Untitled Part 15

1.3K 37 7
                                    


BAWAT nakita, narinig, naamoy, nadama... bawat salita at bawat kataga... bawat paraan ng pagbigkas... bawat kaalaman, nasa panaginip ni L'aq'n. Inaawit sa kanya ng mga kawing, naririnig niya sa hangin habang isinasayaw ang mga dahon. Ipinaliliwanag ng Matandang Asoge habang naglalakad sila sa Dagtum... Ang wika ay binabaybay... Ang baybay ay may titik... Mga titik ay binibigkas upang maging salita...

Bumangon si L'aq'n. Kinuha sa taguan ang mga papel at pangguhit na ginagamit ng Dinapuan sa pagtuturo sa kanya. Hinawakan niya ang pangguhit at inilapat sa papel ang dulo. Nagsimula siyang magsulat. Magsulat habang bumibigkas.

Ginagawa niya iyon tuwing magigising buhat sa mahabang panaginip. Ang kanyang paghahangad na matulog ay palatandaang handa nang tumanggap ng kaalaman ang kanyang isip. Kailangang ipahinga ang buong katawan para walang maging sagabal.

Okay, Frog Prince with a twist. Hindi ko naisip 'yon, ah. May future sa literature si Bechang.

Hindi ko na napigilang sabihin, "Puwede kang writer."

"Gano'n?"

"Oo, ang saya ng kuwento mo, eh." Ubos na ang lomi namin. Kinawayan ko ang mga serbidora. Kung sino ang makapansin, siya ang lumapit.

"Ako na lang magbabayad, ha," prisinta ni Bechang, kinalkal na sa backpack ang wallet.

Nag-ingay ang budol alert sa utak ko.

Kunwari galante, gano'n ang mga budol. Sisilawin ka. They will appeal to the greed within you.

Mabibigo ka, sa loob-loob ko. Pero hinayaan ko pa rin siyang magbayad ng apat na lomi espesyal. Kung inuuto niya ako, puwes, magkukunwari akong uto-uto.

Wala raw siyang barya, isanlibong buo ang iniabot sa serbidora. Part pa rin iyon ng Marami-akong-pera-M.O (modus operandi) ng mga budol. Kung sakali kayang mabudol ako ni Bechang, ano kaya ang iuuwi ko sa bahay? Isang backpack na papel? Natawa ako.

"Bakit?" tanong niya.

"Wala. Naalala ko lang ang palakang prinsipe. Gaano kaguwapo? Sinong artista ang ka-level?"

"Mmmm, dito sa 'tin, baka si Piolo. Pero mas guwapo pa rin si Lakan. Iba kasi siya talaga, eh. Kasi nga, hindi tagarito. Iba ang... arrive. Kahit mukhang tanga magsalita..."

Itinuloy ni Bechang ang kuwento habang iniisip ko kung ano ang posibilidad o kung may posibilidad man, na ang isang tao ay maging palaka. Rare disease, genetic disorder, mga gano'n. Pero parang wala sa Google n'on.

Ang nakikita ko lang na explanation sa kuwento ni Bechang, Transformer si Lakan. Gawa sa micro... hindi, mas maliit sa micro... nano. Oo nga. Nanobots. Nanobots na nagre-react sa mga kemikal ng laway ni Bechang. 

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now