kusina, suot ang binili nilang T-shirt at jogging pants. Tsinelas na lang para sa paa, wala nang budget para sa maski pekeng Adidas.

"Wow! Guwapo mo lalo!" Totoo naman. Pag-artistahin kaya niya? Baka iyon ang 'diyamante' na inaasam niya. Sisikat nang husto si Lakan dahil... saan ka makakahanap ng kasingguwapo nito? Maski sa Hollywood, wala sa palagay niya. At bilang siya ang manager, yayaman siya.

"Sabi mo mamamasyal tayo? Uli," sabi nito.

"Oo, mayamaya." Nawili sa gala ang engkanto at na-realize naman niya, mas marami pa itong matututunan agad kung ipapasyal niya lagi.

"'Di pa tapos labada mo?"

"Tapos na. Binibilad 'yong palda mo." Tumingin si Bechang kung saan nakasabit ang palda.

Taka agad ang engkanto. "Ba't nando'n ka?" turo nito kung saan siya nakatalungko kani-kanina.

"May tiningnan lang ako. Parang may tumalsik sa palda mo. Ba't kasi ang daming alikabok? Itim pa?" Ipinakita niya ang mga kamay. "'Yan, o, may mga dumapo pa sa 'kin."

"Dagtum 'yan. Nakuha ko sa tabing-dagat."

"Buhangin?"

"Dagtum."

Sana puwedeng maging tourist spot ang encantasya. Kikita rin siya nang limpak-limpak bilang tourist guide.

"Anong kulay ng dagat sa inyo?" tanong niya.

"Asul. Blu."

Pareho nga rin sila. Sa mga nilalang lang nagkaiba. Bakit kaya?

Baka sa hangin.

"Puwede ba 'ko doon sa inyo?" tanong niya.

"May Hubri ka—" Biglang may itinuro si Lakan. "'Ayun!" At bago pa makalingon si Bechang, lumapit na sa itinuro ang engkanto. Umiskwat. May pinulot. Bumalik sa kanya.

"O, sa 'yo na lang." Hawak nito ang pinulot.

Hindi makakilos si Bechang. Hindi rin makapagsalita.

Mangasul-ngasul na bato ang hawak ni Lakan. Sinlaki ng piso pero hindi bilog, walang hugis, matalas—rough ang mga gilid. Parang kristal na asul, pero higit na makislap sa isang kristal.

"Hindi mo gusto?"

Sa wakas ay nahanap ni Bechang ang boses. "A-anong bato 'yan?"

"Batong-puraw. Kasama ng dagtum. Nagiging ganito ang dagtum kalaunan."

Hindi kaya?

Ngatal ang kamay, kinuha niya ang bato. Tinitigan niya iyon sa kanyang palad. "Ang... ang ganda." Kumikislap bawat surface na tamaan ng araw at habang tinititigan, parang lumalalim ang pagkaasul.

Diamond ba iyon? Blue diamond?

Nanghilakbot si Bechang sa naisip. Nanghilakbot sa excitement.

Pagkalaking blue diamond!

Kung iyon talaga ang bato, MAYAMAN NA KAMI!

Pero paano ba malalaman kung diamond ang isang bato?

"Thank you," sabi niya kay Lakan at ibinulsa sa shorts ang bato. "Tara sa loob. Magbibihis lang ako. May pupuntahan tayo."

n�Z��S�

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now